Para sa mga Magulang
Ang Plano ng Diyos ay para sa Inyo
Minamahal na mga Magulang,
Habang pinag-aaralan natin ang mga larawan, simbolo, at turo ng Lumang Tipan, mas mauunawaan natin ang plano ng ating Ama sa Langit para sa atin at ang papel na ginagampanan ni Jesucristo sa planong iyon.
Ang mga artikulo sa isyu sa buwang ito ay makapagbibigay sa inyo ng mga ideya sa pagtuturo sa mga bata mula sa Lumang Tipan at tungkol sa plano ng Diyos para sa atin.
Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo
May Banal na Plano ang Ama sa Langit para sa Kanyang mga Anak
Bakit mahalagang maunawaan ang plano ng kaligtasan ng Diyos? Gamitin ang “Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo” sa pahina 10 para ituro sa inyong mga anak ang kahalagahan ng Pagkahulog nina Adan at Eva. Maaari kayong magkakasamang gumawa ng listahan ng mga pagpapala at oportunidad natin sa buhay na ito dahil pumarito tayo sa lupa.
Matapos basahin ang artikulo ni Elder Quentin L. Cook sa pahina 6, talakayin bilang pamilya ang mga pagpapalang dumating sa inyong buhay dahil alam ninyo na may plano ang Diyos na iligtas ang Kanyang mga anak.
Pagtuturo sa mga Bata mula sa mga Banal na Kasulatan
Tingnan ang pahina 38 para sa mga ideya tungkol sa pagtulong sa mga bata na maging interesado sa mga banal na kasulatan. Pag-ibayuhin ang inyong pag-aaral ng Lumang Tipan sa pamamagitan ng pagbasa ng mga artikulo sa pahina 12 at 42. Ano ang natutuhan ninyo na tumutulong sa inyo na maunawaan ang Lumang Tipan? Mapanalanging talakayin sa inyong pamilya kung anong mga mithiin ang mayroon kayo para sa inyong pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ngayong taon.
Mga Kabatiran sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Tingnan sa pahina 46 ang nakalarawang paliwanag tungkol sa Paglikha at iba pang materyal upang masuportahan ang inyong lingguhang pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.
Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Katiwala sa Mundo
Ipinaliwanag sa Moises 2:28 na ang sangkatauhan ay binigyan ng kapangyarihan sa lahat ng bagay na may buhay. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kailangang alagaan natin ang mundo, maging matatalinong katiwala nito, at ingatan ito para sa mga darating na salinlahi” (“Ang Paglikha,” Liahona, Hulyo 2000, 104).
-
Maglakad-lakad sa paligid ng lugar na tinitirhan mo o tingnan ang mga larawan at video ng magagandang tanawin.
-
Ituro ang iba’t ibang bahagi ng lugar na napapansin mo. Ito ay maaaring mga halaman, hayop, o mga anyong-lupa.
-
Pansinin ang bawat bagay na may buhay at talakayin ang mga partikular na paraan na mapapangalagaan natin ang mga ito at ang nakapaligid sa mga ito.
Talakayan: Sa paanong paraan tayo inaalagaan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo? Paano natin matutularan ang Kanilang mga halimbawa habang inaalagaan natin ang mga buhay na bagay sa ating paligid? Sa paanong paraan maipapakita sa ating mga kilos ang ating pasasalamat sa mga likha ng Diyos?
Mga Charade ukol sa Paglikha
Itinuro ni Pangulong Russel M. Nelson: “Bagama’t dakila na nga ito, ang planetang Daigdig ay bahagi ng higit pang dakilang bagay—ang dakilang plano ng Diyos. Sa simpleng pagkakabuod, ang daigdig ay nilikha upang magkaroon ng mga mag-anak” (“Ang Paglikha,” Liahona, Hulyo 2000, 104).
-
Pag-aralan ang mga araw ng Paglikha kasama ang iyong pamilya (matatagpuan sa Genesis 1–2; Moises 2–3; o Abraham 4–5). Tingnan “Ang Paglikha” sa isyung ito para sa buod.
-
Bawat isa ay maaaring magsalitan sa pagsasadula ng isang araw o bahagi ng Paglikha.
-
Huhulaan ng iba pang mga miyembro ng pamilya ang araw o ang bahagi ng Paglikha na napili.
Talakayan: Sundan ito ng pagbasa ng Abraham 3:22–27 nang magkakasama. Paano nakakaapekto sa ating pang-araw-araw na buhay ang pagkaalam sa layunin ng Diyos sa paglikha ng mundo? Paano natin maipakikita ang ating pasasalamat sa mga likha ng Diyos?