Tawagan si Itay
Kung bibilisan ko ang pagpadyak, naisip ni Yu, makakarating ako sa bahay bago bumaha sa mga kalsada.
“Magalak, sapagkat akin kayong aakayin” (Doktrina at mga Tipan 78:18).
Lumabas ng pribadong institusyon si Yu papunta sa mataong bangketa. Ang kanyang utak ay puno ng impormasyon tungkol sa matematika mula sa kanyang klase pagkalabas niya sa paaralan. Nagmamadali ang mga tao hawak ang kanilang mga payong. Mabilis ang pagbagsak ng malalaking patak ng ulan, at basang-basa na ang kalsada.
Ang kanyang kaibigan na si Lin ay lumabas at tumabi sa kanya. “Tawagan mo ang iyong ama para sunduin ka,” sabi ni Lin. “Sabi ni Mr. Zhang baha na sa ilang bahagi ng lungsod.”
“Kaya kong umuwi nang mag-isa.”
“Ngunit tingnan mo ang tubig!” sabi ni Lin, habang nakaturo sa tubig na umaagos nang mabilis sa estero.
Biglang may naramdamang kakaiba si Yu. Tama ba si Lin? Siguro nga dapat niyang tawagan si Itay para sunduin siya bago bumaha sa mga kalsada. Ngunit nagtalo sila ni Itay kagabi, at galit pa rin si Yu. Ayaw niyang magpatulong kay Itay.
Kinalag ni Yu ang tali sa kanyang bisikleta at nagpaalam na siya kay Lin. Kung bibilisan ko ang pagpadyak, naisip niya, makakarating ako sa bahay bago bumaha sa mga kalsada.
Binilisan niya ang pagpadyak, ngunit kalaunan ay nanlamig na ang kanyang mga kamay, nababad na sa ulan ang kanyang damit, at napagod na siya. Muli niyang naisip na tawagan si Itay. Galing ba sa Espiritu Santo ang pakiramdam na iyon? Sabi ng mga missionary na nagbinyag sa kanya maaari niyang maging gabay ang Espiritu Santo. Tiningnan ni Yu ang kalangitan. Napakadilim nito kaya hindi na niya makita ang tuktok ng mga gusali. Ngunit galit pa rin siya kay Itay.
Binalewala ni Yu ang pakiramdam at nagpatuloy siya sa pagpadyak. Tumaas nang husto ang tubig kaya nagsara na ng tindahan ang mga may-ari nito. Inilipat ng mga tao ang kanilang mga gamit sa mas matataas na palapag. Nakakita si Yu ng isang ina na nagtutulak ng isang maliit na bangkang plastik kung saan nakasakay ang kanyang dalawang anak.
Ngayong lagpas na sa kanyang bukung-bukong ang tubig, hindi na makapadyak si Yu sa kanyang bisikleta. Siya ay bumaba at nagtulak. Siguro huli na para tawagan si Itay ngayon, at umuulan pa rin. Kumulog nang malakas at may lumabas na kidlat sa itaas niya. Natakot si Yu. At pagod na pagod na siya! Tiningnan niya ang daan. Malayo pa ang kanyang bahay. Hindi niya dapat binalewala ang Espiritu Santo dahil lang sa isang walang-kuwentang pagtatalo.
Tumigil si Yu para umusal ng isang maikling panalangin. Hindi niya marinig ang kanyang tinig dahil sa sobrang lakas ng ulan at kulog, ngunit alam niya na naririnig siya ng Ama sa Langit.
“Ama sa Langit,” pag-usal ni Yu. “Tulungan po Ninyo akong makauwi nang ligtas.” Nang matapos siya, nakaramdam siya ng sapat na lakas para magpatuloy.
Sa wakas, natanaw na ni Yu ang kanyang bahay sa ibabaw ng burol. Nanlalamig, pagod na pagod, at sa kung paanong paraan ay nawawalan ng isang sapatos, dahan-dahang naglakad si Yu paakyat sa burol. Nakita niyang hinihintay siya ni Itay sa labas. Nagmadaling bumaba sa burol si Itay para salubungin siya, at nagtilamsikan ang tubig habang tumatakbo ito.
Nang magpanagpo sila ni Itay, niyakap nito si Yu. “Alalang-alala ako!” sabi ni Itay. “Dapat tinawagan mo ako!”
“Akala ko po magkagalit tayo,” sabi ni Yu.
“Kailanman ay hindi ako magagalit nang sobra-sobra para hindi ka tulungan,” sabi ni Itay. Pagkatapos ay kinuha nito ang bisikleta ni Yu at itinulak paakyat sa burol.
Kahit dumadagundong ang kulog sa pagitan ng matataas na gusali at malakas ang ulan, napuspos ng mainit na pakiramdam ang puso ni Yu. Nakaramdam siya ng kapayapaan at kaligtasan habang sinusundan niya si Itay pauwi.