2020
Tumayo sa Bato ng Paghahayag
Oktubre 2020


Tumayo saBato ng Paghahayag

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “Stand Forever,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Enero 22, 2019.

Sa pamamagitan ng pagsalig sa bato ng paghahayag, makahahanap tayo ng mga sagot sa pinakamahahalagang tanong.

man standing on mountain surrounded by people yelling

Mga paglalarawan ni Michal Dziekan

Bilang bahagi ng isang tungkulin na ibinigay sa akin bilang isang General Authority ilang taon na ang nakararaan, marami akong binasang materyal na kumakalaban sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kay Propetang Joseph Smith, sa Aklat ni Mormon, at sa mga kaganapan sa Panunumbalik. Mula nang mabigyan ako ng bagong tungkulin, hindi na ako muling bumalik upang magtampisaw sa maruming burak na iyon.

Ang pagbabasa ng gayong materyal ay palaging nagdudulot sa akin ng kalungkutan, at isang araw ay nabigyan ako ng inspirasyon ng kadilimang iyon na magsulat ng kaunting tugon sa lahat ng sinasabi ng mga kumakalabang iyon. Nais kong ibahagi ang ilan sa mga ideyang itinala ko noong araw na iyon, at bagama’t isinulat ko ito para sa sarili kong kapakinabangan, nawa’y makatulong din ito sa iyo.

Lalagi ba Tayo Magpakailanman?

Sinabi ng propetang si Daniel na sa mga huling araw “ay magtatatag ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman, o ang kapangyarihan man nito’y iiwan sa ibang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang iyon, at ito’y mananatili magpakailanman.” (Daniel 2:44).

Ang kaharian ng Diyos ay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ay “lalagi magpakailan man.” Ang tanong, Tayo ba ay lalagi o “[magsisialis] din naman?” (Juan 6:67). At kung magsisialis tayo, saan tayo pupunta?

wolf in sheeps clothing

Ang Panlilinlang ay Tanda ng Ating Panahon

Nang ilarawan ng Panginoon ang mga tanda ng Kanyang pagparito at ng katapusan ng mundo, marami Siyang binanggit na bagay, kabilang na ang mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan, mga bansang nagdidigmaan, mga taggutom, mga salot, mga lindol, at marami pang ibang tanda, pati na ang isang ito: “Sapagkat sa mga araw na yaon [sa panahong ito] ay may magsisilitaw ring mga bulaang Cristo, at bulaang propeta, at magpapakita ng mga dakilang palatandaan at kababalaghan, ano pa’t malilinlang nila kung maaari, pati ang mga nahirang, na mga hinirang alinsunod sa tipan” (Joseph Smith—Mateo 1:22; tingnan din sa Mateo 24:24).

Hindi ako sigurado sa lahat ng ipinahihiwatig ng kwalipikasyong “malilinlang nila kung maaari, pati ang mga nahirang,” ngunit sa palagay ko ay nangangahulugan ito, kahit paano, na makararanas ng mga hamon ang lahat ng tao sa ating panahon.

Maraming nanlilinlang, at maraming uri ng panlilinlang. May nakikilala tayong mga tao na tumutuligsa sa Panunumbalik, kay Propetang Joseph Smith, at sa Aklat ni Mormon. Kasunod nito, may nakikita tayong mga tao na naniniwala sa Panunumbalik ngunit nagwiwikang ang Simbahan ay kulang at naligaw ng landas. May ibang tao naman na naniniwala sa Panunumbalik ngunit hindi nasisiyahan sa doktrinang sumasalungat sa mga pabagu-bagong pag-uugali sa ating panahon. May ilang taong walang awtoridad na sinasabing nagkaroon sila ng mga pangitain, panaginip, at pagdalaw na itama ang Simbahan, gabayan tayo tungo sa mas mataas na landas, o ihanda ang Simbahan para sa katapusan ng mundo. May ibang tao naman na nalilinlang ng mga bulaang espiritu.

Bukod pa rito, nabubuhay tayo sa isang mundong puno ng mga gambala. Ngayon lang nagkaroon ng ganitong karaming tamang impormasyon, maling impormasyon, at mapanlinlang na impormasyon; produkto, kasangkapan, at laruan; at pagpipilian, lugar na mapupuntahan, at bagay na makikita at magagawa para maubos ang ating oras at malihis ang ating pansin sa kung ano ang pinakamahalaga. Ang lahat ng iyon at marami pang iba ay madaling naikakalat sa buong mundo sa pamamagitan ng electronic media. Ito ay panahon ng panlilinlang.

Mahalaga ang Kaalaman

Binibigyan tayo ng katotohanan ng kakayahang makakita nang malinaw dahil ito ang “kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa” (Doktrina at mga Tipan 93:24). Mahalaga ang kaalaman para makaiwas sa panlilinlang, matukoy ang kaibhan ng katotohanan sa kamalian, at makakita nang malinaw at makaiwas sa mga panganib ng ating panahon.

