Binuo Niya Akong Muli
Nabalitaan ng aking kaibigan na maysakit ako kaya nagpadala siya ng isang homemade puzzle na ginawa niya para lang sa akin.
Noon pa man, ang tingin ko na sa aking sarili ay malusog. Kaya nagulat ako nang magising ako isang umaga na parang pinipiga nang husto ang aking dibdib at parang malapit na itong sumabog. Isinugod ako sa ospital, ngunit sa kabila ng maraming oras ng pagsusuri, hindi pa rin makita ng mga doktor ang problema. Pinauwi nila ako, kahit nahihirapan pa rin ako dahil sa napakatinding sakit. Sa gayon nagsimula ang pitong-buwan na pagpapasuri sa doktor, pagpapaospital, at ang pinakamatinding sakit na naramdaman ko sa aking buhay.
Nagsimula akong malumbay. Kinailangan kong tumigil sa pag-aaral sa kolehiyo at bumalik sa piling ng aking mga magulang. Hindi ako maaaring lumabas kasama ng aking mga kaibigan. Masyadong matindi ang sakit na nararamdaman ko para gawin ang alinman sa aking mga libangan. Pakiramdam ko, ang lahat ng mahalaga sa akin—ang aking mga mithiin sa buhay, relasyon, talento—ay gumuho, at ngayon, parang imposible nang mabuo akong muli. At nagsimula akong mapaisip: Bakit hinahayaan ng Ama sa Langit na mangyari ito sa akin? Hindi ba Niya ako mahal?
Pagkatapos ng isa na namang nakapanghihina ng loob at masakit na pagpapasuri sa doktor, ang nais ko lang ay yumupyop at umiyak. Ngunit pagdating ko sa bahay, may nakita akong kakaibang bagay sa balkonahe: isang luma at gula-gulanit na kahon ng sapatos para sa akin na nababalutan ng tape.
Nakasaad sa liham sa kahon na galing ito sa isa sa aking mga kaibigan. Nabalitaan niya na maysakit ako kaya nais niya akong pasayahin. Nang buksan ko ang kahon ng sapatos, nakita ko na puno ito ng pira-pirasong Styrofoam. Isa iyong homemade puzzle na ginawa niya para lang sa akin.
Habang binubuo ko ang puzzle, nagsimula akong umiyak. Pangalan ko ang lumabas sa puzzle, na napaliligiran ng magigiliw na mensahe ng pagmamahal at panghihikayat. Pakiramdam ko ay nabubuo na akong muli habang binubuo ko ang regalo ng aking kaibigan.
Hindi nagtagal kalaunan, nagsimula akong uminom ng isang gamot na nakabawas sa aking mga sintomas at nakatulong sa mga doktor na malaman kung ano ang aking sakit. Mayroon akong kakaiba ngunit maaaring magamot na sakit, at sa tulong ng tamang gamot, maaaring bumalik sa normal ang aking buhay.
Kahit gumaling ng aking katawan, alam ko na hinding-hindi ko malilimutan ang natutuhan ko. Dahil sa magiliw na regalo ng aking kaibigan, nalaman ko na may nagmamahal sa akin at na hindi ako nakalimutan ng Ama sa Langit. Pagkaraan ng maraming buwan na pakiramdam ko ay gumuho ang aking mundo, dahil sa kabaitan ng isang kaibigan at sa pagmamahal ng aking Ama sa Langit, nabuo akong muli.