Para sa Kanya
Ang pagkaalam kung kanino at bakit tayo naglilingkod ay nagpapaunawa sa atin na ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal ay katapatan sa Diyos.
Sa mahalagang gabing ito, gusto kong ipahayag ang aking pagmamahal at pagpapahalaga sa bawat isa sa inyo, mahal kong mga kababaihan. Anuman ang ating edad, kinaroroonan, o kalagayan, nagtitipon tayo ngayong gabi nang may pagkakaisa, lakas, layunin, at patotoo na tayo ay mahal at ginagabayan ng ating Ama sa Langit; ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo; at ng ating buhay na propetang si Pangulong Russell M. Nelson.
Noong bagong kasal kaming mag-asawa, inatasan kami ng aming bishop na bumisita at mag-minister sa isang pamilya na maraming taon nang hindi nagsisimba. Masaya naming tinanggap ang assignment at binisita namin sila sa bahay pagkaraan ng ilang araw. Naramdaman namin agad na ayaw nilang tumanggap ng mga bisitang mula sa Simbahan.
Kaya nang bumisita kaming muli, dinalhan namin sila ng cookies, sa pag-aakalang mas magugustuhan nila kami dahil sa chocolate chips. Hindi pala. Kinausap lang kami ng mag-asawa sa may screen door, kaya naging mas malinaw pa na ayaw nila sa amin. Habang nasa sasakyan kami pauwi, naisip namin na baka tinanggap pa nila kami kung Rice Krispies Treats ang dinala namin.
Dahil sa kawalan namin ng espirituwal na pananaw, wala pa ring nangyari sa sumunod na mga pagbisita namin. Mabigat sa pakiramdam ang matanggihan. Kalaunan itinanong namin sa aming sarili, “Bakit ba natin ginagawa ito? Ano ang layunin natin?”
Ito ang sabi ni Elder Carl B. Cook: “Ang paglilingkod sa Simbahan … ay maaaring maging mahirap kung ang ipinagagawa sa atin ay isang bagay na kinatatakutan natin, kung napapagod na tayong maglingkod, o kung pinagagawa tayo ng isang bagay na sa una ay hindi natin gusto.”1 Nararanasan namin noon ang katotohanan ng sinabi ni Elder Cook nang ipasiya namin na dapat naming hingin ang patnubay ng Ama sa Langit na may mas malawak na pananaw kaysa sa amin.
Kaya, matapos ang taimtim na panalangin at pag-aaral, natanggap namin ang sagot kung bakit kami naglilingkod. Nagbago ang aming pang-unawa, nagbago ang aming damdamin, ang totoo’y isa iyong paghahayag.2 Nang maghanap kami ng patnubay mula sa mga banal na kasulatan, itinuro sa amin ng Panginoon kung paano gawing mas madali at mas makahulugan ang paglilingkod sa iba. Narito ang talatang binasa namin na nagpabago sa aming damdamin at pamamaraan: “Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong puso, nang buo ninyong kapangyarihan, pag-iisip, at lakas; at sa pangalan ni Jesucristo paglingkuran ninyo siya.”3 Bagama’t napakapamilyar ng talatang ito, tila nangusap ito sa amin sa bago at mahalagang paraan.
Natanto namin na tapat naming sinisikap noon na paglingkuran ang pamilyang ito at ang aming bishop, ngunit kinailangan naming itanong sa aming sarili kung talaga bang naglilingkod kami dahil mahal namin ang Panginoon. Nilinaw ni Haring Benjamin ang pagkakaibang ito sa pagsasabing, “Masdan, sinasabi ko sa inyo na dahil sa sinabi ko sa inyo na ginugol ko ang aking panahon sa paglilingkod sa inyo, hindi ko ninanais na magmalaki, sapagkat ako ay nasa paglilingkod lamang ng Diyos.”4
Kung gayon kanino talaga naglilingkod noon si Haring Benjamin? Sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Ang pagkaalam kung kanino at bakit tayo naglilingkod ay nagpapaunawa sa atin na ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal ay katapatan sa Diyos.
