2018
Pagkatuto mula sa mga Mensahe sa Pangkalahatang Kumperensya (2018 at 2019)
Nobyembre 2018


Pagkatuto mula sa mga Mensahe sa Pangkalahatang Kumperensya (2018 at 2019)

Ang mga turo ng mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag ay maaaring magbigay ng inspiradong patnubay para sa gawain ng mga elders quorum at mga Relief Society. Sa mga linggo kung kailan pag-aaralan ang mga mensahe sa kumperensya, ang panguluhan ng elders quorum o ng Relief Society ay pipili ng isang mensahe sa kumperensya na gagamitin, batay sa mga pangangailangan ng mga miyembro. Kung minsan, maaari ring magmungkahi ang bishop o stake president kung anong mensahe ang gagamitin. Dapat bigyang-diin ng mga lider ang mga mensahe mula sa mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Gayunman, ang mga miyembro ng panguluhan ay maaaring pumili ng anumang mensahe mula sa pinakahuling kumperensya, batay sa mga pangangailangan ng lokal na mga Banal at inspirasyon mula sa Espiritu.

Dapat humanap ang mga lider at guro ng mga paraan upang mahikayat ang mga miyembro na basahin nang maaga ang mga piniling mensahe. Dapat nilang hikayatin ang mga miyembro na dumalo sa mga miting na handang magbahagi ng mga katotohanan ng ebanghelyo na natutunan nila at ng kanilang mga ideya tungkol sa kung paano ipamumuhay ang mga katotohanang iyon. Ang mga iminumungkahing aktibidad sa pag-aaral na nasa ibaba, na batay sa mga alituntunin na itinuturo sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, ay maaaring makatulong sa mga miyembro na matuto mula sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya.

Larawan
Elder Quentin L. Cook

Quentin L. Cook, “Malalim at Tumatagal na Pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at Panginoong Jesucristo”

Maaaring interesado ang mga miyembrong marinig mula sa isa’t isa ang kanilang mga unang reaksyon nang marinig nila ang tungkol sa mga pagbabagong inilarawan sa mensahe ni Elder Cook. Kung tatanungin sila ng isang taong hindi miyembro ng Simbahan kung bakit gumagawa ng ganitong mga pagbabago ang Simbahan, ano ang sasabihin nila? Hikayatin silang maghanap ng mga posibleng sagot sa mensahe ni Elder Cook. Ano ang magagawa natin bilang mga indibiduwal at pamilya, at bilang isang korum o Relief Society, upang matiyak na maisasakatuparan ng mga pagbabago kung ano ang nilalayon ng Panginoon? Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari ka ring magbahagi ng mga ideya mula sa pambungad na pananalita ni Pangulong Nelson na humihikayat sa mga miyembro na “masiglang tanggapin” ang mga pagbabagong ito.

Larawan
Elder Ronald A. Rasband

Ronald A. Rasband, “Huwag Kayong Mabagabag”

Ang mensahe ni Elder Rasband ay nagtatampok ng ilang mga banal na kasulatan na makatutulong sa atin na iwaksi ang anumang takot na mayroon tayo tungkol sa mapanganib na panahon na ating ginagalawan. Hilingin sa mga miyembro na saliksikin sa mga banal na kasulatan ang mga payo na maibibigay nila sa isang taong nangangamba tungkol sa hinaharap. Ano pa ang maibabahagi nila mula sa mensahe ni Elder Rasband? Paano “[nililimitahan] ng takot ang pananaw ng mga anak ng Diyos”? Anyayahan ang mga miyembro na ibahagi kung paano nila natutunan na daigin ang kanilang mga takot at mamuhay nang may pananampalataya.

Larawan
Elder David A. Bednar

David A. Bednar, “Tipunin ang Lahat ng mga Bagay kay Cristo”

Isiping magdala ng maipapakitang lubid at checklist. Anyayahan ang mga miyembro na talakayin ang pagkakaiba ng pagtingin sa mga katotohanan ng ebanghelyo at mga programa ng Simbahan bilang isang lubid at pagtingin sa mga ito bilang isang checklist ng mga paksa at gawain. Hikayatin ang mga miyembro na maghanap ng mga ideya mula sa mga halimbawa sa mensahe ni Elder Bednar. Ano ang ibig sabihin ng “tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo”? (tingnan sa Mga Taga Efeso 1:10). Ano ang maaari nating gawin upang matanggap ang pangako sa pagtatapos ng mensahe ni Elder Bednar?

