Pagtanda nang May Katapatan
Panatag sa Pagreretiro
Gamit ang tamang pagpaplano, ang pagreretiro ay maaaring maging panahon ng kagalakan, katuparan, at paglilingkod.
Ang makalaya mula sa mga hirap ng araw-araw na trabaho kapag nagretiro ka na ay makapagbibigay ng kalayaan, ng panahon para makapaglibang at makasama ang pamilya, at ng pagkakataong maglaan ng mas maraming oras sa iyong family history, gawain sa templo, at iba pang mga proyektong gusto mo. Ngunit kung palagi kang nag-aalala tungkol sa pananalapi, nag-aalala na patuloy kang magiging abala, o kaya naman ay hindi lubos na handa, ang pagreretiro ay maaaring maging panahon ng stress at pagkabalisa.
Handa ka man o pakiramdam mo ay magreretiro ka na pero hindi ka pa handa, ang pag-alam sa mga karanasan ng iba sa pagreretiro ay maaaring makatulong sa iyo na panatag na makapagretiro.
Kumusta ang Iyong Pananalapi?
Si Julie (binago ang pangalan) ay naging matalino. Nagtakda siya ng plano sa pananalapi noong siya ay nasa 30s pa lamang at sinunod niya ito. “Kung kakausapin mo ang iyong mga anak o apo tungkol sa pananalapi, ipaalala sa kanila na kailangan nilang simulan ang pagtatabi ng pera habang bata pa sila,” sabi niya. “Sa paraang iyan makakaipon sila ng pera sa paglipas ng panahon at tutubo ang pera nila.”
Ngunit ang una sa mga tuntunin ni Julie ay “Lagi kong unang binabayaran ang aking ikapu.” Sa paglipas ng mga taon, sinabi niya, “binuksan ng Panginoon ang mga bintana ng langit sa akin at ibinuhos ang mga pagpapala nang higit pa sa kaya kong bilangin” (tingnan sa Malakias 3:10). Binanggit niya ang sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang inyong pamumuhunan sa ikapu ay patuloy na magbibigay ng saganang pagpapala—sa buhay na ito at sa kabilang-buhay.”1
Si Julie, na nakatira sa California, USA, ay kumuha ng health insurance para makatulong sa pagbabayad para sa gastusin sa pagpapagamot ng kanyang asawa at nag-ipon ng pera para sa mga gastusin sa libing. Matapos pumanaw ang kanyang asawa, patuloy siyang nagtrabaho hanggang sa magkaroon na siya ng sapat para sa kanyang mga pangangailangan. Ngayong magreretiro na siya, pag-aari na niya ang kanyang bahay at nakaipon ng kaunting pera na itinabi niya para sa misyon. Inaasam niyang mabisita ang bawat isa sa kanyang mga anak at dalhin ang mga apo sa teatro at mga museo. “Hindi ako mayaman,” sabi niya, “pero may sapat akong pera para makagawa ng magagandang alaala kasama ang aking pamilya.”
Maaari Ka Bang Mamuhay ayon sa Iyong Kinikita?
Kahit hindi ka pa nakapagplano nang maaga gaya ng gusto mo, maaari ka pa ring gumawa ng mga plano. Gayunman, ang mga planong iyon ay maaaring mangailangan ng pagbabago sa uri ng pamumuhay.
Maraming nagretiro ang nag-adjust nang matanto nila na wala na silang kita gaya noon. Si Rene, halimbawa, ay nakatira sa isang magandang apartment sa Michigan, USA. Pero nang magretiro siya, ang kanyang Social Security at pensiyon ay hindi sapat para matugunan ang kanyang mga gastusin. Naging problema ang pera kaya iminungkahi ng kanyang mga anak na maghanap siya ng murang halaga ng pabahay.
Nakakita siya ng isang retirement residence at lumipat dito. “Wala na akong problema ngayon dahil may sapat akong pera para mabuhay,” sabi niya. “Gusto ko ang bago kong ward at mga kapitbahay, at ang apartment na ito ay perpekto para sa mga pagdiriwang ng pamilya.”
Gaano ang Makakaya Mong Pangasiwaan?
Sa loob ng maraming taon, sina Jerry at Linda ng Colorado, USA, ay nakatira sa isang malaking bahay na may malaking bakuran at may swimming pool. “Napakaraming oras bawat taon ang ginugol namin sa pagtatabas lang ng damuhan, pagkalaykay ng mga dahon, at paglilinis ng pool,” sabi ni Jerry. “Sa huli, nagpasiya kaming mag-ukol ng oras sa aming mga anak at mga apo at gusto naming magmisyon.”
