Ang Huling Salita
Ang Ating Pag-asa,Liwanag, Lakas
Mula sa brodkast na Gabi Kasama ang Isang General Authority para sa mga tagapagturo ng relihiyon na idinaos noong Peb. 8, 2019.
Noong ako ay naordenan bilang Apostol, sinabi ng mahal na Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) na ako ay magiging isang natatanging saksi sa pangalan ni Jesucristo sa buong daigdig. Hindi ko binalewala ang tungkuling iyon. Pinag-aralan kong mabuti ang mga banal na kasulatan, tinutukoy ang Panginoon gamit ang Kanyang mga pangalan at titulo. Ang lahat ng ito na ibabahagi ko sa inyo ay mula sa mga talata sa banal na kasulatan na nagpapaalala sa atin ng pag-asa na nasa Kanya.
Siya ang Pag-asa ng Israel (Jeremias 17:13), Maningning na Tala sa Umaga (Apocalipsis 22:16), Mabuting Pastol (Doktrina at mga Tipan 50:44), Tagapayo (Isaias 9:6; 2 Nephi 19:6), Prinsipe ng Kapayapaan (Isaias 9:6; 2 Nephi 19:6), Tagapagligtas (Mga Taga Roma 11:26), Ilaw ng Sanglibutan (Juan 8:12), at Dakilang Saserdote ng mabubuting bagay na darating (Mga Hebreo 9:11). Siya ang may kapangyarihan na magligtas (Alma 34:18; Doktrina at mga Tipan 133:47) at ang Isa na nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan (Doktrina at mga Tipan 61:1).
Ang impluwensya ni Cristo ay sumasaklaw sa lahat. Siya ay nandyan kapag tayo ay nakikibaka at nagsisikap na sumulong. At kung tayo ay magkamali, ang Kanyang “ilaw na nagliliwanag sa kadiliman” (Doktrina at mga Tipan 6:21) ay mas magliliwanag pa. Minamahal Niya tayo sa pinakamaganda at pinakamasamang bahagi ng ating buhay.
Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay hindi panghuhula kung ano ang nais Niyang ipagawa sa atin. Ang Kanyang landas ay ipinakita mismo ng Kanyang mga ginawa. Sa pagsunod natin sa Kanya, napapamahal sa atin ang mga bagay na mahal Niya. Habang pinaninibago natin ang ating mga tipan sa Kanya bawat linggo sa pakikibahagi sa banal na sakramento, lumalago ang ating pag-unawa sa Kanya bilang Manunubos ng sanlibutan (Doktrina at mga Tipan 93:9), Espiritu ng Katotohanan (Doktrina at mga Tipan 93:9), at Salita (Doktrina at mga Tipan 93:8).
Mahal kong mga kaibigan, iyan ang Tagapagligtas na kilala ko, na mahal ko at iginagalang ko nang buong puso. Mula sa kaibuturan ng aking kaluluwa nagpapatotoo ako tungkol sa Kanya at sa Kanyang kabutihan at awa. Ipinangako Niya, “Kayo ay aking mga kaibigan, at kayo ay makatatanggap ng mana kasama ko” (Doktrina at mga Tipan 93:45).
Si Jesucristo palagi ang sagot sa mga problema at hamon na bahagi ng karanasan sa buhay na ito. Sa pag-unawa sa Kanyang misyon at sa Kanyang ebanghelyo, ang ating pagmamahal para sa Kanya at ang ating paniniwala at pag-asa sa Kanya ay nagbibigay sa atin ng lakas.