Larawan
Pangulong Dallin H. Oaks

Dallin H. Oaks, “Katotohanan at ang Plano”

Paano nakatutulong sa atin ang “mga ipinanumbalik na katotohanan ng ebanghelyo” kapag tayo ay nahaharap sa oposisyon sa ating mga paniniwala at kaugalian? Upang masagot ang tanong na ito, maaaring suriin ng mga miyembro ang mga halimbawa ng mga pangunahing katotohanan sa bahagi II ng mensahe ni Pangulong Oaks. Maaari rin nilang suriin ang mga halimbawa kung paano maisasabuhay ang mga katotohanang ito (tingnan sa bahagi III). Maaaring makatulong sa mga miyembro kung isasadula nila kung paano nila gagamitin ang ilan sa mga pangunahing katotohanan upang tumugon sa mga puna sa isang turo o kaugalian sa Simbahan.

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

D. Todd Christofferson, “Matibay at Matatag sa Pananampalataya kay Cristo”

Maaari mong simulan ang isang talakayan tungkol sa mensaheng ito sa pamamagitan ng pagguhit ng isang linya sa pisara na may nakalagay na Dahil sa Nahikayat ng Iba sa isang dulo at Katapatan na Katulad ng kay Cristo sa kabilang panig. Anyayahan ang mga miyembro na basahin ang talatang nagsisimula sa “Karamihan sa atin ay nasa gitna ng dalawang uri ng pakikibahagi sa ebanghelyo …” at isiping mabuti kung nasaan sila sa gitna ng dalawang uri ng pakikibahaging ito. Ano ang matututunan natin mula sa mga halimbawa sa mensahe ni Elder Christofferson na nagbibigay ng inspirasyon sa atin na maging matibay at matatag sa kahirapan? (tingnan din sa Alma 36:27–28). Hikayatin ang mga miyembro na magbahagi ng mga halimbawa ng mga taong kilala nila na nagpakita ng katapatan sa ebanghelyo na katulad ng kay Cristo, kahit nahaharap sa kahirapan.

Larawan
Elder Ulisses Soares

Ulisses Soares, “Iisa kay Cristo”

Ayon kay Elder Soares, paano kinakatawan ng Amazon River ang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo? Ano ang itinuturo sa atin ng paghahambing na ito tungkol sa impluwensiya ng mga bagong miyembro sa Simbahan? Paano natin masusunod ang payo ni Elder Soares bilang isang korum o Relief Society na hikayatin, suportahan, at mahalin ang mga bagong binyag? (tingnan sa Moroni 6:4–5). Marahil maaaring magbahagi ang ilang miyembro ng ilang hamon na nakaharap nila bilang mga bagong miyembro ng Simbahan at kung paano sila tinulungan ng iba pang mga miyembro. Maaari mo ring talakayin ang mga paraan kung paano pinalakas ng mga bagong miyembro ang inyong ward o branch.

Larawan
Elder Gerrit W. Gong

Gerrit W. Gong, “Ang Ating Siga ng Pananampalataya”

Isiping magpakita ng isang larawan ng isang siga at anyayahan ang isang tao na magbahagi ng isang karanasan noong siya ay nagpapasalamat na mayroong siga. Hilingin sa mga miyembro na talakayin kung ano ang ibig sabihin ni Elder Gong nang magsalita siya tungkol sa “siga ng pananampalataya.” Pagkatapos ay maaari mong hatiin ang mga miyembro sa mga grupo at anyayahan ang bawat grupo na suriin at ibahagi ang isa sa limang paraan na sinabi ni Elder Gong na mahihikayat tayo ng isang “siga ng pananampalataya.” Bigyan ng oras ang mga miyembro upang pagbulay-bulayan kung paano nila mapalalakas ang kanilang sariling pananampalataya o ang pananampalataya ng isang taong kilala nila.

