2020
Ikapung Mamiso
Oktubre 2020


Ikapung Mamiso

Ang awtor ay naninirahan sa Chihuahua, México.

Tithing Pesos

Maagang gumising si Sofía. Napakaespesyal ng araw na ito. Magbebenta siya ng lemonada sa garage sale ng kanyang tita at tito! Gumawa si Mamá ng malaking galon ng lemonada para sa kanya.

Gumawa ng karatula si Sofía. Isinulat niya ang “Lemonada!” sa mga letrang kulay kahel at dilaw. Idinikit niya iyon sa isang maliit na mesa. Pagkatapos ay umupo siya para maghintay.

Hindi nagtagal, may dumaan na isang lalaki. “Puwede ba akong bumili ng isang baso?” sabi nito. Naglagay ito ng ilang mamiso sa kanyang garapon.

“Sige po!” sabi ni Sofía. Ipinaglagay niya ng lemonada sa isang baso ang lalaki.

Unti-unti, naglapitan ang mga tao para mag-usisa sa garage sale. At isa-isa silang bumili ng masarap na lemonada. Lumipas ang umaga na puno ng saya. Kalaunan, naubos na ang lahat ng lemonada.

Kinalog ni Sofía ang kanyang garapon. Kumalansing ang mamiso niyang pera. Napakarami nito!

“Magaling!” sabi ni Papá.

Noon lang nagkaroon ng ganoong karaming pera si Sofía. “Bibili po ako ng yoyo!”

Napangiti si Papá. “Alam mo ba kung ano ang ginagawa namin ni Mamá kapag kumikita kami ng pera?”

Umiling si Sofía.

“Nagbabayad kami ng ikapu,” sabi ni Papá. “Ang lahat ng bagay ay bigay ng Ama sa Langit. Ang hinihiling Niya lang ay ibalik natin sa Kanya ang maliit na bahagi nito. Nagbabayad tayo ng ikapu dahil mahal natin Siya.”

Napangiti si Sofía. Nais niyang ipakita na mahal din niya ang Ama sa Langit.

Tinulungan ni Papá si Sofía na bilangin ang kanyang mamisong pera. Sa tuwing nakakabilang siya ng 10, naglalagay siya ng piso sa isang sobre. Tinulungan siya ni Papá na isulat ang mga numero sa isang maliit na puting papel. Inilagay nila ang papel sa isang sobre kasama ng mamisong pera. Pagkatapos ay isinara nila ito nang mabuti. Ibibigay iyon ni Sofía sa bishop kinabukasan sa simbahan.

“Ano ang nararamdaman mo?” tanong ni Papá kay Sofia.

“Masayang-masaya po! At may pambili pa rin ako ng yoyo.” Naramdaman niya na masaya ang Ama sa Langit sa pinili niyang gawin.