2018
Halina’t Pakinggan ang Tinig ng Isang Propeta
Nobyembre 2018


Halina’t Pakinggan ang Tinig ng Isang Propeta

Kapag naging gawi natin sa ating buhay ang pakikinig at pagsunod sa tinig ng mga buhay na propeta, aanihin natin ang mga pagpapalang walang-hanggan.

Patungkol sa Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ipinahayag ng Panginoon:

“At muli, ang tungkulin ng Pangulo ng katungkulan ng Mataas na Pagkasaserdote ay mamuno sa buong simbahan, at maging katulad ni Moises—

“… Oo, ang maging isang tagakita, isang tagapaghayag, isang tagasalin, at isang propeta, nagkaroon ng lahat ng kaloob ng Diyos na kanyang ipinagkakaloob sa ulo ng simbahan” (Doktrina at mga Tipan 107:91–92; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Mapalad akong masaksihan ang ilan sa mga kaloob ng Diyos sa Kanyang mga propeta. Maaari ko bang ibahagi sa inyo ang isang sagradong karanasan? Bago ako matawag sa kasalukuyan kong tungkulin, tumulong ako sa paghahanap at pagrerekomenda ng mga lugar na pagtatayuan ng templo. Pagkatapos ng Setyembre 11, 2001, mas naging mahigpit ang pagtawid sa mga hangganan ng U.S. Dahil dito, inabot ng dalawa hanggang tatlong oras ang pagtawid ng maraming miyembro ng Simbahan mula sa Vancouver, Canada, papunta sa Seattle Washington Temple. Si Pangulong Gordon B. Hinckley, na Pangulo ng Simbahan noong panahong iyon, ay nagsabing pagpapalain ng isang templo sa Vancouver ang mga miyembro ng Simbahan. Pinayagan ang paghahanap ng lugar, at pagkatapos naming tingnan ang ilang pag-aari ng Simbahan, ang iba pang mga lugar na hindi pag-aari ng Simbahan ay tiningnan din namin.

Isang magandang lugar na nasa isang pook na pinahihintulutan ang pagtatayo ng mga gusaling pangrelihiyon at katabi ng Trans-Canadian Highway ang natagpuan. Madaling puntahan ang lugar, puno ito ng magagandang Canadian pine tree, at napakaganda ng lokasyon kaya makikita ito ng libu-libong dumaraan na motorista.

Ipinakita namin ang lugar gamit ang mga retrato at mapa sa buwanang pulong ng Temple Sites Committee. Pumayag si Pangulong Hinckley na kausapin na ang may-ari nito at kumpletuhin ang kailangang mga pagsusuri sa lugar. Noong Disyembre ng taong iyon, inireport namin sa komite na tapos na ang pagsusuri, at humingi kami ng pahintulot na ituloy na ang pagbili. Matapos marinig ang aming report, sinabi ni Pangulong Hinckley, “Pakiramdam ko dapat kong makita ang lugar na ito.”

Kalaunan nang buwan na iyon, dalawang araw makalipas ang Pasko, nagpunta kami sa Vancouver kasama sina Pangulong Hinckley; Pangulong Thomas S. Monson; at Bill Williams, na arkitekto ng templo. Sinalubong kami ni Paul Christensen, ang stake president doon, na naghatid sa amin sa lugar. Medyo maulan at mahamog noong araw na iyon, pero si Pangulong Hinckley ay agad bumaba ng kotse at nagsimulang maglakad sa lugar.

Matapos mag-ikot sa lugar, tinanong ko si Pangulong Hinckley kung gusto niyang makita ang iba pang mga lugar na pinagpilian. Sinabi niyang oo, na gusto niyang gawin iyon. Alam ninyo, sa pagtingin sa iba pang mga lugar, nagawa naming paghambingin ang mga katangian ng mga ito.

Inikot namin ang Vancouver at tiningnan ang iba pang mga lote, at sa huli ay bumalik kami sa unang lugar na pinuntahan namin. Sinabi ni Pangulong Hinckley, “Maganda ang lugar na ito.” Pagkatapos ay itinanong niya, “Maaari ba tayong magpunta sa meetinghouse ng Simbahan na mga one-quarter mile [0.4 km] ang layo?”

“Siyempre po, President,” ang sagot namin.

Muli kaming sumakay sa mga kotse at nagpunta sa kalapit na meetinghouse. Nang makarating kami sa chapel, sinabi ni Pangulong Hinckley, “Sa kaliwa tayo.” Lumiko kami at binagtas ang kalye gaya ng kanyang sinabi. Ang kalye ay pataas.

