Nagbahagi ang mga Apostol ng mga Mensahe ng Pag-asa
Ang mga lider ng Simbahan ay nagbigay ng mga pananaw tungkol sa pananatiling malapit sa Diyos, paggawa ng ministering nang may pagmamahal, at matiyagang pagsulong habang may pandemya.
Bilang tugon sa paglaganap ng virus sa buong mundo, ipinagbawal ng mga opisyal ang mga pampublikong pagtitipon at ipinatupad ang mga quarantine. Isinara ang mga paaralan, kinansela ng mga lider ng Simbahan ang mga miting sa simbahan, at ang mga lumalabas ay kailangang magsuot ng face mask bilang proteksyon.
Taong 1919 nang ang nagngangalit na pandemya ng influenza na nagsimula sa nagdaang taon ay kumitil ng milyun-milyong buhay.1 Ang bagong propeta ng Simbahan na si Pangulong Heber J. Grant (1856–1945), ay itinalaga noong Nobyembre 1918 ngunit sinang-ayunan lamang siya noong Hunyo 1919 dahil ang pangkalahatang kumperensya ng Abril ay ipinagpaliban.
Sa kanyang paglilingkod pagkatapos ng mga ito at ng iba pang mahihirap na panahon, nagbigay ng payo si Pangulong Grant na akma sa ating panahon nang sabihin niyang, “Bumaba tayo sa lupa para magkaroon ng kaalaman, karunungan, at karanasan, para matuto ng mga aral, dumanas ng sakit, magtiis ng mga tukso, at magtagumpay sa mortalidad.” Mula sa kaalamang natamo niya dahil sa napakahirap na personal na karanasan, idinagdag niya, “[Nalalaman ko] na sa oras ng paghihirap ay bibigyan tayo ng ginhawa at babasbasan at aaliwin ang mga Banal sa mga Huling Araw nang higit kaysa ibang tao!”2
Sa ating kasalukuyang “oras ng paghihirap” dahil sa novel coronavirus, nagkakaroon tayo ng kapanatagan at kasiyahan sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ating kaalaman na mahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak at na Siya ay tumawag ng mga propeta at apostol sa ating panahon para gabayan tayo sa mga unos ng mortalidad ay isang malaking pagpapala.
Mula sa payong ibinahagi sa mga interbyu kamakailan, ipinaalala sa atin ng ilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na maaari tayong makadama ng kagalakan at asamin ang hinaharap nang may pag-asa anuman ang nangyayari sa ating paligid.3
Sumusulong ang Gawain
Minsang inihalintulad ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ang Simbahan sa “isang dakilang pangkat ng mga manlalakbay” na sumusulong sa kabila ng oposisyon.4 Iniuugnay ni Elder David A. Bednar ang patuloy na pagsulong ng pangkat ng manlalakbay sa inspiradong paghahanda ng Simbahan at sa kasaysayan nito sa paghihirap.
“‘Walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa gawaing ito mula sa pagsulong,’5 at wala ring pandemya ang makapipigil sa gawaing ito sa pagsulong,” sabi niya. “Sa gitna ng lahat ng mga hamon na hinaharap natin sa pagharap sa virus na ito, nagpapatuloy ang gawain. … Hindi natin alam kung gaano ito katagal, ngunit mapagtatagumpayan natin ito. At maaaring hindi natin maipagpatuloy ang dati nating buhay na tulad ng alam natin, ngunit marami sa mga pag-aangkop at pagbabagong iyon ang magiging positibo.”
Sinabi ni Elder Quentin L. Cook na ang inspiradong paghahanda ng Simbahan ay kinapapalooban ng napapanahong pagbibigay-diin sa paggalang sa araw ng Sabbath, pagpapatatag ng mga korum ng Melchizedek Priesthood at mga Relief Society, paglipat sa ministering, at pagpapakilala ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, mga video ng Aklat ni Mormon, at programang Mga Bata at Kabataan.
“Ginugunita natin ito bilang saligang panahon ng paghahanda at hindi lang isang bagay na dapat nating pagtiisan,” sabi niya.
Sumang-ayon naman dito si Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: Sa kabila ng pansamantalang pagsasara ng mga templo at meetinghouse, ang mga miyembro ng Simbahan ay may mga espirituwal na kasangkapang kailangan nila para patuloy na sumulong.
Naalala ni Pangulong Ballard kung ano ang nadama niya nang umuwi siya mula sa simbahan noong Disyembre 7, 1941, at nalaman na sinalakay ang Pearl Harbor at ang Estados Unidos ay sasabak sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tulad ng maraming tao ngayon, nag-alala siya tungkol sa hinaharap at inisip kung wala na ba siyang kinabukasan.
