2020
Paano Ako Nakahanap ng Paggaling mula sa Seksuwal na Pang-aabuso
Oktubre 2020


Paano Ako Nakahanap ng Paggaling mula sa Seksuwal na Pang-aabuso

Nabuhay ako sa isang bangungot. Ngunit kalaunan ay nalaman ko na sa aking pinakamahihirap na sandali, makaaasa ako sa aking Tagapagligtas.

silhouette of girl

Larawan mula sa Getty Images, ginamit para sa paglalarawan, ginamitan ng mga modelo

Nagsimula ang aking bangungot nang muling nag-asawa ang aking ina noong pitong taong gulang pa lang ako. Talagang nagustuhan namin ang aking bagong amain. Mabait siya at maganda ang pakikitungo niya sa aming pamilya. Naramdaman ko na talagang ligtas ako sa kanyang piling. Maayos naman ang lahat hanggang sa isang araw, habang abala ang iba pa naming kasama sa bahay, inabuso niya ako sa seksuwal na paraan.

Hindi ko naunawaan kung ano ang ginawa niya sa akin. Ako ay nagimbal, nalito, at nahiya. Ngunit takot na takot akong sabihin iyon sa kahit kanino. Naisip ko na baka masira nito ang bagong-tuklas na kaligayahan ng aking pamilya at baka wala rin namang maniwala sa akin. Kaya nagpasiya akong manahimik na lang.

Isang beses lang naman niya akong sinaktan, ngunit palaging bumabagabag sa aking isipan ang alaala ng pang-aabuso. Kalaunan ay napraning ako na baka may makaalam sa aking masakit na karanasan at makatuklas sa aking lihim kaya nagsumikap akong itago ang katotohanan sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa aking amain. Napakabait niya sa akin, at sa totoo lang ay unti-unti ko siyang nagustuhang muli.

Ngunit biglang lumala ang sitwasyon. Nang magsimulang magtrabaho si Inay sa gabi, sinimulan akong abusuhin palagi ng aking amain. Wala akong nagawa. Nais kong sabihin ang katotohanan, ngunit gusto ng lahat ang aking amain, at naisip ko na baka pumanig silang lahat sa kanya. Kaya isang gabi na mag-isa ako, nagsumamo ako sa Diyos na tulungan akong itago ang aking lihim.

Pagsasabi ng Katotohanan

Isang araw, sa wakas ay tumigil na ang pang-aabuso. Hindi ko alam kung bakit. Bagama’t hindi na niya ako sinasaktan, pakiramdam ko ay palagi akong marumi at puno ng kahihiyan. Kinamuhian ko ang aking sarili. Kung minsan, naiisip ko nga na baka mas mabuti pang mamatay na lang ako kaysa harapin ko ang aking realidad. Nais ko pa ring sabihin ang katotohanan, ngunit natakot ako sa maaaring mangyari kapag nalaman nila ito.

Isang araw ng Linggo sa simbahan noong 14 taong gulang ako, nakinig ako sa isang lesson tungkol sa paggawa ng malalaking desisyon. Hinikayat kami ng aking guro na mag-ayuno at manalangin at nangako siya na patatatagin kami ng Diyos na gawin kung ano ang tama. Matapos magsimba, patuloy kong inisip ang sinabi niya. Inisip ko na kung hihiling ako, tutulungan nga kaya ako ng Diyos na sabihin ang katotohanan?

Kinabukasan, nag-ayuno ako para magkaroon ng lakas ng loob na sabihin kay Inay ang tungkol sa pang-aabuso. Hindi ako makatutok sa pag-aaral dahil ang tanging nasa isip ko ay kung ano ang magiging reaksyon niya. Nang makauwi ako, ang sama talaga ng aking pakiramdam. Muli akong nananalangin para sa lakas, ngunit pakiramdam ko ay hindi pa ako handang sabihin sa kanya ang katotohanan.

