Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay
Pinatototohanan ko na ang pangitaing natanggap ni Pangulong Joseph F. Smith ay totoo. Pinatototohanan ko na maaaring malaman ng bawat tao na ito ay totoo.
Mga kapatid, ang mensahe ko ay naihanda ko bago pumanaw ang mahal kong asawang si Barbara. Kami ng pamilya ko ay nagpapasalamat sa inyong pananampalataya at sa buong kabaitang pagtulong ninyo. Dalangin kong pagpalain ako ng Panginoon sa pagsasalita ko sa inyo ngayong umaga.
Noong Oktubre 1918, 100 taon na ang nakalipas, tumanggap ng isang dakilang pangitain si Pangulong Joseph F. Smith. Makalipas ang halos 65 taon ng tapat na paglilingkod sa Panginoon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at ilang linggo lang bago siya pumanaw noong Nobyembre 19, 1918, nakaupo siya sa kanyang silid na iniisip ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo at binabasa ang paglalarawan ni Apostol Pedro sa ministeryo ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu matapos Siyang Ipako sa Krus.
Itinala niya: “Habang ako ay nagbabasa ako ay labis na napukaw. … Habang aking pinagbubulay-bulay ang mga bagay na ito … , ang mga mata ng aking pang-unawa ay nabuksan, at ang Espiritu ng Panginoon ay nanahan sa akin, at aking nakita ang mga hukbo ng mga patay.”1 Ang buong teksto ng pangitain ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan bahagi 138.
Magbibigay ako ng ilang impormasyon para mas mapahalagahan natin ang habambuhay na paghahanda ni Joseph F. para matanggap ang kagila-gilalas na paghahayag na ito.
Noong siya ang Pangulo ng Simbahan, binisita niya ang Nauvoo noong 1906 at pinagnilayan ang isang alaala noong limang taong gulang pa lang siya. Sabi niya: “Dito ako mismo nakatayo nang dumating na sakay ng kabayo [si Joseph, ang tito ko, at ang tatay kong si Hyrum] papunta sa Carthage. Dumukwang si Itay mula sa kanyang kabayo at binuhat ako mula sa lupa. Hinagkan niya ako at nagpaalam at ibinaba akong muli at minasdan ko ang kanyang paglayo.”2
Nang makita silang muli ni Joseph F., binuhat siya ng kanyang inang si Mary Fielding Smith, para makita niya ang mga martir na magkakatabing nakahiga matapos silang malupit na paslangin sa Piitan ng Carthage noong Hunyo 27, 1844.
Pagkaraan ng dalawang taon, nilisan ni Joseph F., kasama ang kanyang pamilya at tapat na inang si Mary Fielding Smith, ang kanyang tahanan sa Nauvoo at nagtungo sa Winter Quarters. Bagama’t wala pa siyang 8 anyos, kinailangan ni Joseph F. na patakbuhin ang isang grupo ng mga baka mula Montrose, Iowa, hanggang Winter Quarters at kalaunan ay papunta sa Salt Lake Valley, at dumating doon nang halos 10 taong gulang na siya. Sana nakikinig kayong mga bata at kabataang lalaki at matanto ninyo ang responsibilidad at inaasahan na binalikat ni Joseph F. noong kabataan niya.
Pagkaraan lang ng apat na taon, noong 1852, nang 13 anyos siya, pumanaw ang kanyang pinakamamahal na ina—at naulila si Joseph at ang kanyang mga kapatid.3
Tinawag si Joseph F. na magmisyon sa Hawaiian Islands noong 1854 nang siya ay 15 anyos. Ang misyong ito, na tumagal nang mahigit tatlong taon, ang naging simula ng habambuhay na paglilingkod sa Simbahan.
Pagbalik niya sa Utah, nag-asawa si Joseph F. noong 1859.4 Nang sumunod na ilang taon, ang buhay niya ay puno ng trabaho, mga tungkulin sa pamilya, at dalawa pang misyon. Noong Hulyo 1, 1866, sa edad na 27, tuluyang nagbago ang buhay ni Joseph F. nang iorden siya ni Pangulong Brigham Young bilang Apostol. Noong Oktubre ng sumunod na taon, pinunan niya ang isang bakante sa Kapulungan ng Labindalawa.5 Naglingkod siya bilang tagapayo kina Brigham Young, John Taylor, Wilford Woodruff, at Lorenzo Snow bago naging Pangulo mismo noong 1901.6
Isinilang kay Joseph F. at sa kanyang asawang si Julina ang kanilang panganay na si Mercy Josephine.7 Dalawa’t kalahating taon pa lang ito nang pumanaw. Di-nagtagal, itinala ni Joseph F.: “Isang buwan na kahapon buhat nang pumanaw ang mahal kong … si Josephine. Ah! sana nailigtas ko siya hanggang sa magdalaga. Nangungulila ako sa kanya at nalulungkot ako. … Patawarin ako ng Diyos sa aking kahinaan kung maling mahalin ang maliliit kong anak nang ganito.”8
Noong nabubuhay pa siya, si Pangulong Smith ay nawalan ng ama, ina, isang kapatid na lalaki at dalawang kapatid na babae, dalawang asawa, at labintatlong anak. Alam na alam niya kung gaano kalungkot ang mawalan ng mahal sa buhay.