Sabi ni Propetang Joseph Smith: “Ang kaalaman ay kailangan sa buhay at kabanalan. … Ang kaalaman ay paghahayag. Dinggin … ang mahalagang susing ito: ang kaalaman ay kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.”1

Sinasabi ng mga tao, “Dapat maging tapat ka sa iyong mga paniniwala.” Bagama’t totoo iyon, hindi mo mahihigitan ang nalalaman mo. Karamihan sa atin ay kumikilos ayon sa ating mga paniniwala, lalo na sa pinaniniwalaan natin para sa ating kapakanan. Ang problema, mali tayo kung minsan.

Maaaring naniniwala ang ilang tao sa Diyos at na mali ang pornograpiya ngunit nanonood pa rin sila sa website na may pornograpiya, na may maling paniniwala na magiging mas masaya sila kung gagawin nila ito o na hindi nila kayang iwasang manood o na wala naman silang sinasaktan. Nagkakamali sila.

Maaaring naniniwala ang ibang tao na mali ang pagsisinungaling ngunit nagsisinungaling pa rin sila paminsan-minsan, na may maling paniniwala na mas makabubuti sa kanila kung walang makaaalam ng katotohanan. Nagkakamali sila.

Maaaring may taong naniniwala at nakaaalam na si Jesus ang Cristo ngunit itinatwa pa rin niya Siya nang hindi lang isang beses kundi tatlo dahil sa maling paniniwala na mas makabubuti sa kanya na payapain ang mga tao. Si Pedro ay hindi masama. Ni hindi nga ako sigurado kung siya ay mahina. Nagkamali lang siya. (Tingnan sa Mateo 26:34, 69–75.)

Kapag may nagagawa tayong mali, maaari nating isipin na masama tayo, ngunit ang totoo ay nagkakamali lang tayo. Ang hamon ay hindi gaanong tungkol sa pag-alis ng agwat sa pagitan ng ating mga kilos at ng ating mga paniniwala; bagkus, ang hamon ay tungkol sa pag-alis ng agwat sa pagitan ng ating mga paniniwala at ng katotohanan.

Paano natin maaalis ang agwat na iyon? Paano tayo makaiiwas sa panlilinlang?

man walking up steps

Mga Pangunahing Tanong at Di-gaanong Mahahalagang Tanong

May mga pangunahing tanong at may di-gaanong mahahalagang tanong. Magsimula sa pamamagitan ng pagsagot muna sa mga pangunahing tanong. Ang mga pangunahing tanong ang pinakamahalaga. Iilan lang naman ang mga pangunahing tanong. Magbabanggit ako ng apat:

  1. Mayroon bang isang Diyos na ating Ama?

  2. Si Jesucristo ba ang Anak ng Diyos na Tagapagligtas ng sanlibutan?

  3. Si Joseph Smith ba ay isang propeta?

  4. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ba ang kaharian ng Diyos sa lupa?

Sa kabilang dako, ang di-gaanong mahahalagang tanong ay walang-katapusan. Kabilang dito ang mga tanong tungkol sa kasaysayan ng Simbahan, pag-aasawa nang higit sa isa, mga taong may lahing Aprikano at priesthood, mga kababaihan at priesthood, pagsasalin ng Aklat ni Mormon, Mahalagang Perlas, DNA at Aklat ni Mormon, pag-aasawa ng parehong kasarian, iba’t ibang salaysay tungkol sa Unang Pangitain, at kung anu-ano pa.

Kung sasagutin mo ang mga pangunahing tanong, masasagot din ang di-gaanong mahahalagang tanong, o hindi kaya’y mawawalan na ng kabuluhan ang mga ito. Sagutin ang mga pangunahing tanong, at makakayanan mong harapin ang mga bagay na nauunawaan mo at ang mga bagay na malabo pa sa iyo at ang mga bagay na sinasang-ayunan mo at ang mga bagay na tinututulan mo nang hindi tumatalikod sa Simbahan.

Ang Banal na Pamamaraan ng Pag-aaral

May iba’t ibang pamamaraan ng pag-aaral, kabilang na ang mga siyentipiko, analitiko, akademiko, at banal na pamamaraan. Lahat ng apat na pamamaraang ito ay kailangan para malaman ang katotohanan. Lahat ng mga ito ay nagsisimula sa iisang paraan: pagtatanong. Mahalaga ang mga tanong, lalo na ang mga pangunahing tanong.

