2020
Ang Araw-araw na Paglilingkod ni Marta
Oktubre 2020


Ang Araw-araw na Paglilingkod ni Marta

Ang mag-inang ito ay nagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo nang magkasama. At nagagawa iyong ipamuhay ni Marta sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanyang ina sa mga natatanging paraan.

Marta smiling

Mga larawang kuha ni Leslie Nilsson

Si Marta ay isang 11 taong gulang na dalagita mula sa Portugal, at tulad ng maraming dalagitang kaedad niya, mahilig siyang gumugol ng oras kasama ang kanyang mga kaibigan, kumain, at maglaro ng kanyang mga manika. Mahilig din siyang maggugol ng oras kasama ang kanyang ina. Ngunit ang pamumuhay kasama ng kanyang ina ay nangangahulugang medyo naiiba ang buhay ni Marta kaysa sa ibang mga dalagita.

Ang ina ni Marta na si Sonia ay isinilang na may kapansanan kaya mahirap para sa kanya na maglakad. Hindi naman siya ganap na paralisado, ngunit kailangan niya ng walker para makapaglakad. Hindi siya makapagbihis, makaligo, o makahiga sa kama nang mag-isa. Mahirap para sa kanya na mamuhay nang mag-isa dahil dito. Napaglingkuran ni Marta si Sonia sa loob ng nakalipas na ilang taon sa pamamagitan ng pagtulong dito sa mga bagay na hindi nito kayang gawin nang mag-isa.

Marta with her mother

“Pinananatili kong malinis ang mga lugar na ginagamit ko para mas madaling makapaglakad ang aking ina sa loob ng bahay,” sabi ni Marta. “Paminsan-minsan tumitigil din ako sa paglalaro para tingnan kung ayos lang ang aking ina o kung kailangan niya ng tulong. Kung naglalaro ako at tumawag siya, pupunta ako kaagad dahil baka agaran ang kanyang pangangailangan.”

Ngunit sinisikap ni Sonia na hayaang mamuhay si Marta nang normal hangga’t maaari. Kung hindi kailangan ni Sonia ng tulong, tinitiyak niya na may panahon si Marta para makipaglaro sa kanyang mga kaibigan.

Marta walking with her mother

Pamumuhay ng Kanilang Pananampalataya

May pagkakataon si Marta na ipamuhay ang ebanghelyo bawat araw sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanyang ina. Marami siyang tungkulin na karaniwan ay hindi ginagampanan ng ibang dalagita. Halimbawa, gumigising siya nang maaga para tulungan ang kanyang ina na maghanda para sa trabaho bago siya pumasok sa paaralan. Kung hindi dahil sa tulong ni Marta, hindi magagawa ni Sonia na makapaglakad o makapasok sa trabaho araw-araw.

Marta and mother sitting at a table

Magkasama ring nagsisimba sina Marta at Sonia. Nabinyagan si Sonia noong siya ay walong taong gulang, kaya lumago si Marta bilang isang miyembro ng Simbahan. Araw-araw tinuturuan ni Sonia si Marta tungkol sa kahalagahan ng ebanghelyo. Isa sa mga paraan na nagagawa niya ito ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maraming larawan ni Jesucristo sa kanilang tahanan.

“Alam ko na ang Diyos ay buhay at na si Jesucristo ay totoo,” sabi ni Sonia. “At nais kong malaman ng lahat ng taong nagpupunta sa aking bahay na napakahalaga sa akin ng pananampalataya. Mahalaga rin para sa akin na ituro ito kay Marta para lumaki siyang taglay ang kaalamang ito tungkol kay Jesucristo.”

Ipinamumuhay ni Marta ang itinuro sa kanya ng kanyang ina at patuloy niyang pinag-aaralan nang mag-isa ang iba pa tungkol sa ebanghelyo. Isa sa mga paborito niyang paraan ng pag-aaral ay pagbabasa ng mga banal na kasulatan, na nakatutulong sa kanya na magkaroon ng mas matatag na relasyon sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. “Kapag binabasa ko ang mga banal na kasulatan, nararamdaman kong nasa tabi ko si Cristo,” wika niya.

Marta with her mother

Paghahanap ng Kapanatagan

Bagama’t maaaring mahirap magkaroon ng napakaraming tungkulin, ang pagsisimba kada linggo ay nakatutulong kay Marta na makahanap ng kapanatagang kailangan niya para patuloy na matulungan ang kanyang ina. “Kapag umuusal sila ng mga panalangin sa simula at dulo ng sacrament meeting, napakapayapa,” wika niya. “Kapag naroon ako, kung minsan ay nararamdaman kong tila sinasabi sa akin ng Ama sa Langit na ako ay isang mabuting tao at na kailangan kong patuloy na maging isang mabuting tao para matulungan ko ang aking ina.”

Sa tuwing ganito ang nararamdaman niya, naaalala niya kung gaano kalaki ang pasasalamat niya para sa kanyang ina. Nararamdaman niya na nagsusugo ang Ama sa Langit ng mga anghel para suportahan siya. “Sa palagay ko ay pinalalakas niya ako para magising ako at maging masaya ako at ipagmalaki ko ang aking ina,” sabi ni Marta.

Ang isa sa mga aral na magkasamang natutuhan nina Sonia at Marta ay na hindi madali o perpekto ang buhay—para sa sinuman. Sabi ni Sonia, “Hindi ako nalulungkot sa kabila ng aking mga paghihirap. Alam ko na ibinigay sa akin ng Diyos ang laman at dugo na ito at ang aking kapansanan dahil espesyal ako, at sinabi sa akin ng Diyos na makakayanan ko ito. Ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko. Marami pa akong magagawa, ngunit ngayon ay maganda ang pakiramdam ko sa aking sarili. Ipinagmamalaki ko ang lahat ng nagawa ko, ginagawa ko, at gagawin ko sa hinaharap.”

Napagtatanto rin ni Marta na magiging maayos ang lahat, bagama’t maaaring mahirap ang buhay kung minsan habang inaalagaan niya ang kanyang ina. Nakikita niya na ang lahat ng tao ay may iba’t ibang hamon na kinakaharap. “Walang buhay na perpekto,” wika niya. Sa kabila ng mga personal na hamong kinakaharap niya, nakahahanap pa rin si Marta ng magagandang bagay sa bawat sitwasyon—ang relasyon niya sa kanyang ina ay isang halimbawa. “Ang aking ina ay may pisikal na limitasyon, ngunit pagdating sa pangkaisipan at emosyonal, napakagaling niya. Talagang matalik kaming magkaibigan.”

Marta with her mother

Pag-asa sa Hinaharap

Ano kaya ang mangyayari kina Marta at Sonia sa hinaharap? Sabi ni Marta, “Nais kong manatiling malapit sa aking ina, at siyempre nais kong mag-asawa, magkaanak, at magkaroon ng pamilya. Ngunit sa hinaharap, kung kaya ko, nais kong bumili ng isang bahay para sa aking pamilya at sa aking ina dahil ayaw kong malayo sa kanya kahit isang araw lang!”

Maganda rin ang pananaw ni Sonia tungkol sa hinaharap at palagi siyang magpapasalamat para sa suporta at pagmamahal ni Marta. “Kamangha-manghang magkaroon ng isang magandang anak na babae. Napakasayang makasama si Marta sa aking buhay. Isa siyang kaloob mula sa Diyos. Inihanda Niya si Marta para manatili rito sa aking piling.”