Mga Meetinghouse—Mga Lugar ng Pagpipitagan at Pagsamba
Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa ating mga meetinghouse at hihikayatin tayo nito kapag kumilos tayo nang may pagpipitagan sa Kanyang harapan.
Minsan ay mayroon akong isang tapat na kasamahan na nagbahagi sa akin ng kanyang karanasan nang gampanan niya ang isang tungkulin na itabi ang mga upuan at ayusin ang stake center kasunod ng isang stake conference. Pagkaraan ng 30 minutong pagsasagawa ng mga tungkuling ito, napagtanto niya na siya na lang ang natira sa gusali. Gayunman, sa halip na maramdamang nag-iisa siya at magmadaling umalis, napansin niya na ang matamis na kapayapaang naramdaman niya sa kumperensya ay nanatili sa kanya at nag-iibayo pa.
Nang matapos niya ang tungkulin at lumabas siya sa meetinghouse, nakita niya ang isa pang miyembro na tila pinagmamasdan siyang mabuti. Napagtatanto ang ginawa ng aking kaibigan, hinawakan ng miyembrong ito ang kanyang kamay at sabi nito, “Brother, nakikita ng Panginoon ang maliliit na bagay na ginagawa mo para sa Kanya, at Siya ay nakamasid at nakangiti sa mga ito.”
Pagkaraan ng ilang taon habang naglilingkod bilang isang bishop, muling naiwan nang mag-isa ang aking kaibigan na ito sa kanyang ward meetinghouse. Matapos patayin ang mga ilaw sa chapel, namalagi siya nang sandali habang pumapasok ang liwanag ng buwan sa mga bintana patungo sa pulpito.
Muli niyang naramdaman ang pamilyar na kapayapaan, at siya ay umupo malapit sa harapan ng chapel at nagnilay-nilay tungkol sa napakaraming sagradong sandaling naranasan niya sa lugar na iyon—ang maraming beses na namasdan niyang pinipira-piraso ng mga priest ang tinapay sa mesa ng sakramento, ang mga pagkakataon na naramdaman niyang kasama niya ang Banal na Espiritu habang nagbibigay siya ng mensahe sa isang ward conference, ang mga serbisyo sa binyag na pinamahalaan niya, ang magagandang pag-awit ng koro na narinig niya, at ang maraming patotoo mula sa mga miyembro ng ward na lubos na nakaantig sa kanya. Habang mag-isang nakaupo sa madilim na chapel, napuspos siya ng sama-samang epekto ng mga karanasang ito sa kanyang buhay at sa mga buhay ng mga miyembro ng kanyang ward, at yumuko siya sa matinding pasasalamat.
Naturuan nang matalino at tama ang aking kaibigan na ang mga pinakasagradong lugar sa mundo ay ang templo at ang tahanan, ngunit sa pamamagitan ng dalawang karanasang ikinuwento sa itaas, naunawaan din niya ang likas na kasagraduhan ng ating mga meetinghouse. Dahil inilaan ang mga ito sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood, ang mga pasilidad na ito ay nagiging mga lugar kung saan nagbubuhos ang Panginoon ng mga paghahayag sa kanyang mga tao at kung saan ang “kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” sa pamamagitan ng mga ordenansang ginaganap doon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:20).
Ang meetinghouse ay nakikiisa sa tahanan para maihatid ang ipinangakong kagalakan na maaaring maranasan ng matatapat na Banal sa araw ng Sabbath. Ito ay nagiging isang lugar kung saan ang mga puso ng mga miyembro ay nagiging “magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:21) at sa Tagapagligtas dahil sa sama-sama nilang pagsamba. Para makapagbigay tayo ng nararapat na pasasalamat at paggalang para sa pagbuhos ng mga espirituwal na pagpapalang dumarating sa atin sa pamamagitan ng ating mga meetinghouse, dapat pumasok tayo sa mga lugar na ito ng pagsamba nang may taos at taimtim na pagpipitagan.