“Pero hindi iyan ang nangyari,” sabi niya. Kung nagwagi ang malalayang tao sa digmaang iyon, magwawagi rin ang mundo sa digmaan laban sa coronavirus. “Magiging maayos ang lahat kapag ibinabaling natin ang ating puso sa ating Ama sa Langit at titingnan Siya at ang Tagapagligtas bilang Manunubos ng buong sangkatauhan,” sabi niya.
Ang isa pang paraan ng pagsulong ng Simbahan ay sa pamamagitan ng gawaing misyonero, na tumutugon sa pagbabago ng mga sitwasyon sa mundo. Sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf na ang mga lider ng Simbahan ay nag-aaral ng mga bagong paraan ng pagbabahagi ng ebanghelyo kahit bago pa man nagsimulang gambalain ng COVID-19 ang gawaing misyonero. Ang paggambalang iyon ay kinabibilangan ng pagbibiyahe ng libu-libong mga missionary sa kanilang mga bansa, pag-release sa ilan nang maaga, at pagbibigay sa iba ng bagong assignment.
“Labis na pinabilis ng COVID-19 ang aming pag-iisip tungkol dito at iminulat nito ang aming mga mata,” sabi niya. Dahil dito, ang teknolohiya at social media ngayon ay nagbubukas ng mga pintuan sa dati ay saradong mga komunidad at hindi mapuntahang mga tahanan at apartment.
“Ang gawaing misyonero ay patuloy na susulong sa kabila ng pandemya,” dagdag pa ni Elder Uchtdorf. “Patuloy nating natututuhan kung paano mapapahusay ang gawaing misyonero ngayon at sa hinaharap. Nangako ang Panginoon na mamadaliin ang Kanyang gawain para sa pagpapala ng lahat ng anak ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga tipan 88:73). Sa pakiramdam ko ay nasa kalagitnaan tayo ng prosesong ito habang nabubuhay tayo sa mahirap na panahong ito. Ang ating mahal na mga missionary ang mga pioneer sa ating panahon, hinahawi nila ang landas para sa pagbabahagi ng mensahe ng ebanghelyo sa pamamagitan ng mga bagong paraan na akma sa ating kalagayan upang ang Simbahan ni Jesucristo ay patuloy na ‘[lumaganap], hanggang sa mapuno nito ang buong mundo’” (Doktrina at mga tipan 65:2).
Hindi lamang mga bagong oportunidad sa pagbabahagi ng ebanghelyo ang nabubuksan. Ang mga puso ay nabubuksan din dahil ang mga panahon ng paghihirap ay kadalasang nagiging dahilan para magpakumbaba ang mga tao at ibaling sila sa Diyos, sabi ni Elder D. Todd Christofferson.
“Mas nabubuksan nang kaunti ang pag-iisip nila, ‘Siguro ay higit pa sa aking bank account ang kailangan ko. Marahil ay mayroon pang mas mainam sa buhay kaysa sa ipinamumuhay ko,’” sabi niya.
Hinikayat ni Elder Christofferson ang mga miyembro ng Simbahan na maghanap ng mga pagkakataon na maging missionary, tulad ng pagbabahagi ng mga mensahe at memes na may kaugnayan sa ebanghelyo sa pamamagitan ng social media, pakikipag-ugnayan sa mga full-time missionary tungkol sa pagtulong na kaibiganin ang mga taong tinuturuan nila nang online, at pakikipag-ugnayan sa mga tao na hindi nila madalas makita.
Pisikal na Pagdistansya at Espirituwal na Pagdistansya
Ang isa pang paraan na sumusulong ang Simbahan ay sa pamamagitan ng espirituwal na pagtugon ng mga Banal sa mga Huling Araw sa temporal na mga hamong tulad ng COVID-19. Para sa ating pisikal na proteksyon, dinaragdagan natin ang pisikal na distansya natin sa iba, ngunit para sa ating espirituwal na proteksyon, lumalapit tayo sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak. Ang pandemyang COVID-19 ay nagbigay sa maraming miyembro ng Simbahan ng mas maraming pagkakataon na mapataas ang kanilang espirituwal na proteksyon sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ni Pangulong Russell M. Nelson na pakinggan ang Panginoon.