Isinasama ng banal na pamamaraan ng pag-aaral ang mga elemento ng iba pang mga pamamaraan ngunit sa huli ay nangingibabaw sa lahat ang paggamit sa mga kapangyarihan ng langit. Sa huli, ang mga bagay ng Diyos ay ipinaaalam ng Espiritu ng Diyos, na karaniwan ay isang marahan at banayad na tinig. Sabi ng Panginoon, “Ang Diyos ay magbibigay sa iyo ng kaalaman sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu, oo, sa pamamagitan ng hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo” (Doktrina at mga Tipan 121:26).

Itinuro ni Apostol Pablo na hindi natin malalaman ang mga bagay ng Diyos maliban sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos (tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:9–11; tingnan din sa Joseph Smith Translation, 1 Corinthians 2:11). Sabi niya, “Ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya.” Nakikita natin iyon araw-araw. Sabi pa ni Pablo, “Hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu” (I Mga Taga Corinto 2:14).

Sa lahat ng problemang nararanasan mo sa buhay, may isang nangingibabaw at siyang pinakamahirap unawain. Ang pinakamalala sa lahat ng kalagayan ng tao ay hindi kahirapan, sakit, kalungkutan, pang-aabuso, o digmaan—kakila-kilabot man ang mga iyon. Ang pinakamalala sa lahat ng kalagayan ng tao ay ang siyang pinakakaraniwan: ito ay ang espirituwal na kamatayan. Ito ay ang mahiwalay mula sa presensya ng Diyos, at sa buhay na ito, ang Kanyang presensya ay ang Kanyang Espiritu o kapangyarihan.

Sa kabilang dako, ang pinakamainam sa lahat ng kalagayan ng tao ay hindi kayamanan, katanyagan, karangalan, mabuting kalusugan, papuri ng mga tao, seguridad, o matataas na marka. Ang pinakamainam sa lahat ng kalagayan ng tao ay ang mapagkalooban ng kapangyarihan ng langit. Ito ay ang maisilang na muli, magkaroon ng kaloob at patnubay ng Espiritu Santo, na siyang pinagmumulan ng kaalaman, paghahayag, lakas, kalinawan, pagmamahal, kagalakan, kapayapaan, pag-asa, tiwala, pananampalataya, at halos lahat ng iba pang mabuting bagay.

Sabi ni Jesus: “Ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, … ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay” (Juan 14:26). Sa pamamagitan ng kapangyarihang iyon, “malalaman [natin] ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5). “Iyon ang magbibigay-alam sa [atin] ng lahat ng bagay na nararapat [nating] gawin” (2 Nephi 32:5). Iyon ang bukal ng “tubig na buhay” na dumadaloy tungo sa buhay na walang hanggan (Juan 7:38; tingnan din sa talata 37).

Gawin ang anumang bagay na kailangan mong gawin, tiisin ang anumang bagay na kailangan mong tiisin, at isakripisyo ang anumang bagay na kailangan mong isakripisyo para makuha at mapanatili ang diwa at kapangyarihan ng Espiritu Santo sa iyong buhay. Ang bawat mabuting bagay ay nakasalalay sa pagkakaroon at pagpapanatili ng kapangyarihan ng Espiritu Santo sa iyong buhay.

man surrounded by question marks

“Yaong Hindi Nakapagpapatibay”

Ngayon, ano ang kalungkutang naramdaman ko ilang taon na ang nakararaan habang nagbabasa ako ng mga materyal na kumakalaban sa Simbahan? Maaaring sabihin ng ilang tao na ang kalungkutang iyon ay bunga ng paniniwalang may pagkiling, na tumutukoy sa inklinasyong piliin lang ang mga bagay na naaayon sa ating mga palagay at paniniwala. Ang ideya na maaaring mali ang lahat ng pinaniniwalaan ng isang tao at ang lahat ng naituro sa kanya, lalo na kung wala nang ibang makapapalit dito, ay talagang nakalulungkot at nakababagabag.

Ngunit iba ang kalungkutang naranasan ko habang binabasa ko ang mga maling paratang laban kay Propetang Joseph Smith at sa Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo. Ang kalungkutang iyon ay hindi paniniwalang may pagkiling, at hindi iyon takot na maging mali. Iyon ay ang pagkawala ng Espiritu ng Diyos. Iyon ay ang kalagayan ng tao kapag “naiwan sa kanyang sarili” (Doktrina at mga Tipan 121:38). Iyon ay ang kalungkutan ng kadiliman at ang “pagkatuliro ng pag-iisip” (Doktrina at mga Tipan 9:9; tingnan din sa talata 8).

Sabi ng Panginoon:

“At yaong hindi nakapagpapatibay ay hindi sa Diyos, at ito ay kadiliman.

“Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (Doktrina at mga Tipan 50:23–24).

