2022
Ang Paglikha
Enero 2022


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Ang Paglikha

Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5

earth with sun and moon

Ang mundo ay nilikha ni Jesucristo sa ilalim ng pamamahala ng Ama sa Langit upang magkaroon tayo ng lugar para mabuhay, matuto, at magamit ang ating kalayaang pumili para gumawa ng mabubuting pasiya (tingnan sa Abraham 3:24–26).

Itinuro ni Joseph Smith na ang salitang “lumikha … [ay] hindi ibig sabihin [na] lumikha mula sa wala; ang ibig sabihin nito ay mag-organisa; tulad ng kung paanong mag-oorganisa ng mga kagamitan ang isang tao at gagawa ng isang barko.”1 Ang salitang Hebreo para sa “lumikha” ay nangangahulugang humubog, gumawa, mag-organisa, at bumuo (tingnan sa Genesis 1:1; Abraham 3:24).

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang pisikal na Paglikha mismo ay ipinlano sa pamamagitan ng maayos na pagkakasunud-sunod ng panahon,” hindi ng mga araw sa kalendaryo. Tawagin mang araw, oras, o panahon, ang bawat yugto [ng Paglikha] ay panahon sa pagitan ng dalawang matutukoy na pangyayari—isang pagkakahati ng kawalang-hanggan”2

Unang Araw:Liwanag at Kadiliman

“Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag,” at Kanyang “ibinukod ang liwanag sa kadiliman,” na lumikha ng araw at gabi (tingnan sa Genesis 1:3–5).

Ikalawang Araw: Tubig at Kalawakan

Ibinukod ng Diyos ang tubig at kalawakan. “Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig. … Tinawag ng Diyos ang kalawakan na Langit.” (Tingnan sa Genesis 1:6–8.)

Ikatlong Araw: Mga Dagat at Lupa

“Tinawag ng Diyos ang tuyong lupa na Lupa at ang tubig … ay tinawag niyang mga Dagat” (Genesis 1:10). Pagkatapos ang mundo ay handa na para sa mga halaman (tingnan sa Genesis 1:11–12).

Ikaapat na Araw: Araw at mga Panahon

Nilikha ng Diyos ang araw, buwan, at mga bituin “upang ihiwalay ang araw sa gabi” at “maging palatandaan para sa mga panahon, sa mga araw, at sa mga taon” (tingnan sa Genesis 1:14–16).

Ikalimang Araw: Mga Nilalang na May Buhay

Nilikha ng Diyos “ang bawat nilalang na may buhay” (Genesis 1:21). Ang mga nilalang na ito ay inutusang magpakarami at punuin ang lupa at ang dagat (tingnan sa Genesis 1:22).

Ikaanim na Araw: Adan at Eva

Ang paglikha ng Diyos sa nilalang na may buhay ay nagpatuloy sa paglikha ng “mga hayop,” at ng “mga gumagapang na kinapal” (Abraham 4:24–25). Pagkatapos ay nilikha Niya sina Adan at Eva “sa larawan ng kanyang sariling katawan” (Moises 6:9) at iniutos sa kanila na “magkaroon ng mga anak at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at … magkaroon kayo ng pamamahala … sa bawat bagay na may buhay” (Genesis 1:28).

Ikapitong Araw: Araw ng Pahinga

Pagkatapos ng Kanyang gawain, ang Diyos ay nagpahinga sa ikapitong araw. “At binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw at kanyang ginawang banal, sapagkat sa araw na iyon ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng gawain na kanyang ginawa” (Genesis 2:3).

Iniutos kalaunan ng Diyos na dapat din nating “alalahanin … ang araw ng Sabbath, upang ingatan itong banal” (Exodo 20:8).

Magagawa nating banal ang araw ng Sabbath sa pamamagitan ng pagsisimba, pagtanggap ng sakramento, at pag-alaala sa Tagapagligtas. Itinuro ng Panginoon, “Sapagkat katotohanang ito ay araw na itinakda sa inyo upang magpahinga mula sa inyong mga gawain, at iukol ang inyong mga pananalangin sa Kataas-taasan” (Doktrina at mga Tipan 59:10).

Sa araw ng Sabbath, “ang ating mga iniisip, kilos, at ugali ay [mga] tanda na ibinibigay natin sa Diyos para maipakita ang ating pagmamahal sa Kanya.”3

Mga Tala

  1. Joseph Smith, mensaheng ibinigay noong Abr. 7, 1844, sa History, 1838–1856, volume E-1 [1 Hulyo 1843–30 Abril 1844], pahina 1973, josephsmithpapers.org.

  2. Russell M. Nelson, “The Creation,” Liahona, Hulyo 2000, 103.

  3. David A. Bednar, “Napakadakila at Mahahalagang Pangako,” Liahona, Nob. 2017, 92; tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 130.