Mga Larawan ng Pananampalataya
Sakiusa at Salote Maiwiriwiri
Suva, Fiji
Hindi ako makapaniwala sa kapayapaan at kaligayahang natagpuan ko sa tahanan ng mga Maiwiriwiri. Sa kabila ng pagpanaw ng dalawa sa kanilang mga anak, namumuhay sila nang may kagalakan at layunin araw-araw.
Leslie Nilsson, Litratista
Salote:
Dalawang taon matapos pumanaw ang aming anak na lalaking si Esa dahil sa kanser sa baga, pumanaw naman ang aming anak na babaeng si Esalynn dahil sa meningitis. Sa templo, nakaramdam ako ng malakas na pahiwatig na kausapin ang isang senior sister missionary doon na nawalan din ng dalawang anak ilang taon na ang nakararaan. Sabi niya sa akin, “Kung gagawin mong isang banal na lugar ang iyong tahanan, mararamdaman mo ang presensya ng iyong mga anak doon.”
Iyon ang naging mithiin namin. Lahat ng ginagawa namin ay para maging isang banal na lugar ang aming tahanan. Nais naming maramdaman na malapit lang sila.
Hindi namin alam kung paano maging magulang sa mga anak na nasa kabilang-buhay na. Ngunit kung gagawin namin ang lahat para mamuhay nang matwid, naniniwala kami na mararamdaman nila ang aming mga pagsisikap. Sa mga debosyonal ng aming pamilya, binabati namin sina Esa at Esalynn sa kanilang pangalan.
Sa aming tahanan, maging kapag may pagtatalo kami, sinisikap naming lutasin iyon kaagad. Nais naming manatiling isang banal na lugar ang aming tahanan hangga’t maaari. Habang ginagawa namin iyon, nakararamdam kaming lahat ng pag-asa at paggaling at pagmamahal.
Sakiusa:
Sa huli, ang pagkawala nina Esa at Esalynn ay mas naglapit sa aming pamilya. Nagpapayuhan kami kasama ang iba pa naming mga anak. Dumadalo kami sa templo bilang isang pamilya. Namumuhay kami nang simple hangga’t maaari at pinipili naming magpasalamat araw-araw. Kapag pinag-uusapan namin kung ano ang kahulugan ng mabuklod bilang isang pamilya sa templo, nagiging mas makatotohanan at makabuluhan ang pagbubuklod na iyon sa amin. At sa lahat ng ito, nararamdaman talaga namin ang presensya ng aming mga anak.
Isa sa mga unang bagay na ginawa namin para maging mas banal ang aming tahanan ay simulang basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw. Noong una, nagbahagi kami ng mga kuwento sa Aklat ni Mormon na may kasamang mga larawan para sa mga mas bata naming anak. Pagkatapos ay nagdagdag kami ng mga video. Ngayon ay mas nagbabasa na kami mula sa Aklat ni Mormon. Mapatototohanan ko ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon.
Mapatototohanan ko rin ang kapangyarihan ng plano ng kaligtasan. Nang planuhin namin ang mga burol para kina Esa at Esalynn, nagpasiya kami taliwas sa mga detalyadong burol na karaniwan sa kulturang Fijian. Sa halip, kaming mag-asawa lang ang nagsalita, at tinalakay namin ang plano ng kaligtasan. Marami sa aming mga kamag-anak ang sumapi sa Simbahan matapos marinig ang mga katotohanang ito sa mga burol.