Kung Ikaw ay Biktima ng Pang-aabuso
Ano ang Pang-aabuso?
Ang pang-aabuso ay pagpapabaya o pagmamalupit sa iba (tulad ng isang bata, isang matanda, isang may kapansanan, o sinumang iba pa) sa isang paraan na nagdudulot ng pisikal, emosyonal, o seksuwal na pinsala. Ito ay salungat sa mga turo ng Tagapagligtas.
“Ang paninindigan ng Simbahan ay hindi nito mapahihintulutan ang anumang uri ng pang-aabuso” (General Handbook: Serving in The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints [2020], 38.6.2). Ang pang-aabuso ay labag sa mga batas ng Diyos at maaaring paglabag din sa mga batas ng lipunan.
Iba’t Ibang Uri ng Pang-aabuso
Pisikal na Pang-aabuso: Sadyang agresibo o marahas na gawi ng isang tao sa ibang tao na nagdudulot ng pinsala sa katawan.
Seksuwal na Pang-aabuso: Hindi ginustong seksuwal na aktibidad o kontak, kung saan ang mga salarin ay gumagamit ng pamumuwersa, pagbabanta, o pananamantala sa mga biktimang hindi makapagbibigay ng pahintulot. Ang lahat ng seksuwal na aktibidad sa pagitan ng isang adult at ng isang bata ay pang-aabuso may pahintulot man o wala.
Berbal o Emosyonal na Pang-aabuso: Isang nakasanayang gawi kung saan sadya at paulit-ulit na inaatake ng isang tao ang isa pang tao sa mga di-pisikal na paraan, tulad ng masakit na pananalita, pananakot, pagmamanipula, o pagpapahiya. Nagdudulot ito ng pagbaba ng pagpapahalaga sa sarili at dignidad. Bagama’t hindi ito pisikal, ang ganitong uri ng pang-aabuso ay nakapipinsala sa kalusugang pangkaisipan at emosyonal ng isang tao.
Paano Humingi ng Tulong
Inaasahan ng Panginoon na gagawin natin ang lahat para mapigilan ang pang-aabuso at maprotektahan at matulungan ang mga naging biktima ng pang-aabuso. Hindi inaasahan na tiisin ng sinuman ang mapang-abusong gawi. Ito man ay nangyayari ngayon o matagal nang nangyari, makahahanap ka ng mga resource na makatutulong sa iyo sa abuse.ChurchofJesusChrist.org.