Ang Kahulugan ng Pagpipitagan
Sa ating makabagong kultura sa Simbahan, ang salitang pagpipitagan ay nabago na at naging kasingkahulugan ng salitang tahimik. Bagama’t talagang angkop sa ating mga chapel ang mahinang pagsasalita, hindi kumakatawan sa buong kahulugan ng salita ang limitadong pagkaunawa na ito sa pagpipitagan. Ang reverence o pagpipitagan ay hango sa pandiwang Latin na revereri, na ang ibig sabihin ay “paghanga.”1 Maaari kaya tayong makahanap ng isang kataga na mas malinaw na makapaglalarawan sa mga nararamdaman ng ating kaluluwa kapag tunay nating pinagninilayan kung ano ang ginawa ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin?
Naaalala ko ang mga titik ng magandang himnong inaawit natin habang nasa chapel tayo: “Ako ay namangha sa pag-ibig ni Jesus.”2 Ang malalim na pasasalamat, papuri, at pagkamanghang iyon ang diwa ng pagpipitagan, at hinihimok tayo nitong umiwas sa anumang uri ng pananalita o gawi na maaaring magpahina sa mga damdaming iyon sa kalooban natin o ng iba.
Mga Meetinghouse at ang Araw ng Sabbath
Mula sa makabagong paghahayag, alam natin na bilang bahagi ng ating pagsamba sa araw ng Sabbath mahalagang “magtungo sa [panalanginan] at ihandog ang [ating] sakramento sa … banal na araw [ng Panginoon]” (Doktrina at mga Tipan 59:9). Ang “[mga panalanginan]” kung saan tayo nagtitipon sa araw ng Sabbath ay ang ating mga sagradong meetinghouse.
Tinulungan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na mas maunawaan ang malapit na kaugnayan sa pagitan ng ating pagpipitagan para sa Tagapagligtas at ng ating mga nararamdaman sa araw ng Sabbath. Habang ibinabahagi ang sarili niyang karanasan sa pagsisimba para maigalang ang araw ng Sabbath, isinalaysay ni Pangulong Nelson, “Natutuhan [ko] mula sa mga banal na kasulatan na ang aking kilos at pag-uugali sa Sabbath ay dapat na maging tanda sa pagitan ko at ng aking Ama.”3
Tulad ng ang ating kilos at pag-uugali sa araw ng Sabbath ay tanda ng ating katapatan sa Panginoon, ang ating kilos, ang ating pag-uugali, at maging ang ating pananamit habang nasa Kanyang panalanginan ay maaari ring magpahiwatig ng antas ng pagpipitagang nararamdaman natin para sa Tagapagligtas.
Mga Meetinghouse at mga Ordenansa
Napalalim ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ating pagkaunawa sa konseptong ito sa pamamagitan ng pagpapahayag na:
“Maliban pa sa paglalaan ng oras para magawang sentro ang tahanan sa pag-aaral ng ebanghelyo, ang ating binagong iskedyul sa araw ng Linggo ay … mas mabibigyang-diin ang sakramento ng Hapunan ng Panginoon bilang sagrado, namumukod-tangi, at sentro ng ating pagsamba tuwing Linggo. Dapat nating alalahanin sa personal na paraan hangga’t maaari na si Cristo ay namatay mula sa pusong binagbag dahil sa mag-isang pagpasan ng mga kasalanan at hinagpis at pagdurusa ng sangkatauhan.
“Dahil isa tayo sa nagdulot sa napakasidhing pasakit na iyon, ang gayong sandali’y nangangailangan ng ating paggalang.”4
Mahalagang tandaan na ang itinalagang lugar para sa sukdulang sandaling ito ng paggalang sa Tagapagligtas ay ang meetinghouse chapel. Bukod pa sa pagpipitagang nararamdaman natin sa lingguhang ordenansa ng sakramento, nadaragdagan ang ating pagpipitagan at paggalang kapag iniisip natin ang iba pang ordenansa ng priesthood at mga biyaya na isinasagawa sa meetinghouse, kabilang na ang pagpapangalan at pagbabasbas sa mga bata, mga binyag at pagpapatibay, mga ordinasyon sa priesthood, at mga pagtatalaga sa tungkulin. Bawat isa sa mga ordenansa at biyayang ito ay maaaring maghatid ng pagbuhos ng Banal na Espiritu kung ang mga taong nakikilahok at dumadalo ay dumarating nang may pagpipitagan.
