Mga Young Adult
Ang Adiksyon Ba ay Kapareho ng Paghihimagsik?
Ang awtor ay naninirahan sa Texas, USA.
Ang higit na pagkaunawa sa adiksyon ay makatutulong sa ating magtiwala na, balang araw, ililigtas tayo ng Panginoon mula sa pagkaalipin.
Sa ating makasalanang mundo, ang adiksyon ay isang nakasusuya at nagpapabago ng buhay na realidad para sa iilan. Kapag gumamit tayo ng isang bagay nang sobra-sobra para matakasan ang ating mga paghihirap sa buhay, tulad ng pagkain, mga resetang gamot, social media, pagtsitsismis, pornograpiya, pagsisinungaling, pagsusugal, o maging pag-eehersisyo, madali tayong mabibitag sa adiksyon.
Nang makita kong nahihirapan sa adiksyon ang mga tao sa aking paligid na kahanga-hanga at mapagmahal—hindi lamang basta-basta bumigay sa mga maling pagpili—pinag-aralan ko ang mga banal na kasulatan at ang kasalukuyang pagsasaliksik tungkol sa adiksyon para mas maunawaan ko ang mga neurological impulse at compulsion na ito.
Mga Ligaw na Damo ng Adiksyon
Ang pagdaig sa isang adiksyon ay parang pag-aalaga sa isang halamanan. Pagkatapos magtanggal ng mga ligaw na damo nang isang beses, hindi natin maaasahan na tapos na tayo. Alam natin na mas marami pang ligaw na damong tutubo, kaya maingat at palagi nating binubunot ang mga ito para maprotektahan ang mga halaman.
Kung nahihirapan tayo sa isang adiksyon, maaari tayong mawalan ng pag-asa kapag bumalik tayo sa dati nating gawi matapos magsisi at humingi ng tulong. Maaaring magulat at mainis tayo na ang mga tuksong ito ay mas matindi pagkatapos ng masasaya o malulungkot na panahon sa ating buhay. (Tulad ng parang mas maraming ligaw na damong tumutubo pagkatapos ng nakagiginhawang ulan o malakas na bagyo.)
Adiksyon Laban sa Sadyang Paghihimagsik
Nalaman ko na ginagamit ni Satanas ang adiksyon bilang “katibayan” para kumbinsihin tayo na talagang kasamaan ang hangad natin, na nakatadhana na tayong mabigo sa simula pa lang, o na pinabayaan na tayo ng Panginoon. Ginagamit ng demonyo ang kahihiyan para panghinaan tayo ng loob at ipakitang gaano man tayo karaming beses magsisi, patuloy na darating ang mga tukso.
Maraming dahilan kung bakit madaling malulong sa adiksyon ang mga tao, ngunit kadalasan ay nagsisimula ito sa pagtatangkang punan ang “malalalim at di-natutugunang pangangailangan.”1 Bagama’t ang paghihimagsik ay maaaring humantong sa adiksyon at ang mga adiksyon ay maaaring maging sanhi ng pagkakasala, kadalasan ay nakapunla o umuusbong ang mga ito sa kahinaan sa halip na sa sadyang paghihimagsik.2
Sa kabutihang-palad, alam natin na ang kahinaan ay maaaring magbigay sa atin ng pagkakataong matuto tungkol sa biyaya at magkaroon ng malalim na pananampalataya sa nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo.3
Hanggang sa Mapalaya sa Pagkaalipin
Makahahanap tayo ng mga kabatiran tungkol sa pagdaig at pagtakas sa patibong ng adiksyon mula sa dalawang grupo ng mga tao sa Aklat ni Mormon: ang mga tao ni Limhi at ang mga tao ni Alma.
Ang dalawang grupong ito ay nangasailalim sa pagkaalipin sa loob ng mahabang panahon. Kapwa nila napagtanto na “walang paraan upang mapalaya nila ang sarili” mula sa pagkabihag (Mosias 21:15). Sa paglipas ng panahon, kapwa sila humingi ng tulong sa Panginoon.