Pagdating ng kotse sa pinakamataas na bahagi, sinabi ni Pangulong Hinckley, “Ihinto mo ang kotse, ihinto mo.” At itinuro niya ang nasa kanan na kapirasong lote at sinabing, “Ito kayang loteng ito? Dito itatayo ang templo. Dito nais ng Panginoon na itayo ang templo. Makukuha ba ninyo ito? Makukuha ba ninyo ito?”

Hindi pa namin natingnan ang loteng ito. Malayo ito sa pangunahing lansangan, at hindi ito ipinagbibili. Nang sumagot kami na hindi namin alam, itinuro ni Pangulong Hinckley ang lote at muling sinabing, “Dito itatayo ang templo.” Nagtagal pa kami roon ng ilang minuto, at nagpunta na sa airport para umuwi.

Kinabukasan, ipinatawag kami ni Brother Williams sa opisina ni Pangulong Hinckley. Iginuhit niya ang lahat sa isang papel: ang mga kalye, ang chapel, kumaliwa dito, ang x na marka sa pagtatayuan ng templo. Itinanong niya kung ano ang napag-alaman namin. Sinabi namin sa kanya na napakahirap ng napili niyang lote. Tatlo ang may-ari ng lote: isang taga-Canada, isang taga-India, at isang taga-China! At hindi ito nasa lugar na pinahihintulutan ang pagtatayo ng mga gusaling pangrelihiyon.

“Kung ganoon, gawin ninyo ang lahat ng makakaya ninyo,” sabi niya.

At nagkaroon nga ng mga himala. Sa loob ng ilang buwan ay pag-aari na natin ang lote, at kalaunan ang lungsod ng Langley, British Columbia, ay nagbigay ng pahintulot na itayo ang templo.

Vancouver British Columbia Temple

Nang pagnilayan ko ang karanasang ito, nakadama ako ng pagpapakumbaba nang matanto ko na bagama’t nakatapos kami ng pag-aaral ni Brother Williams at marami nang karanasan sa real estate at pagdisenyo ng templo, si Pangulong Hinckley ay walang gayong pormal na training, nakahihigit ang taglay niya—ang kaloob na makita ang mga bagay-bagay bilang propeta. Nakita niya kung saan dapat itayo ang templo ng Diyos.

Nang iutos ng Panginoon sa naunang mga Banal sa dispensasyong ito na magtayo ng templo, sinabi Niya:

“Subalit isang bahay ang itatayo sa aking pangalan alinsunod sa huwarang aking ipakikita sa kanila.

“At kung itatayo ito ng aking mga tao nang hindi alinsunod sa huwaran na aking ipakikita … , hindi ko tatanggapin ito sa kanilang mga kamay” (Doktrina at mga Tipan 115:14–15).

Tulad sa mga Banal noong una, gayon din sa atin ngayon: ang Panginoon ay naghayag at patuloy na maghahayag sa Pangulo ng Simbahan ng mga huwaran kung paano pamamahalaan ang kaharian ng Diyos sa ating panahon. At, sa sarili nating buhay, nagbibigay siya ng gabay kung paano dapat pamahalaan ng bawat isa sa atin ang ating buhay, upang ang pag-uugali natin ay maging kalugud-lugod din sa Panginoon.

Noong Abril 2013 binanggit ko ang mga pagsisikap sa paghahanda ng pundasyon ng bawat templo para matiyak na makakayanan nito ang darating na mga bagyo at kalamidad. At ang pundasyon ay simula pa lamang. Ang templo ay binubuo ng maraming building block, na lapat na lapat ayon sa mga idinisenyong pattern. Kung ang buhay natin ay magiging mga templo na sinisikap na itayo ng bawat isa sa atin ayon sa itinuro ng Panginoon (tingnan sa I Mga Taga Corinto 3:16–17), makatwiran lang na itanong sa ating sarili, “Anong mga building block ang dapat ilagay para gawing maganda, maringal, at matibay ang ating buhay laban sa mga bagyo ng mundo?”

Mahahanap natin ang sagot sa tanong na ito sa Aklat ni Mormon. Hinggil sa Aklat ni Mormon, sinabi ni Propetang Joseph Smith: “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat” (pambungad sa Aklat ni Mormon). Sa pambungad ng Aklat ni Mormon, itinuro sa atin na “yaong mga magtatamo ng banal na patotoo mula sa Banal na Espiritu [na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos] ay malalaman din sa pamamagitan ng yaon ding kapangyarihan na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan, na si Joseph Smith ay Kanyang tagapaghayag at propeta [ng Panunumbalik], at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Panginoon na muling itinatag sa mundo.”