Mga Meetinghouse at Pagsamba
Ang araw ng Sabbath ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong sambahin ang Panginoon sa ating pag-aaral sa tahanan at bilang isang kongregasyon sa oras ng ating sacrament meeting at iba pang pulong. Mula pa noong mga unang araw ng Simbahan, nasisiyahan na ang mga Banal sa pagsama-sama para makisalamuha at bumuo ng mga bigkis ng kapatiran. Dinisenyo pa nga ang ating mga meetinghouse na may mga espasyo para matugunan ang mga gayong aktibidad sa buong linggo. Gayunman, hindi natin dapat kalimutan na ang pangunahing layunin ng mga pasilidad na ito ay maglaan ng isang lugar para sa pagsamba.
Ang pagsamba at pagpipitagan ay talagang magkaugnay. “Kapag sinasamba natin ang Diyos, lumalapit tayo sa Kanya nang buong galang, pagmamahal, pagpapakumbaba, at paghanga. Kinikilala at tanggap natin Siya bilang ating hari, ang Lumikha ng sansinukob, ating pinakamamahal at mapagmahal na Ama.”5
Samakatuwid, dapat makaimpluwensya ang pangunahing layuning ito ng pagsamba sa ating kilos sa mga meetinghouse maging kapag nakikibahagi tayo sa mga aktibidad tungkol sa pakikisalamuha at paglilibang. Dapat tayong mag-ingat nang husto para maiwasan ang kaguluhan, kalat, o pinsala sa anumang bahagi ng pasilidad na dulot ng mga aktibidad ng Simbahan, at dapat linisin o ayusin natin ito kaagad kung sakaling magkagayon.
Maaaring ituro sa mga bata at kabataan na ang pagpipitagan at pangangalaga para sa meetinghouse ay hindi lang sa oras ng mga pulong sa araw Linggo nararapat. Ang pakikibahagi ng mga miyembro sa paglilinis ng meetinghouse—lalo na ang pinagsamang pakikibahagi ng mga magulang at mga anak—ay isang magandang paraan para magkaroon ng pagpipitagan para sa ating mga sagradong pasilidad. Tulad ng napatunayan ng karanasan ng aking kaibigan sa pag-aayos ng kanyang stake center pagkatapos ng stake conference, ang pangangalaga mismo sa meetinghouse ay isang paraan ng pagsamba at nag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon.
Mga Meetinghouse at ang Tagapagligtas
Sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Nelson bilang propeta, matitinding pagsisikap ang ginagawa para matiyak na ang pangalan ni Jesucristo ay maisasama kapag tinutukoy natin ang Kanyang Simbahan. Sa gayunding paraan, hindi natin dapat hayaang mapalitan ang Tagapagligtas bilang sentro ng ating pagsamba—pati na rin ng ating mga lugar ng pagsamba.
Sanay na tayong tukuyin ang templo bilang bahay ng Panginoon, na isang tumpak at mahalagang titulo. Gayunman, maaaring mas madali nating makalimutan na ang bawat isa sa ating mga meetinghouse ay inilaan sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood bilang isang lugar kung saan maaaring manahan ang Espiritu ng Panginoon at kung saan ang mga anak ng Diyos—kapwa ang mga tao sa loob at labas ng Simbahan—ay makararating “sa kaalaman ng kanilang Manunubos” (Mosias 18:30).
Ang ibinalitang inisyatibo kamakailan na gayakan ang ating mga meetinghouse ng gawang-sining na magalang na naglalarawan sa Tagapagligtas at sa mga banal na kaganapan sa Kanyang buhay sa lupa at sa kabilang buhay ay nilayon para ibaling ang ating mga mata, isipan, at puso palapit sa Kanya. Sa pagpasok mo sa mga panalanginang ito para sa mga pulong at aktibidad, magiliw ka naming inaanyayahang tumigil sandali, magmasid, at pagnilayan ang mga sagradong ipinintang larawan na ito, tingnan ang mga ito kasama ang iyong mga anak, at hayaang madagdagan ng mga ito ang iyong pagsamba at pagpipitagan sa Diyos.
Ipinahayag ng propeta sa Lumang Tipan na si Habacuc, “Ang Panginoo’y nasa kaniyang banal na templo: tumahimik ang buong lupa sa harap niya” (Habacuc 2:20). Nawa’y tandaan din natin na ang Espiritu ng Panginoon ay nasa ating mga meetinghouse at papasok sa puso ng bawat isa sa atin hanggang sa antas na kumilos tayo nang may pagpipitagan sa Kanyang harapan.