Larawan
Elder Dieter F. Uchtdorf

Dieter F. Uchtdorf, “Maniwala, Magmahal, Gumawa”

Maaari mong simulan ang isang talakayan tungkol sa mensaheng ito sa pamamagitan ng pagsulat sa pisara ng Kawalan ng Pag-asa at Kaligayahan. Anyayahan ang mga miyembro na saliksikin sa mensahe ang mga asal at paniniwala na humahantong sa kawalan ng pag-asa at kaligayahan at ilista ang mga ito sa pisara. Anyayahan ang mga miyembro na ibahagi kung paano nila naranasan ang kaligayahan na dulot ng paniniwala, pagmamahal, at paggawa, tulad ng itinuro ni Elder Uchtdorf. Hikayatin ang mga miyembro na humanap ng nakapagpapalakas ng loob na sipi mula sa mensahe na mailalagay nila sa kanilang tahanan o maibabahagi sa isang kaibigan.

Larawan
Sister Joy D. Jones

Joy D. Jones, “Para sa Kanya”

Isaalang-alang ang pagbabahagi ng kuwento sa simula ng mensahe ni Sister Jones at paghiling sa mga miyembro na isipin ang mga pagkakataon kung kailan ang kanilang paglilingkod at mga pagsisikap sa ministering ay tila “hindi pinansin o … hindi pinahalagahan o kaya’y tinanggihan pa.” Matapos talakayin ang kuwento, isiping isulat sa pisara ang Bakit dapat tayong maglingkod? Anyayahan ang mga miyembro na sagutin ang tanong na ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa mensahe ni Sister Jones para humanap ng mga ideya (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 59:5). Paano mababago ng payo ni Sister Jones ang paraan kung paano tayo nagmamalasakit at naglilingkod sa isa’t isa?

Larawan
Sister Michelle D. Craig

Michelle D. Craig, “Hindi Pagiging Kuntento sa Ating Espirituwalidad”

Binanggit ni Sister Craig na “may kaibhan ang ating kasalukuyang kakayahan at espirituwalidad sa kung sino tayo, at ang ating kasalukuyang kakayahan at espirituwalidad sa kung ano ang nais nating kahinatnan.” Ano ang gusto ng Diyos na maramdaman natin tungkol sa kaibhan na ito? Ano ang gusto ni Satanas na maramdaman natin tungkol dito? Maaaring saliksikin ng bawat miyembro ang isa sa tatlong bahagi ng mensahe ni Sister Craig upang makahanap ng mga sagot sa mga tanong na ito. Ano ang magagawa natin upang matiyak na ang ating “hindi pagiging kuntento sa ating espirituwalidad” ay hindi magiging “nakapaparalisang panghihina ng loob”?

Larawan
Sister Cristina B. Franco

Cristina B. Franco, “Ang Galak sa Di-Makasariling Paglilingkod”

Upang maituro na ang “pagmamahal na iyon ay nagiging sagrado sa pamamagitan ng sakripisyo,” ibinahagi ni Sister Franco ang dalawang kuwento—ang isa ay tungkol kay Victoria at ang isa ay tungkol sa isang balo. Maaari mong anyayahan ang dalawang miyembro na dumalo na handang magbahagi kung ano ang natututunan nila tungkol sa pagmamahal at sakripisyo mula sa mga kuwentong ito. Ano ang iba pang mga karanasan na maibabahagi natin na nagtuturo ng parehong alituntunin? Ang pagpapalabas ng isang video na nagpapakita na naglilingkod ang Tagapagligtas sa iba (tulad ng “Light the World—Follow the Example of Jesus Christ” sa LDS.org) ay maaaring humantong sa isang talakayan tungkol sa kung paano natin masusundan ang Kanyang halimbawa ng “paglilingkod na may kasamang pagmamahal at sakripisyo.”

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

Henry B. Eyring, “Ang Kababaihan at ang Pag-aaral ng Ebanghelyo sa Tahanan”

Ang mga talata sa banal na kasulatan at mga sipi mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” na ginamit ni Pangulong Eyring sa kanyang mensahe ay nagbibigay ng ideya tungkol sa kahalagahan ng impluwensya ng kababaihan sa tahanan. Maaaring magtulungan ang mga miyembro upang mahanap ang mga talata at siping ito at mapag-usapan kung ano ang natutunan nila. Anong mga paanyaya ang ipinaabot ni Pangulong Eyring? Anong mga pangako ang ibinigay niya? Isipin kung paano mas mapagaganda ang talakayan sa pamamagitan ng pagkanta o pagbabasa ng isang himno tungkol sa tahanan, tulad ng “Tahana’y Isang Langit” (Mga Himno, blg. 186).