Kung gayon ang mga ito ay ilan sa mahahalagang building block ng sarili nating pananampalataya at patotoo:

  1. Si Jesucristo ay Tagapagligtas ng sanlibutan.

  2. Ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos.

  3. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos sa mundo.

  4. Si Joseph Smith ay propeta, at mayroon tayong mga buhay na propeta sa mundo ngayon.

Sa nakalipas na mga buwan, pinakinggan ko ang lahat ng mensahe sa pangkalahatang kumperensya na ibinigay ni Pangulong Nelson simula noong tawagin siya bilang Apostol. Ang paggawa nito ay nagpabago ng aking buhay. Nang pag-aralan at pag-isipan ko ang 34 na taon ng tinipong karunungan ni Pangulong Nelson, nakita ko ang malinaw at di-nagbabagong mga tema mula sa kanyang mga turo. Bawat isa sa mga temang ito ay nauugnay sa mga building block na nabanggit o sa isa pang mahalagang building block para sa ating mga personal na templo. Kabilang dito ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ang kaloob na Espiritu Santo, pagtubos sa mga patay at gawain sa templo, pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, pagsisimula sa isang gawain nang mayroong mithiin, pananatili sa landas ng tipan. Binanggit ni Pangulong Nelson ang lahat ng ito nang may pagmamahal at katapatan.

Ang pangunahing batong panulok at building block ng Simbahan at ng ating buhay ay si Jesucristo. Ito ang Kanyang Simbahan. Si Pangulong Nelson ay Kanyang propeta. Ang mga turo ni Pangulong Nelson ay nagpapatotoo at naghahayag sa buhay at pagkatao ni Jesucristo para sa ating kapakanan. Nagsasalita siya nang magiliw at puno ng kaalaman tungkol sa likas na pagkatao ng Tagapagligtas at sa Kanyang misyon. Madalas at marubdob din siyang nagpapatotoo tungkol sa banal na tungkulin ng mga buhay na propeta—ang mga Pangulo ng Simbahan—na kanyang pinaglingkuran.

Ngayon, pribilehiyo nating sang-ayunan siya bilang buhay na propeta ng Panginoon sa mundo. Nakaugalian na nating sang-ayunan ang mga lider ng Simbahan sa pamamagitan ng banal na huwaran ng pagtataas ng ating mga kamay upang ipakita ang ating pagtanggap at suporta. Ginawa natin ito ilang minuto pa lang ang nakalilipas. Ngunit ang tunay na pagsang-ayon ay higit pa sa pagtataas ng mga kamay. Tulad ng nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 107:22, ang Unang Panguluhan ay “pinagtibay ng pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin ng simbahan.” Lubusan at tunay nating sinasang-ayunan ang buhay na propeta kapag patuloy tayong nagtitiwala sa kanyang mga salita, may pananampalataya na gawin ang mga ito, at nagdarasal sa Panginoon na patuloy siyang pagpalain.

Kapag naiisip ko si Pangulong Russell M. Nelson, napapanatag ako sa mga salita ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang, “At kung ang aking mga tao ay makikinig sa aking tinig, at sa tinig ng aking mga tagapaglingkod na aking itinalagang aakay sa aking mga tao, masdan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi mapaaalis mula sa kanilang lugar” (Doktrina at mga Tipan 124:45).

Ang pakikinig at pagsunod sa mga buhay na propeta ay magkakaroon ng malaking epekto, at magpapabago rin ng ating buhay. Tayo ay napalalakas. Tayo ay higit na napapanatag at nagtitiwala sa Panginoon. Naririnig natin ang salita ng Panginoon. Dama natin ang pagmamahal ng Diyos. Malalaman natin kung paano ayusin ang ating buhay nang may layunin.

Mahal ko at sinasang-ayunan si Pangulong Russell M. Nelson at ang iba pa na tinawag bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Nagpapatotoo ako na nasa kanya ang mga kaloob ng Panginoon na iginawad sa kanyang uluhan, at nagpapatotoo ako na kapag naging gawi natin sa ating buhay ang pakikinig at pagsunod sa tinig ng mga buhay na propeta, ang ating buhay ay maitatatag ayon sa banal na huwaran ng Panginoon para sa atin, at aanihin natin ang mga pagpapala na walang-hanggan. Ang paanyaya ay para sa lahat. Halina’t, pakinggan ang tinig ng isang propeta; oo, lumapit kay Cristo at mabuhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.