Nang mamatay ang anak niyang si Albert Jesse, isinulat ni Joseph F. sa kapatid niyang si Martha Ann na nakiusap siya sa Panginoon na iligtas ito at nagtanong, “Bakit po? Diyos ko, bakit nangyari ‘to?”9
Sa kabila ng kanyang mga dalangin noon, walang natanggap na sagot si Joseph F. tungkol dito.10 Sinabi niya kay Martha Ann na “[parang] ayaw sumagot ng Panginoon” tungkol sa kamatayan at daigdig ng mga espiritu. Gayon pa man, matibay at matatag ang pananampalataya niya sa mga walang-hanggang pangako ng Panginoon.
Sa takdang oras ng Panginoon, dumating kay Pangulong Smith ang iba pang mga sagot, pag-aliw, at pag-unawa tungkol sa daigdig ng mga espiritu dahil sa kagila-gilalas na pangitaing natanggap niya noong Oktubre 1918.
Lalong masakit para sa kanya ang taon na iyon. Nagdalamhati siya sa dami ng mga namatay sa Unang Digmaang Pandaigdig na patuloy na dumami hanggang sa umabot ng mahigit 20 milyong tao. Bukod pa riyan, lumalaganap noon ang trangkaso sa buong mundo na kumitil sa buhay ng mga 100 milyong tao.
Sa taong iyon, namatay din ang tatlo pang pinakamamahal na mga kapamilya ni Pangulong Smith. Biglang namatay si Elder Hyrum Mack Smith ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang panganay niyang anak at lolo ko, nang pumutok ang apendiks nito.
Isinulat ni Pangulong Smith: “Wala akong masabi—[napipi] sa dalamhati! … Lungkot na lungkot ako; at parang hindi ako makahinga! … Ah! Minahal ko siya! … Mamahalin ko siya magpakailanman. At iyon nga ang nangyari at siyang mangyayari sa lahat ng anak ko, pero siya ang panganay ko, na siyang unang naghatid sa akin ng galak at pag-asa ng isang walang-katapusan at marangal na pangalan sa mga tao. … Mula sa kaibuturan ng aking kaluluwa nagpapasalamat ako sa Diyos para sa kanya! Pero … Ah! Kinailangan ko siya! Siya ay kinailangan nating lahat! Napakalaking tulong niya sa Simbahan. … At ngayon … O! ano ang puwede kong gawin! … O! Diyos ko tulungan Mo po ako!”11
Nang sumunod na buwan, namatay ang manugang ni Pangulong Smith na si Alonzo Kesler sa isang malagim na aksidente.12 Isinulat ni Pangulong Smith sa kanyang journal, “Muling binalot ng lungkot ang buong pamilya ko dahil sa napakalagim at makabagbag-damdaming aksidenteng ito.”13
Makalipas ang pitong buwan, noong Setyembre 1918, namatay ang manugang ni Pangulong Smith at lola ko na si Ida Bowman Smith, matapos isilang ang kanyang ikalimang anak, ang tiyo kong si Hyrum.14
Kaya nga, noong Oktubre 3, 1918, matapos dumanas ng matinding kalungkutan sa milyun-milyong nangamatay sa mundo dahil sa digmaan at sakit pati na sa pagkamatay ng sarili niyang mga kapamilya, natanggap ni Pangulong Smith ang paghahayag ng langit na kilala bilang “pangitain ng pagtubos sa mga patay.”