Nadaraig ng paghahayag mula sa Espiritu ng Diyos ang paniniwalang may pagkiling dahil hindi ito nakasalig lang sa katibayan. Ginugol ko ang ang aking buong buhay sa paghahangad na mapakinggan ang salita ng Panginoon at pag-aaral kung paano kilalanin at sundin ang Espiritu ng Diyos. Ang espiritung may kaugnayan sa masasamang tinig na bumabatikos kay Propetang Joseph Smith, sa Aklat ni Mormon, at sa Panunumbalik ay hindi ang espiritu ng kaliwanagan, katalinuhan, at katotohanan. Wala akong gaanong alam, ngunit alam ko ang tinig ng Panginoon, at ang Kanyang tinig ay wala sa tinig ng mga bumabatikos.

Ang espiritu ng kaliwanagan, katalinuhan, kapayapaan, at katotohanan na kaakibat ng mga kaganapan at ng maluwalhating doktrina ng Panunumbalik, lalo na ng mga banal na kasulatang inihayag sa mundo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ay kabaligtaran ng kalungkutan at nakasusuyang pagkatuliro ng pag-iisip na namamayani sa paghugos ng pag-aalinlangan. Basahin lang ang mga ito at itanong sa iyong sarili at sa Diyos kung ang mga ito ay mga salita ng kasinungalingan, panlilinlang, at kahibangan o kung ang mga ito ang katotohanan.

Hindi Mo Malalaman ang Katotohanan sa Pamamagitan ng Pag-aalis

Ang ilang tao na natatakot na maaaring hindi totoo ang Simbahan ay naggugol ng kanilang oras at pansin sa pagsisikap na masagot ang di-gaanong mahahalagang tanong. Nagkakamali sila sa pagsisikap na malaman ang katotohanan sa pamamagitan ng proseso ng pag-aalis, sa pagtatangkang alisin ang bawat pagdududa. Kailanman ay hindi iyon magandang ideya. Hinding-hindi iyon gagana.

Walang-katapusan ang mga paratang at opinyon laban sa katotohanan. Sa tuwing makahahanap ka ng sagot sa isang paratang, palaging may bagong hahamon sa iyo. Hindi ko sinasabing dapat balewalain mo na lang iyon, ang sinasabi ko ay maaaring igugol mo ang iyong buong buhay sa paghahanap ng sagot sa bawat paratang laban sa Simbahan nang hindi pa rin nalalaman ang pinakamahahalagang katotohanan.

Ang mga sagot sa mga pangunahing tanong ay hindi dumarating sa pamamagitan ng pagsagot sa di-gaanong mahahalagang tanong. May mga sagot sa di-gaanong mahahalagang tanong, ngunit hindi mo mapapatunayan ang positibo sa pamamagitan ng pagpapatunay na mali ang bawat negatibo. Hindi mo mapapatunayan na totoo ang Simbahan sa pamamagitan ng pagpapatunay na mali ang bawat paratang laban dito. Mali ang estratehiyang iyon. Sa huli, dapat may malinaw na patunay, at sa mga bagay ng Diyos, tiyak na darating kalaunan ang malinaw na patunay sa pamamagitan ng paghahayag gamit ang diwa at kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Itinanong ni Jesus sa Kanyang mga disipulo:

“Ano ang sabi ninyo kung sino ako?

“At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.

“At sumagot si Jesus at sa kaniya’y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka’t hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit.

“… Ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya” (Mateo 16:15–18; tingnan din sa mga talata 13–14).

Ang Simbahan ni Jesucristo ay nakasalig sa bato ng paghahayag, at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban dito. Ikaw at ako ang Simbahan. Dapat nakasalig tayo sa bato ng paghahayag, at bagama’t maaaring hindi natin alam ang sagot sa bawat tanong, dapat alam natin ang mga sagot sa mga pangunahing tanong. Kung gagawin natin ito, ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa atin at lalagi tayo magpakailanman.

man holding up candle

Tumayo sa Bato ng Paghahayag

Mayroong isang Diyos sa langit na ating Amang Walang Hanggan. Si Jesucristo ang Anak ng Diyos na Manunubos ng sanlibutan. Si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos na naglatag ng pundasyon para sa Panunumbalik ng kaharian ng Diyos. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos sa lupa. Nalaman ko ito sa pamamagitan ng aking karanasan—lahat ng ito. Nalaman ko ito sa pamamagitan ng katibayan, at ang katibayan ay napakatindi. Nalaman ko ito sa pamamagitan ng pag-aaral. At, ang pinakatiyak, nalaman ko ito sa pamamagitan ng diwa at kapangyarihan ng Espiritu Santo.

At dahil dito, nalaman ko ang lahat ng kailangan kong malaman para lumagi magpakailanman. Nawa’y tumayo tayo sa bato ng paghahayag, lalo na pagdating sa mga pangunahing tanong. Kung gagawin natin ito, lalagi tayo magpakailanman at hindi tayo magsisialis.

Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 309.