2020
Pambungad sa mga Kabataan
Oktubre 2020


Mga Kabataan

Garret W hugging someone

Nang ma-set apart ako para maglingkod sa California San Bernardino Mission bilang isang full-time na missionary, sinuportahan ako ng aking pamilya. Sa larawang ito, yakap ko ang isa sa aking mga kapatid na lalaki matapos akong ma-set apart. Mahaba ang nilakbay ko para makaabot sa puntong ito, ngunit nagpapasalamat ako para sa mga pagbabagong nakita ko sa aking sarili at sa aking pamilya.

Dalawang taon bago ang nakatakda kong pagtatapos sa hayskul, nasangkot ako sa isang malalang aksidente. Bago ang pangyayaring iyon, hindi ko ginagawa ang mga bagay na dapat kong gawin. Ngunit matapos ang aksidente, talagang nagbago ang aking pananaw sa buhay. Maaari akong namatay noon mismo, at ayaw kong sa gayong paraan matapos ang aking buhay. Tinulungan ako ng aking bishop na makabalik sa tamang landas: magbasa ng Aklat ni Mormon araw-araw at maghandang maglingkod sa misyon.

Sumasali ako noon sa mga paligsahan sa pagtakbo, iyon ang aking hilig. Matapos ang aksidente, hindi ako nakasali ng isang buong taon, at napaisip ako kung may positibong bagay pa ba na natira sa aking buhay. Ngunit bumaling ako sa Panginoon, at nang gawin ko iyon, nakasali ako noong sumunod na taon. Mayroon pa ring mga paghihirap, ngunit nagbago ako at sa halip na gawin ko iyon para sa aking sarili, ginawa ko iyon para sa Panginoon.

Ang pagkakita kung gaano karaming pagpapala ang maaaring dumating mula sa kabuuan ng ebanghelyo ang nagpabago sa akin. Dahil natanggap ko ang lahat ng kaligayahan at kagalakang iyon, nais ko iyong ipalaganap sa buong mundo. Nasasabik ako na maramdaman din ng ibang tao ang kagalakang nararamdaman ko araw-araw dahil sa ebanghelyo. At iyon ang dahilan kung bakit ako nagmisyon: para makatulong na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).

Garret W., 18, North Carolina, USA