Mga Tanong at mga Sagot
Paano ko mapapawi ang aking kalungkutan?
Linangin ang Iyong mga Talento
Napapawi ko ang aking kalungkutan sa pamamagitan ng paglinang sa aking mga talento, ito man ay pagtugtog ng isang instrumento, isang libangan, atbp. Nakatutulong ito na mabaling ang iyong pansin sa ibang bagay, at kadalasan ay kusa nang mawawala ang iyong kalungkutan. Makahahanap ka rin ng iba pang tao na kapareho mo ng mga interes.
Steven H., edad 12, New Mexico, USA
Hangarin ang Liwanag
Hinahangad ko ang suporta, panghihikayat, at pagmamahal ng Ama sa Langit at ng Espiritu Santo para mabigyan ako ng kapayapaan, pag-asa, at lakas habang nagninilay, nananalangin, at nagbabasa ng mga banal na kasulatan. Tulad ng nakasaad sa 3 Nephi 11:11, si Jesucristo “ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan.” Pumarito Siya para pawiin ang lahat ng kadiliman.
Andrea B., edad 18, Zulia, Venezuela
Tumulong sa mga Kaibigan at Kapamilya
Kapag pakiramdam ko ay nag-iisa ako, tumutulong ako sa aking mga kaibigan at kapamilya; talagang napapasaya ako nito. Tinitingnan ko ang mga pagpapala sa aking buhay at pinasasalamatan ko ang Ama sa Langit para sa dami ng ipinagkaloob Niya sa akin!
Talli N., edad 16, Oregon, USA
Alalahanin ang Plano ng Diyos
Dapat malaman mo na sa pamamagitan ng plano ng Diyos, kailanman ay hindi natin kailangang malungkot. Palagi nating kasama ang Espiritu Santo, at alam ng Diyos kung ano ang nagpapahirap sa atin. Napagdaanan na ng Panginoon ang bawat pagsubok at paghihirap na kinakaharap mo. Ang isa sa pinakamahahalagang bagay na nararamdaman natin sa buhay na ito ay kaligayahan, ngunit hindi tayo magkakaroon ng kaligayahan nang walang kalungkutan (tingnan sa sa 2 Nephi 2:11). Manalangin sa Diyos at humingi ng tulong; hindi Niya bibiguin ang sinuman sa atin.
Brock S., edad 17, Utah, USA
Magtiwala sa Panginoon
Mahirap lisanin ang tahanan para magpunta sa Brazil para sa aking misyon. Ni hindi nga ako marunong magsalita ng wika roon! Ngunit natutuhan ko na kung kasama mo ang Espiritu ng Panginoon, hindi ka malulungkot kailanman. Kilala ka Niya at palagi ka Niyang tutulungan. Magtiwala sa Kanya!
Elder Joseph Tolen, edad 20, Brazil Campinas Mission