Binanggit niya ang paghahayag kinabukasan sa pagbubukas ng sesyon ng pangkalahatang kumperensya ng Oktubre. Mahina na noon ni Pangulong Smith, subalit nagsalita siya nang kaunti: “Hindi ko tatangkaing talakayin ang maraming bagay na nasa isip ko ngayong umaga, at ipagpapaliban ko para sa ibang araw, kung loobin ng Panginoon, ang pagtatangka kong sabihin sa inyo ang ilan sa mga bagay na nasa puso’t isipan ko. Hindi ako nabubuhay na mag-isa nitong [nakaraang] limang buwan. Palagi akong nagdarasal, sumasamo, sumasampalataya at may determinasyon; at patuloy ang komunikasyon ko sa Espiritu ng Panginoon.”15
Ang paghahayag na natanggap niya noong Oktubre 3 ay umaliw sa kanyang puso at sumagot sa marami sa kanyang mga tanong. Tayo rin ay maaaliw at matututo pa tungkol sa sarili nating kahihinatnan kapag namatay tayo at nagpunta sa daigdig ng mga espiritu sa pag-aaral sa paghahayag na ito at pagninilay tungkol sa kahalagahan nito sa paraan ng ating pamumuhay bawat araw.
Kabilang sa maraming bagay na nakita ni Pangulong Smith ang pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga mananampalataya sa daigdig ng mga espiritu matapos Siyang mamatay sa krus. Babanggit ako mula sa pangitain:
“Ngunit masdan, mula sa mabubuti, kanyang binuo ang kanyang lakas at nagtalaga ng mga sugo, na nadaramitan ng kapangyarihan at karapatan, at inatasan silang humayo at dalhin ang liwanag ng ebanghelyo sa kanila na nasa kadiliman, maging sa lahat ng espiritu ng tao;16 at sa gayon ang ebanghelyo ay naipangaral sa mga patay. …
“Sa kanila ay itinuro ang pananampalataya sa Diyos, pagsisisi mula sa kasalanan, pagbibinyag alang-alang sa iba para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay,
“At lahat ng iba pang alituntunin ng ebanghelyo na kinakailangan nilang malaman upang maging karapat-dapat ang kanilang sarili upang sila alinsunod sa mga tao sa laman ay mahatulan, subalit mangabuhay alinsunod sa Diyos sa espiritu. …
“Sapagkat ang mga patay ay tumingin sa matagal na pagkawala ng kanilang mga espiritu mula sa kanilang mga katawan bilang isang pagkagapos.
“Sila ang tinuruan ng Panginoon, at binigyan sila ng kapangyarihang magbangon, matapos ang kanyang pagkabuhay na mag-uli mula sa patay, upang pumasok sa kaharian ng kanyang Ama, upang doon ay maputungan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan,
“At magpatuloy simula roon sa kanilang gawain gaya ng ipinangako ng Panginoon, at kabahagi sa lahat ng pagpapalang inilaan para sa kanila na nagmamahal sa kanya.”17
Sa pangitain, nakita ni Pangulong Smith ang kanyang amang si Hyrum, at si Propetang Joseph Smith. Noon ay 74 na taon na mula nang huli niya silang nakita nang maliit na bata pa siya sa Nauvoo. Maiisip lang natin ang kagalakan niyang makita ang kanyang pinakamamahal na ama at tito. Malamang ay sumigla siya at naaliw na malaman na nananatili sa lahat ng espiritu ang anyo ng kanilang mortal na katawan at na sabik silang naghihintay sa araw ng ipinangakong pagkabuhay na mag-uli sa kanila. Inihayag nang mas lubusan ng pangitain ang lalim at lawak ng plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak at ang mapagtubos na pag-ibig ni Cristo at ang walang-kapantay na kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.18
Sa espesyal na ika-100 anibersaryong ito, inaanyayahan ko kayo na basahing mabuti at pakaisipin ang paghahayag na ito. Sa paggawa nito, nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon na mas lubusang maunawaan at mapahalagahan ang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang plano ng kaligtasan at kaligayahan para sa Kanyang mga anak.
Pinatototohanan ko na ang pangitaing natanggap ni Pangulong Joseph F. Smith ay totoo. Pinatototohanan ko na maaari itong basahin ng bawat tao at malalaman niya na ito ay totoo. Yaong mga hindi tatanggap sa kaalamang ito sa buhay na ito ay tiyak na malalaman ang katotohanan nito kapag nakarating na ang lahat ng tao sa daigdig ng mga espiritu. Doon, mamahalin at pupurihin ng lahat ang Diyos at ang Panginoong Jesucristo para sa dakilang plano ng kaligtasan at sa pagpapala ng ipinangakong pagkabuhay na mag-uli kapag muling nagsama at hindi na muling naghiwalay ang katawan at espiritu.19
Nagpapasalamat akong malaman kung saan naroon ang mahal kong si Barbara at na muli kaming magkakasama, at ang aming pamilya, magpakailanman. Nawa’y tulungan tayo ng kapayapaan ng Panginoon ngayon at sa tuwina ang aba kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.