Nang unti-unting magbago ang aming tuon, gayon din ang aming mga dalangin. Inasam na naming mabisita ang mahal na pamilyang ito dahil sa pagmamahal namin sa Panginoon.5 Ginagawa namin ito para sa Kanya. Pinagaan Niya ang dating mabigat na gawain. Makalipas ang maraming buwan ng pagtayo sa may pintuan, pinapasok na kami ng pamilya sa bahay nila. Sa huli, palagi na kaming magkakasamang nagdarasal at nag-uusap tungkol sa ebanghelyo. Naging matalik kaming magkakaibigan. Sinasamba at minamahal namin Siya sa pamamagitan ng pagmamahal sa Kanyang mga anak.
May naaalala ba kayong pangyayari na mapagmahal ninyong sinikap na tapat na matulungan ang isang nangangailangan at nadama ninyo na hindi pinansin o marahil ay hindi pinahalagahan o kaya’y tinanggihan pa ang mga pagsisikap ninyo? Nang mangyari iyon, pinagdudahan ba ninyo ang halaga ng inyong paglilingkod? Kung gayon, sana’y mawala ang pagdududa at maging ang sakit na nadama ninyo sa mga salitang ito ni Haring Benjamin: “Kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.”6
Sa halip na maghinanakit, makabubuo tayo, sa pamamagitan ng paglilingkod, ng mas perpektong kaugnayan sa ating Ama sa Langit. Dahil sa ating pagmamahal at katapatan sa Kanya, hindi na natin kailangan ng pagkilala o pagpapahalaga at tinutulutan nating dumaloy ang Kanyang pagmamahal sa atin at sa pamamagitan natin.
Kung minsan maaaring sa una ay naglilingkod tayo dahil sa tungkulin o obligasyon, ngunit maging ang paglilingkod na iyon ay maaaring umakay sa atin na gumamit ng isang bagay na higit pa sa nasasaloob natin, na maghihikayat sa atin na maglingkod sa “higit na mabuting paraan”7—tulad ng pag-anyaya ni Pangulong Nelson sa “mas bago at mas banal na pamamaraan sa pangangalaga at paglilingkod sa iba.”8
Kapag nakatuon tayo sa lahat ng nagawa ng Diyos para sa atin, ang ating paglilingkod ay nagaganyak ng damdamin ng pasasalamat. Kapag hindi na tayo gaanong nag-alala kung paano tayo makikinabang mula sa ating paglilingkod, matatanto na natin na ang tuon ng ating paglilingkod ay ang unahin ang Diyos.9
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, “Kapag minahal natin ang Diyos at si Cristo nang ating buong puso, kaluluwa, at isipan, saka lamang natin maibabahagi ang pagmamahal na ito sa ating kapwa sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabaitan at paglilingkod.”10
Inulit sa una sa Sampung Utos ang dakilang karunungang ito: “Ako ang Panginoon mong Dios. … Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko.”11 Ang pag-una sa utos na ito ay nagpapaunawa sa atin na kung Siya ang ating uunahin, lahat ng iba pang bagay ay malalagay sa wasto nilang kalalagyan—maging ang paglilingkod natin sa iba. Kapag sadya natin Siyang ginagawang pinakamahalaga sa ating buhay, napagpapala Niya ang ating mga ginagawa para sa kabutihan natin at ng iba.
Ipinayo ng Panginoon, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip.”12 At bawat linggo ay nakikipagtipan tayong gawin iyan mismo—na “lagi siyang alalahanin.”13 Angkop ba sa lahat ng ginagawa natin ang gayong pagtutuon sa Diyos? Maaari bang maging oportunidad ang paggawa kahit ng isang simpleng gawain para maipakita ang ating pagmamahal at katapatan sa Kanya? Naniniwala ako na naipapakita at maipapakita nga nito.
Bawat bagay na nakalista sa ating mga gagawin ay maaari nating gawing isang paraan para luwalhatiin Siya. Maituturing ba nating isang pribilehiyo at pagkakataong maglingkod sa Kanya ang bawat bagay na gagawin natin, kahit marami tayong dapat tapusin, gawin, o linisin?