“Alam ng ating Ama na kapag napalilibutan tayo ng kawalang-katiyakan at takot, ang lubos na makatutulong sa atin ay pakinggan ang Kanyang Anak,” sabi ni Pangulong Nelson noong pangkalahatang kumperensiya ng Abril 2020. Dagdag pa niya, “[Habang nagsisikap tayong maging] mga disipulo ni Jesucristo, ang mga pagsisikap nating pakinggan Siya ay kailangang gawin nang mas may hangarin. Kailangan ng kusa at tuluy-tuloy na pagsisikap na punuin ang bawat araw ng ating buhay ng Kanyang mga salita, Kanyang mga turo, Kanyang mga katotohanan.”6
Bagama’t hindi natin hinahangad ang pagkansela ng mga miting sa Simbahan, ang pagsasara ng mga templo, o ang pagkawala ng mga trabaho, ang pag-uukol ng mas maraming oras sa tahanan ay nagbibigay sa atin ng “pagkakataong mag-isip tungkol sa paggising sa Diyos” (tingnan sa Alma 5:7), sabi ni Elder Cook. “Marahil ang mga kaganapan kamakailan ay maaaring maging isang espirituwal na alarm clock na magtutuon sa atin sa mga bagay na pinakamahalaga. Kung gayon, magiging malaking pagpapala sa panahong ito na magtuon sa mga bagay na maaari nating gawin nang perpekto sa ating buhay at paano natin mapagpapala ang buhay ng iba kapag nagising tayo sa Diyos at sumusulong sa landas ng tipan.”
Dagdag pa ni Elder Jeffrey R. Holland, “Ang ganitong mga panahon ay nag-aanyaya sa atin na tingnan ang ating kaluluwa upang makita kung gusto natin ang makikita natin doon. Doon [natin] maiisip kung sino talaga [tayo] at kung ano ang talagang mahalaga.”
Ang ganitong mga panahon ay nag-aanyaya rin sa atin na dagdagan ang ating pananampalataya, paglilingkod, at pasasalamat, at naghihikayat sa ating “isipin ang ating pag-asa sa Diyos at sa mga pagpapala mula sa Kanya na madalas nating binabalewala,” sabi ni Elder Holland. “Tungkulin natin sa ating Ama sa Langit na dagdagan pa nang kaunti ang pagtanaw natin ng utang-na-loob, ang pasasalamat, at ang kagustuhang alalahanin kung ilang problema ang nalutas dahil sa Diyos, mga anghel, pangako sa tipan, at panalangin.”
Nasa sentro ng ating pasasalamat ang pagpapala ng pag-alaala “kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao, mula sa paglikha kay Adan, maging hanggang sa panahong [ito]” (Moroni 10:3). Sinabi ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawa na kung kailangan nating “manatili sa ating tahanan,” maaari nating tularan ang halimbawa nina Nephi at Alma, inaalaala na Siya “kung kanino [tayo ay] nagtiwala,” ang Tagapagligtas na si Jesucristo “ay patuloy [tayong] ililigtas” (2 Nephi 4:19; Alma 36:27). At tulad ng itinuro ni Apostol Pablo, maaalaala natin na walang “maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo” (tingnan sa Mga Taga Roma 8:35).
Ang Panginoong Jesucristo “[ang ating pinakadakilang] kanlungan” (tingnan sa mga Awit 61:1–4), sabi ni Elder Holland. “Anuman ang mangyari, hindi tayo maihihiwalay sa pagmamahal ng Tagapagligtas at sa Kanyang patnubay, kahit hindi natin ito nakikita sa ngayon. “Ang Espiritu ay hindi nahahadlangan ng isang virus o ng mga hangganan ng mga bansa o ng mga medikal na pagtataya.”
“Gawin ang Mabubuting Bagay”
Kamakailan, habang binabasa ang report na ginawa ng isang komite ng Simbahan, nag-alala si Elder Christofferson sa maaaring maging mga epekto ng “ipinatupad na pag-iisa” sa matatanda at batang single na miyembro ng Simbahan.
“Ang ipinatupad na pag-iisa ay maaaring magdulot ng kalungkutan, at ang kalungkutan ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa kalusugan ng katawan at isipan,” sabi niya. “Upang mapaglabanan iyon, inirerekomenda ng ilang mga tagapagtaguyod ng kalusugan ng publiko na ang mga nakararanas ng kalungkutan ay maghanap ng mga paraan na ‘gawin ang mabubuting bagay’ para sa isang tao.”
Ang Banal sa mga Huling Araw ay makahahanap ng paraan para makapaglingkod, tumulong, at mag-ambag sa iba, lalo na sa mga nalulumbay, sabi ni Elder Christofferson, at mababawasan ang nararamdamang pag-iisa ng mga nalulumbay na miyembro sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba.