Larawan
Pangulong Dallin H. Oaks

Dallin H. Oaks, “Mga Magulang at mga Anak”

Habang naghahanda kang magturo, isipin kung aling bahagi ng mensahe ni Pangulong Oaks ang pinakaangkop sa mga tao sa inyong korum o Relief Society. Narito ang mga posible mong itanong upang makahikayat ng talakayan tungkol sa kanyang mensahe: Paano kinakalaban ng mga makabagong kalakaran na binanggit sa bahagi I ng mensahe ni Pangulong Oaks ang plano ng Ama sa Langit? Anong mga halimbawa ng kababaihang may malakas na pananampalataya ang maibabahagi natin na nagsisilbing huwaran ng mga pahayag tungkol sa kababaihan sa bahagi II? Paano natin mahihikayat ang mga kabataang babae na kilala natin na sundin ang partikular na payo ni Pangulong Oaks sa kanila sa bahagi III?

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

Russell M. Nelson, “Pakikibahagi ng Kababaihan sa Pagtitipon ng Israel”

Kung nagtuturo ka sa Relief Society, isiping hatiin ang kababaihan sa apat na grupo at paghiling sa bawat grupo na magbasa tungkol sa isa sa apat na imbitasyon sa mensahe ni Pangulong Nelson. Maaaring talakayin ng mga grupo kung ano ang nakintal sa isipan nila tungkol sa paanyayang ito, mga karanasan nila sa paggawa ng mga ito, at mga ideya kung paano ito gagawin sa hinaharap. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng bawat grupo sa lahat kung ano ang napag-usapan nila. Kung nagtuturo ka ng mga mayhawak ng priesthood, maaari mong hilingin sa kanila na humanap ng mga pahayag sa mensahe ni Pangulong Nelson na nagsasaad kung ano ang nadarama ng Ama sa Langit tungkol sa Kanyang mga anak na babae. Ano ang magagawa natin upang masuportahan at mahikayat ang partisipasyon ng kababaihan sa pagtitipon ng Israel?

Larawan
Pangulong M. Russell Ballard

M. Russell Ballard, “Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay”

Maaari mong anyayahan ang mga miyembro na tanggapin ang paanyaya ni Pangulong Ballard at basahin ang Doktrina at mga Tipan 138 bago ang talakayan ninyo. Hilingin sa mga miyembro na ibahagi ang kanilang mga karanasan at ideya mula sa bahaging ito sa miting. Ang mga tanong na tulad ng mga ito ay makatutulong sa mga miyembro na maunawaan ang kahalagahan ng paghahayag na ito: Paano nagdudulot ng kapanatagan ang paghahayag na ito? at Anong mga katotohanan ang nakapaloob sa paghahayag na ito na maaaring makaapekto sa ‘paraan ng ating pamumuhay sa bawat araw’?

Larawan
Sister Bonnie H. Cordon

Bonnie H. Cordon, “Pagiging Isang Pastol”

Upang matulungan ang mga miyembro na mag-isip ng mga paraan para mas mapagbuti nila ang kanilang mga pagsisikap na makapaglingkod, maaari mo silang hatiin sa tatlong grupo at hilingin sa bawat grupo na basahin ang isa sa tatlong bahagi na may pamagat sa mensahe ni Sister Cordon. Anyayahan silang magbahagi ng mga alituntunin ng ministering na natutunan nila. Paano tayo matutulungan ng pagsisikap na sundin ang mga alituntuning ito para “maging ang mga pastol na kailangan ng Panginoon na kahinatnan natin”? Anyayahan ang mga miyembro na magbahagi ng mga karanasan kung kailan ang paglilingkod ng ibang tao ay nakatulong sa kanila na maramdaman na kilala at mahal sila ng Tagapagligtas.

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo”

Maaari mong simulan ang isang talakayan tungkol sa mensahe ni Elder Holland sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga miyembro na mag-isip ng isang relasyon sa kanilang buhay na nangangailangan ng pagpapagaling o pakikipagkasundo. Pagkatapos ay maaari nilang saliksikin ang mensahe ni Elder Holland upang malaman kung paano natulungan nina Brad at Pam Bowen na gumaling ang kanilang ama. Anong mga pagpapala ang dumating dahil sa pagsisikap na ito? Anong mga ideya ang nakuha ng mga miyembro na makatutulong sa kanila na pagalingin ang sarili nilang mga relasyon sa iba?