Noong gabing iyon, nilapitan ko si Inay habang nagluluto siya ng hapunan. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin, ngunit nang tingnan ko ang kanyang mga mata, nagkaroon ako ng lakas ng loob na magsimulang magsalita. Nang magsimula ako, lumabas ang lahat ng lihim na itinago ko sa loob ng maraming taon.

Umupo kami ni Inay sa sopa at magkasama kaming umiyak. Pagkatapos, nakipag-ugnayan kami sa aming branch president at tumawag kami ng pulis. Pinanagot ang aking amain sa ginawa niya sa akin, at binigyan ako ng proteksyon na kailangan ko—kailanman ay hindi ko na siya kailangang makitang muli.

actor portraying Jesus

Ang Landas Tungo sa Paggaling

Noong panahong iyon, mahirap ikuwentong muli sa mga awtoridad ang aking karanasan at sagutin ang mga tanong ng aking mga kaibigan kung nasaan na ang aking amain, ngunit dahil sa suporta ng aking pamilya, naramdaman kong hindi na ako nag-iisa. Sama-sama, nagkaroon kami ng bagong tema sa pamilya: “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa [sa pamamagitan ni Cristo na] nagpapalakas sa akin” (Mga Taga Filipos 4:13). Ang iba pa naming kamag-anak ay nagpaabot din ng kanilang pagmamahal at suporta at, sa paglipas ng panahon, nagsimula kaming gumaling nang sama-sama.

Pareho kaming dumalo ni Inay sa propesyonal na counseling, na naging malaking tulong! Ang aking counselor ang mismong kinailangan ko. Tinulungan niya akong maunawaan ang lahat ng nararamdaman ko at harapin ang aking masasamang alaala. Hindi ko napagtanto noon kung gaano ako nasaktan hanggang sa maramdaman kong unti-unti na akong nabubuong muli.

Hindi ko naisip na maglalaho ang sakit dahil lang sinabi ko ang katotohanan, ngunit hindi ko rin napagtanto kung gaano kahabang panahon (at katinding pagtitiis) ang kakailanganin para gumaling. Sa loob ng mahabang panahon, pakiramdam ko ay wala akong silbi. Kinailangan kong pag-aralang muli kung paano mahalin ang aking sarili.

Nahanap ko ang pinakamatinding kapayapaan nang bumaling ako sa aking Tagapagligtas at sa aking Ama sa Langit. Ang pagtanggap na alam Nila kung ano mismo ang nararamdaman ko ay nagbigay sa akin ng lakas at pag-asa. Umasa ako sa Kanila sa pinakamahihirap na sandali. Sa paglipas ng panahon, nagsimulang maglaho ang mga alaala, at nakaramdam ako ng matinding kapayapaan sa pamamagitan ng pagmamahal ng Tagapagligtas.

Ang isa sa mga pinakanakasisiyang bahagi ng proseso ng paggaling ay ang pagtanggap na talagang mayroon akong magandang kinabukasan. Noong inaabuso ako, ni hindi ko inakalang posible pang bumalik sa normal ang aking buhay. Pakiramdam ko ay hindi na ako mabubuong muli kailanman. Ngunit sa pamamagitan ng tulong at paggaling, nakahanap ako ng mga bagay na aasamin. Sinimulan kong ikuwento ang aking karanasan sa iba pang dalagitang nasasaktan, at nagpasiya pa nga akong magmisyon. Ang pagbabahagi ng aking patotoo sa ibang tao ay nagpalakas sa akin.

Hindi natutukoy ang aking pagkatao ayon sa ginawa sa akin ng aking amain. Binago niya ang aking buhay magpakailanman, ngunit pinipili kong gamitin ang aking karanasan para tulungan ang ibang tao. May mga araw na mahirap pa rin, ngunit sa kabila ng lahat, napalakas ako ng Panginoon, at alam kong patuloy Niya akong tutulungan. Hindi na ako isang biktima dahil nakaligtas na ako.