“Magtuon sa ministering,” sabi niya. “Marami tayong magagawa para sa isa’t isa para maramdaman natin ang pagiging kabilang at kapatiran. Ito ay panahon kung kailan ang mga elders quorum at Relief Society ay talagang kapaki-pakinabang at makapagbibigay ng mga bagay na tanging sila lamang ang inorganisang gumawa.”
At iminungkahi niya na sa halip na laging i-text ang isang tao, “Sa palagay ko ay mabuting tawagan ang isang tao gamit ang lumang teknolohiyang iyon na tinatawag na telepono. Tumawag para lamang makipag-usap at makipag-ugnayan. Iparinig sa kanila ang boses mo.”
Ang mga munting pagsisikap para tulungan ang iba ay makagagawa ng malaking kaibhan, nagpapaliwanag sa araw ng isang tao sa mga paraang maaaring hindi natin nalalaman. “Ang ating ministering ay lubhang kailangan ng mga taong malayo sa iba,” sabi ni Elder Cook.
Iminungkahi ni Elder Holland, “Dapat nating ilaan ng ilang bahagi ng ating araw para makipag-usap sa mga taong nangangailangan ng tulong. Siyempre, napalalakas tayo ng paggawa nito, kaya’t ang bawat isa ay ‘[naitataas]’ (3 Nephi 27:14, 15), tulad ng sinabi ng Tagapagligtas na ipinagawa sa Kanya nang isugo Siya sa mundo.”
Ang isa pang paraan para maitaas natin ang ating sarili at ang iba ay sa pamamagitan ng paghahanda sa araw na muling bubuksan ang mga templo. Ang pagsara ng mga templo—dahil man ito sa pandemya, pagre-remodel, o paglilinis—ay “nagbibigay ng napakagandang pagkakataon na matutuhan pa ang tungkol sa family history research, indexing, at kung paano maghanda ng napakaraming pangalan para sa araw na muling bubuksan ang mga pintuan ng templo,” sabi ni Elder Bednar.
Idinagdag ni Elder Bednar na bukas man ang mga templo o hindi, ang mga miyembro ng Simbahan ay maaaring magsikap na maging marapat at magkaroon ng current temple recommend.
Mga Aral na Nais ng Panginoon na Matutuhan Natin
Tulad ng sinabi ni Elder Bednar, kahit na walang gustong makaranas ng pandemyang COVID-19, gayunman ang salot na ito sa mga huling araw ay nasa atin.
“Taglay ang walang-hanggang pananaw na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay nagkakaloob ng biyayang nagmumula sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, maaari nating matutuhan ang mga aral mula sa paghihirap ng mortalidad na maghahanda sa atin para sa mga pagpapala ng kawalang-hanggan,” sabi niya. “Kailangan nating magdasal. Kailangan nating maghanap. Kailangan nating humingi. Kailangan nating magkaroon ng mga matang nakakakita at mga taingang nakaririnig. Ngunit mapagpapala tayo sa pambihirang mga paraan kung matututuhan natin ang mga aral na magpapala sa atin ngayon at magpakailanman.”
Dahil sa nakapipinsalang epekto nito sa mga pamilya sa buong mundo, ang COVID-19 ay nagturo sa mga tao na magpakita ng higit na malasakit sa iba, sabi ni Pangulong Ballard.
“Natatanto na natin kung gaano kahalaga ang ating pamilya, kung gaano kahalaga ang ating kapwa, at kung gaano kahalaga ang ating mga kapwa-miyembro,” sabi niya. “May mga aral tayong natututuhan ngayon na mas nagpapabuti sa atin bilang tao.”
At kapag lumipas na ang kasalukuyang bagyo, ano ang maaari nating asahan? Marami pang iba, sabi ni Elder Uchtdorf. Ang mga anak ng Diyos sa loob at labas ng Simbahan ay patuloy na daranas ng mga hamon.
“Nabubuhay tayo sa panahon na kailangan nating matuto,” sabi niya. At ang pinakamahalagang aral na maaari nating matutuhan ay ito—na ang sagot sa darating na mga hamon ay ang sagot din sa kasalukuyang hamon: ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Sinabi ni Elder Holland na dahil taglay ng mga Banal sa mga Huling Araw ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, maaari silang matutong maging positibo at magkaroon ng magandang pananaw, ginagawa ang lahat sa abot ng kanilang makakaya at naniniwala sa salita ng Panginoon nang sinabi niya, “Ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (Doktrina at mga Tipan 123:17).
“Marami pang bagay ang dapat nating ikagalak habang dinadalisay natin ang ating pananampalataya, mas pinagtitiwalaan ang Panginoon, at nakikita ang himala ng Kanyang kaligtasan,” sabi ni Elder Holland.