2020
Ang Missionary na si Faneva
Oktubre 2020


Ang Missionary na si Faneva

Faneva the Missionary

Tiningnan ni Faneva sa bintana ang mataong kalye sa labas ng kanyang bahay. Nakakita siya ng mga taong naghihila ng mga kariton ng gulay, bigas, tela, at iba pang produktong ibebenta. Nakarinig siya ng mga kotseng bumubusina at mga asong tumatahol. Pagkatapos ay may iba siyang narinig.

“Mama, may kumakatok po!” sigaw ni Faneva. Binuksan ni Mama ang pinto. Dalawang binatang nakasuot ng amerikana at kurbata ang nasa may pintuan. Noon lang nakakita si Faneva ng taong nakasuot ng ganoon sa kanyang lugar sa Madagascar.

“Mga missionary po kami mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi ng isa sa kanila. “Nagtuturo po kami sa mga tao tungkol kay Jesus. Puwede po ba kaming magbahagi ng mensahe sa inyo?”

Natuwa si Faneva nang papasukin sila ni Mama. Nagtipon ang buong pamilya para makinig tungkol kay Jesucristo at kung paano naipanumbalik ang Kanyang Simbahan sa lupa.

Pagkaraan ng araw na iyon, bumisita pa nang maraming beses ang mga missionary sa pamilya ni Faneva. Nagdala sila ng isang aklat na tinatawag na Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon. Nagustuhan itong basahin ni Faneva kasama ang kanyang pamilya!

Balang araw ay magiging missionary ako at ibabahagi ko ang Aklat ni Mormon sa ibang tao, sabi ni Faneva sa kanyang sarili.

Sa isa pang pagkakataon na dumating ang mga missionary, tinuruan nila ang pamilya ni Faneva kung paano manalangin. Nalaman ni Faneva na maaari niyang kausapin ang Ama sa Langit kahit kailan, kahit saan.

Balang araw ay magiging missionary ako at tuturuan ko ang mga tao tungkol sa panalangin naisip ni Faneva.

Isang araw ay may mahalagang itinanong ang mga missionary.

“Susundan po ba ninyo ang halimbawa ni Jesucristo at magpapabinyag kayo?” tanong ng isa sa kanila.

Nakaramdam si Faneva ng kaligayahan sa kanyang puso. “Opo!” sabi niya.

“Kami rin!” sabi ng kanyang kapatid at ni Mama.

Sabi ni Papa hindi pa siya handang magpabinyag. Ngunit ayos lang sa kanya kung magpapabinyag ang kanyang pamilya. Kaya nagpabinyag sila! Bininyagan si Faneva ng isa sa mga missionary na nagturo sa kanya tungkol kay Jesus.

Balang araw ay magiging missionary ako at tutulungan ko ang mga tao na magpabinyag, naisip ni Faneva.

Ang isa sa pinakamagagandang bahagi ng pagiging miyembro ng Simbahan ay pagpunta sa Primary. Nagustuhan ni Faneva ang mga aktibidad at ang pagkakaroon ng mga bagong kaibigan. Ngunit ang paborito niya sa lahat ay pagkanta ng mga awitin sa Primary. Isang araw ng Linggo sa Primary, kumanta sila ng mga awitin tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo.

“Nais ko nang maging misyonero,” pagkanta ni Faneva. “’Di na mahintay ang paglaki.”

Maaari na akong magsimulang gumawa ng gawaing misyonero ngayon, napagtanto ni Faneva. Hindi ko kailangang hintayin ang balang araw!

Mula noon, palagi nang naghahanap si Faneva ng mga paraan upang maibahagi niya ang ebanghelyo. Sinikap niyang maging mabuting halimbawa. Inanyayahan niya ang mga tao sa simbahan. Tinulungan niya ang kanyang mga kapit-bahay. Pagkaraan ng ilang taon, nasa tamang edad na siya para tulungan ang mga missionary na magturo sa mga tao sa kanyang lungsod. Pagkaraan ng ilan pang taon, nakapagmisyon din siya—nakakilala ng ibang tao at nakapagbahagi ng ebanghelyo, tulad ng ginawa ng mga missionary na nagbahagi sa kanya.