2020
Malungkot na Tanghalian
Oktubre 2020


Malungkot na Tanghalian

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Gusto lang ni Kali ng isang kaibigan.

“[Espiritu Santo’y] bumubulong bilang munting tinig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56).

Lonely Lunchtime

Si Kali ay pumasok sa kantina at tumingin sa paligid. Ang lahat ng iba pang mga bata ay tumatakbo papunta sa kanilang mga kaibigan at nagtitipon sa mga mesa. Napuno ang silid ng masisiglang boses at masasayang tawanan. Pangalawang araw pa lang ng pasok noon, ngunit tila ang lahat ng mga bata ay may katabi na maliban kay Kali.

Pinisil niya ang hawakan ng kanyang baunan at naglakad siya papunta sa isa sa mga mesa. “Puwede ba akong tumabi sa iyo?” tanong ni Kali.

Tumingala ang isang batang babae na may mahaba at kulay tsokolate na tirintas. Nayayamot itong umiling. “Hindi. May uupo na riyan,” sabi nito.

“Sige.” Lumipat si Kali sa isa pang bakanteng upuan at inilapag niya ang kanyang baunan.

“Hindi ka puwedeng umupo riyan! Nakareserba na ang upuang iyan para sa akin,” sabi ng isang batang lalaki na nakasuot ng pantaas na may luntiang guhit-guhit. Inilaglag nito ang baunan ni Kali sa sahig. Nagtawanan ang lahat ng kaibigan nito.

Yumuko si Kali at dinampot niya ang kanyang baunan. Siya ay naglakad papunta sa kabilang dulo ng kantina at umupo sa isang bakanteng mesa. May nakita siyang isang bata na mula sa kanyang lugar at sinubukan niya itong kawayan, ngunit lumingon ito sa iba. Sumimangot si Kali. Bakit walang bata na gustong makipagkaibigan sa kanya?

Tiningnan ni Kali ang kanyang pagkain. Tila nawalan na siya ng gana. Pinunasan niya ang kanyang mga mata, isinara niya ang kanyang baunan, at lumabas siya.

Nakikipaglaro na ang lahat ng bata sa kanilang mga kaibigan. Mag-isang umupo si Kali sa isang bangko at pinanood niya ang ibang bata na nagsasaya nang hindi siya kasama. Pagkatapos ay napansin ni Kali ang isang batang lalaki na kaedad niya na mag-isang nakaupo sa damuhan. Nakasuot ito ng dilaw na pantaas na may mantsa, at nakatayo ang buhok nito sa bandang likod.

Lumingon sa iba si Kali. Nakita niya na naglalaro ng patintero ang isang grupo ng mga batang babae mula sa kanyang klase. Naisip niya na sana’y anyayahan siya ng mga ito na makipaglaro sa kanila.

Muling lumingon si Kali sa batang lalaki. Nakayuko ito, at binubunot nito ang mga damo sa paligid ng mga paa nito. May naalala si Kali na isang bagay na sinasabi ni Inay minsan: Hanapin mo ang mga batang nag-iisa.

Sumimangot si Kali. Nag-iisa rin siya. Walang bata na gustong makipagkaibigan sa kanya!

Ngunit biglang naisip ni Kali ang tungkol sa kanyang binyag noong isang taon. Nangako siyang makikinig sa Espiritu Santo. Siguro ipinapaalala sa kanya ng Espiritu Santo kung ano ang sinabi sa kanya ni Inay. Siguro sinusubukan ng Espiritu Santo na sabihin sa kanya na makipaglaro sa batang lalaking nakasuot ng dilaw na pantaas.

Si Kali ay nagbuntong-hininga at tumayo. Napuspos ng magandang pakiramdam ang kanyang puso. Siya ay naglakad palapit sa batang lalaki sa damuhan at umupo sa tabi nito.

“Hi,” sabi niya.

“Hi,” bulong nito.

“Ano ang paborito mong kulay?”

“Um … luntian.”

“Maganda nga iyon. Ang paborito ko ay kulay rosas,” sabi ni Kali. “May paborito ka bang hayop?”

Tumuwid nang upo ang batang lalaki at tumingin ito sa kanya. “Mayroon. Mahilig ako sa mga dinosaur.”

“Ay, ako rin. Ang paborito ko ay triceratops.”

Ngumiti ang batang lalaki.

Pagkatapos ay tumunog na ang bell. Si Kali ay tumayo at kumaway sa batang lalaki para magpaalam. Nakangiti siya habang mag-isang naglalakad pabalik sa kanyang klase. Maaaring wala siyang matalik na kaibigan, ngunit masaya siya dahil alam niya na napasaya niya nang kaunti ang tanghalian ng isang bata.