Larawan
Elder Neil L. Andersen

Neil L. Andersen, “Sugatan”

Upang maipakilala ang mensahe ni Elder Andersen, maaari ninyong basahin nang sama-sama ang Lucas 10:30–35 o panoorin ang video na “Parable of the Good Samaritan” (LDS.org). Paano tayong lahat natutulad sa taong bumagsak sa kamay ng mga magnanakaw? Ayon kay Elder Andersen, sa paanong paraan naging “Mabuting Samaritano [natin]” si Jesucristo? Paano natin matatanggap ang Kanyang pagpapagaling? Marahil ay maaari mong anyayahan ang mga miyembro na ibahagi kung paano pinagaling ng Tagapagligtas ang kanilang mga sugat o ang mga sugat ng kanilang mga mahal sa buhay. Maaari rin nilang saliksikin ang mensahe ni Elder Andersen upang makahanap ng nakapagpapalakas ng loob na mensaheng maibibigay nila sa isang taong nasugatan.

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

Russell M. Nelson, “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan”

Iniutos ni Jesucristo na tawagin ang Simbahan alinsunod sa Kanyang pangalan. Matutulungan mo ang mga miyembro na madagdagan ang kanilang hangarin na sundin ang tagubiling ito sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na saliksikin ang mga mensahe ni Pangulong Nelson para malaman ang mga dahilan kung bakit “ang pangalan ng Simbahan ay hindi pinag-uusapan.” Pagkatapos, anyayahan sila na saliksikin ang dulo ng mensahe ni Pangulong Nelson para sa mga pangako na sinabi niyang darating kapag sinikap nating “ipanumbalik ang tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon.” Ano ang magagawa natin upang makatulong sa pagsisikap na ito?

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

Henry B. Eyring, “Sikapin, Sikapin, Sikapin”

Ibinigay ni Pangulong Eyring ang “dalawang mahalagang tanong”: “Ano ang dapat kong gawin para taglayin ko sa aking sarili ang pangalan [ng Tagapagligtas]?” at “Paano ko malalaman kung umuunlad ako?” Marahil ay maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito at anyayahan ang mga miyembro na magbahagi ng mga ideya na nakuha nila tungkol sa mga tanong na ito mula sa mensahe ni Pangulong Eyring at sa halimbawa ni Sister Eyring. Tinukoy din ni Pangulong Eyring ang awiting “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41). Ano ang maiaambag ng mga titik ng awitin sa talakayan?

Larawan
Elder Dale G. Renlund

Dale G. Renlund, “Piliin Ninyo sa Araw na Ito”

Maaaring mag-isip ang mga miyembro ng isang taong gusto nilang hikayatin na sundin ang plano ng Ama sa Langit, tulad ng isang kapamilya o isang tao na pinaglilingkuran nila. Pagkatapos ay maaari nilang suriin ang mensahe ni Elder Renlund upang matuklasan ang nararamdaman ng Ama sa Langit at ni Jesucristo tungkol sa atin. Paano Nila tayo tinutulungan na piliin ang pagsunod? Ano ang iminumungkahi ng Kanilang halimbawa tungkol sa kung paano natin mapagbubuti ang ating mga pagsisikap sa ating pamilya at ating paglilingkod?

Larawan
Elder Gary E. Stevenson

Gary E. Stevenson, “Pangangalaga sa mga Kaluluwa”

Ang iyong mga tinuturuan ay maaaring nakapagtanong ng tulad nito mula sa mensahe ni Elder Stevenson: “Paano natin malalaman na naglilingkod tayo ayon sa paraan ng Panginoon?” Maaari silang makinabang sa pagtalakay sa mga posibleng sagot sa tanong na ito na mahahanap sa mensaheng ito. Bilang alternatibo, maaari kang magdala ng isang larawan ng Tagapagligtas bilang pastol (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 64) at anyayahan ang mga miyembro na ibahagi ang isang katotohanan mula sa mensahe ni Elder Stevenson na ipinapakita sa larawan. Pagkatapos ay maaaring magbahagi ang mga miyembro ng mga bagay na nakintal sa kanilang isipan na gawin dahil sa talakayan.

Print