Sabi nga ni Ammon, “Nalalaman kong ako’y walang halaga; kung sa akin lamang lakas ay mahina ako, kaya nga hindi ako nagmamalaki sa aking sarili, kundi ipagmamalaki ko ang aking Diyos, sapagkat sa kanyang lakas ay maaari kong magawa ang lahat ng bagay.”14
Kapag paglilingkod sa Diyos ang inuna natin sa buhay, kinalilimutan natin ang ating sarili, at sa huli’y mas nakikilala natin ang ating sarili.15
Itinuro ng Tagapagligtas ang alituntuning ito nang napakasimple at tuwiran: “Samakatwid hayaan na ang inyong ilaw ay magliwanag sa harapan ng mga taong ito, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.”16
Ibabahagi ko sa inyo ang ilang salita ng karunungan na natagpuan sa dingding ng isang ampunan sa Calcutta, India: “Kung mabait ka, maaari kang paratangan ng mga tao na may makasarili at lihim kang mga motibo. Magkagayunman, maging mabait pa rin. Ang itinayo mo nang maraming taon, kayang wasakin ng sinuman sa isang iglap. Magkagayunman, magtayo ka pa rin. Ang kabutihang ginagawa mo ngayon, kadalasa’y malilimutan na ng mga tao kinabukasan. Magkagayunman, gumawa ka pa rin ng kabutihan. Ibigay mo sa mundo ang lahat ng magagawa mo, at maaaring hindi pa ito maging sapat kailanman. Magkagayunman, ibigay mo pa rin sa mundo ang lahat ng magagawa mo. Alam mo, sa bandang huli, kaugnayan mo pa rin sa Diyos … ang mahalaga.”17
Mga kababaihan, noon pa man ay kaugnayan na natin sa Panginoon ang mahalaga. Sabi nga ni Pangulong James E. Faust: “‘Ano ang pinakamatinding pangangailangan sa mundo?’ … ‘Hindi ba ang pinakamatinding pangangailangan sa buong mundo ay ang magkaroon ang bawat tao ng personal, patuloy, at araw-araw na kaugnayan sa Tagapagligtas?’ Ang pagkakaroon ng gayong kaugnayan ay maghahayag ng ating angking kabanalan, at walang ibang makagagawa ng mas malaking kaibhan sa ating buhay kapag nalaman at naunawaan natin ang ating banal na kaugnayan sa Diyos.”18
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Alma sa kanyang anak: “Oo, hayaang ang lahat ng iyong gawain ay para sa Panginoon, at saan ka man magtungo ay hayaang sa Panginoon; oo, lahat ng iyong nasasaisip ay ituon sa Panginoon; oo, ang pagmamahal sa iyong puso ay mapasa-Panginoon magpakailanman.”19
At itinuro din sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson “Kapag nauunawaan natin ang Kanyang kusang-loob na Pagbabayad-sala, anumang sakripisyo natin ay lubos na nadaraig ng malaking pasasalamat para sa pribilehiyong mapaglingkuran Siya.”20
Mga kapatid, pinatototohanan ko na kapag si Jesucristo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ay umiimpluwensya sa atin at kumilos sa atin, nagsisimula Siyang kumilos sa pamamagitan natin para pagpalain ang iba. Naglilingkod tayo sa kanila, ngunit ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa Kanya. Nagiging katulad tayo ng inilalarawan sa banal na kasulatan: “Bawat taong hinahangad ang kapakanan ng kanyang kapwa, at ginagawa ang lahat ng bagay na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.”21
Siguro alam ng bishop namin na iyon ang aral na matututuhan naming mag-asawa mula sa mga nauna at matapat ngunit hindi pa lubos na perpektong mga pagsisikap na mag-minister sa minamahal na mga anak ng Diyos. Ibinabahagi ko ang aking personal at tiyak na patotoo tungkol sa kabutihan at pagmamahal na Kanyang ipinadarama sa atin habang nagsisikap tayong maglingkod para sa Kanya. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.