Ang Layunin ng Aking Binyag
Bago ang aking binyag, mag-isa akong nakaupo at nanalangin na mahimalangmagpakita ang aking mga kaibigan.
Noong ako ay isang musmos na nakatira sa liblib na bahagi ng lungsod ng Taipei, Taiwan, hindi ko alam ang tungkol sa mga missionary. Kaya noong unang beses na nakausap ko sila, nag-usisa ako tungkol sa kanilang mensahe. Hindi nagtagal, nasabik akong sundin ang kanilang mga turo at ipamuhay ang ebanghelyo. Naramdaman ko na isa itong paraan para malaman ko kung talagang mayroong Diyos.
Sa loob ng isang buwan, naituro sa akin ang ebanghelyo at ang mga kautusang itinuturo bago ang binyag. Napuspos ako ng kapayapaan sa pamamagitan ng panalangin, nakatanggap ako ng personal na paghahayag mula sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at kailanman ay hindi ako pumalya sa pagdalo sa miting ng Simbahan. Nagpasiya ako na dapat akong magpabinyag.
Ang pinakamalaking hamon na hinarap ko noong panahong iyon ay ang mga problemang umusbong sa aking relasyon sa ilan sa aking mga kaibigan dahil tutol sila sa pagsapi ko sa Simbahan. Nanalangin ako nang husto tungkol dito, ngunit tila palala nang palala ang problema sa aming relasyon.
Inanyayahan ko ang aking mga kaibigan sa aking binyag, ngunit binalewala lang nila ang aking paanyaya. Talagang hindi ko alam kung ano ang gagawin. Bago ang aking binyag, mag-isa akong nakaupo sa sopa sa bulwagan ng chapel, nananalangin na mahimalang magpakita ang aking mga kaibigan para masabi ko sa kanila ang tungkol sa mga positibong pagbabagong nagawa ko sa aking buhay at mapatunayan ko sa kanila na tama ang aking desisyon na magpabinyag.
Hindi kailanman nagpakita ang aking mga kaibigan, ngunit habang taimtim akong nananalangin sa Diyos, may naramdaman ako. Sa puntong iyon, nakaramdam ako ng matinding pagmamahal mula sa aking Ama sa Langit. Alam ko na naroon Siya at talagang pinakinggan Niya aking panalangin.
Noong una, nais ko lang magpabinyag dahil sa lahat ng magagandang bagay na nangyayari sa aking buhay, ngunit sa sandaling iyon, naunawaan ko ang layunin ng aking binyag.
Ang impresyong natanggap ko ay tulad ng tinig ng Panginoon na magiliw at tuwirang nangungusap sa akin at nagwiwikang, “Hindi mo kailangang patunayan ang anuman sa sinuman. Kailangan mo lang patunayan sa akin na handa kang lumapit sa akin at manatiling tapat sa aking ebanghelyo habang nabubuhay ka.”