Ang mga tao ni Limhi ay nangasailalim sa pagkaalipin dahil sa kanilang mga pagkakasala. Nang hindi humihingi ng tulong sa Panginoon, tatlong beses nilang nilabanan “sa galit” ang mga taong nang-aalipin sa kanila. Natalo sila sa bawat laban. Nang magsimula silang magpakumbaba ng kanilang mga sarili, “ang Panginoon ay mabagal sa pakikinig sa kanilang pagsusumamo … [ngunit] dininig [Niya] ang kanilang pagsusumamo, at nagsimulang palambutin ang mga puso ng mga Lamanita kung kaya’t nagsimula nilang pagaanin ang kanilang mga pasanin” (Mosias 21:15; idinagdag ang pagbibigay-diin). Pinagpala sila dahil sa kanilang tumitinding pagpapakumbaba, ngunit “hindi pa minarapat ng Panginoon na palayain sila mula sa pagkaalipin” hanggang kalaunan.
Nangasailalim sa pagkaalipin ang mga tao ni Alma sa kabila ng kanilang kabutihan, subalit “ibinuhos [nila] ang kanilang mga puso sa [Diyos].” Kahit batid ang kanilang mabubuting hangarin, naglaan ang Diyos ng panahon sa pagitan ng kanilang pagkabihag at ng kanilang paglaya. Sa patuloy nilang pag-asa sa Kanya, nangako Siyang “pagagaanin [Niya] ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod, maging habang kayo ay nasa pagkaalipin [pa rin].” Kapalit nito, sila ay “nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon” (Mosias 24:12, 14, 15).
Kalaunan ay napalaya ang dalawang grupo. At pinangakuan din tayo na kung babaling tayo sa Panginoon sa ating pagkaalipin, maaari tayong “tumayong mga saksi para sa [Kanya] magmula ngayon” at maaari nating “malaman nang may katiyakan na … ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw [nga] sa [Kanyang] mga tao sa kanilang mga paghihirap” (Mosias 24:14)—at sa kanilang mga adiksyon!
Maaliw Ka
Kung nahihirapan ka sa adiksyon, tandaan na sa tulong ng Panginoon, ang panahong ito ay maaaring maging magandang lupa para sa pagtatanim ng mga katangiang tulad ng kay Cristo. Habang tumitindi ang iyong pagpapakumbaba, matututo ka ng pagtitiyaga, pagkahabag, mahabang pagtitiis, at kaamuan.
Kausapin ang iyong mga lider ng priesthod at yaong mga makapagbibigay ng tulong, at gamitin ang maraming kasangkapang inilaan ng Ama sa Langit para tulungan kang makahanap ng kalayaan. Umasa sa Panginoon; kapag masigasig mo Siyang sinunod, ang hamong ito na nakapanghihina ng loob at nakasusuya ay magagawa Niyang isang makapangyarihang pagkakataon para sa espirituwal na pagpapadalisay.4
Sinabi ng isang Australyanong Banal sa Huling Araw noong sinaunang panahon, habang ikinukumpara ang kanyang nakaraan sa kanyang kasalukuyan: “Ang aking nakaraan [ay] isang ilang ng mga ligaw na damo, na halos wala ni isang bulaklak na Nakabudbod dito. [Ngunit] ngayon ay naglaho na ang mga ligaw na damo, at ang mga bulaklak ay Sumisibol nang mabilis sa puwesto ng mga ito.”5
Habang patuloy tayong nagtatanggal ng mga ligaw na damo sa ating hardin at bumabaling sa Panginoon sa ating mga pagsubok, matatanggap natin ang pangakong ibinigay sa mga tao ni Alma: “Maaliw kayo, sapagkat bukas ay palalayain ko kayo mula sa pagkaalipin” (Mosias 24:16).
Patuloy na magtanggal ng mga ligaw na damo—magiging sulit ang ani nito!