“Lumipat kami sa mas maliit na bahay,” sabi ni Linda. “Mas kaunti ang lilinisin, at may basement apartment pa na maaari naming paupahan para magkaroon ng ekstrang kita.”
Sa Athens, Greece, lumipat si Ismena sa maliit na apartment na nakahiwalay sa malaking bahay matapos pumanaw ang kanyang asawa. Ibinigay niya ang malaking bahay sa kanyang anak na si Helena, at sa pamilya nito. “Mas makatutulong sa lumalaking pamilya ang mas malaking lugar,” sabi ni Ismena. “Hiniling ko sa nakababatang kapatid kong si Delphine na tumira kasama ko, at gustung-gusto naming alagaan ang mga apo namin habang nasa trabaho si Helena at ang kanyang asawa. Maraming gabi na naghahapunan at nag-aaral kami ng mga banal na kasulatan kasama ang lahat.”
Paano naman ang Kalakasan ng Katawan at Pangangalaga sa Kalusugan?
Si Sung, mula sa Seoul, South Korea, ay naniniwala na ang malusog na katawan ay nangangahulugan ng mahabang buhay. Sinabi rin ni Sung na nakakapag-isip siya nang mabuti kapag nag-eehersisyo siya nang regular. Siya at ang iba pang mga miyembro ng kanyang komunidad ay nag-organisa ng isang grupo na nag-eehersisyo na nagkikita araw-araw.
Maraming nagretiro ang may mga problema sa kalusugan at hindi makasunod sa ehersisyo ni Sung, pero halos lahat ay nakakapag-ehersisyo sa pamamagitan ng paglalakad, at pinipili ng marami ang mas masustansyang pagkain.
Si Frieda na nakatira sa Hamburg, Germany, ay nangangailangan ng espesyal na gamutan na hindi kaya ng kanyang pamilya. Kaya tumira siya sa isang pasilidad kung saan makatatanggap siya ng wastong panggagamot. Patuloy siyang nakikipag-ugnayan sa kanyang mga anak at nasisiyahang makisalamuha sa kanyang retirement community.
Ano ang Gagawin Mo sa Oras Mo?
Sa Lagos, Nigeria, nang magretiro ang titser na si Abasi, nakadama siya ng kalungkutan at naalala ang pagtuturo niya sa mga bata. Sabik na makahanap ng isang bagay na gagawin, sa tulong ng kanyang komunidad ay nagbukas siya ng pribadong paaralan. Gustung-gusto niyang magturong muli sa mga bata.
Si David ng Utah, USA, ay may ilang problema sa kalusugan kaya napilitan siyang magretiro sa edad na 72. Habang nagpapagaling siya, ang kanyang asawang si Sheila, ay patuloy na naglingkod bilang pangulo ng Relief Society ng ward. Nang ma-release siya, kinausap nila ang kanilang bishop tungkol sa iba pang mga pagkakataong maglingkod, at iminungkahi ng bishop na magagamit ni David ang kanyang karanasan bilang human resources administrator at maaaring gamitin ni Shiela ang propesyunal na karanasan niya bilang employment counselor sa paglilingkod sa employment center ng Simbahan.
Hindi nagtagal ay tinawag sila sa isang service mission. “Gusto namin ito,” sabi ni David. “Pareho naming nagagawa ang mga bagay na alam naming gawin, at makapaglilingkod kami ayon sa plano namin.”
Maraming nagretiro ang nasisiyahan bilang mga service missionary, senior missionary, o volunteer na naglilingkod sa komunidad. Malamang na mayroon kang partikular na mga kasanayan na maaaring magpala sa iba at makatulong sa iyo na makapag-ambag sa makabuluhang mga paraan. Hindi mo na kailangang maghintay hanggang sa magretiro ka. Makapagsisimula ka na ngayon sa pamamagitan ng pag-alam sa mga gawaing pangserbisyo na mayroon sa lugar kung saan ka nakatira. Pumunta sa mga paaralan, community center, silid-aklatan, at iba pa. Sa mga lugar kung saan mayroong JustServe.org, tingnan ang mga listahan para makita kung ano ang magagawa mo para makatulong. Pagkatapos, kapag nagretiro ka na, may mga ideya ka na sa mga bagay na maaari mong magawa.
Ano ang Pinakamagagandang Bagay na Gagawin?
Habang palapit ka na sa pagreretiro, mapapanatag ka sa pamamagitan ng pagpaplano ng mga mithiin na epektibo sa iyo. Ganito ang ipinayo ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Habang iniisip natin ang iba’t ibang pagpipilian, dapat nating tandaan na hindi sapat na maganda ang isang bagay. Ang ibang mga pagpipilian ay mas maganda, at may iba pang pinakamaganda.”2
Nasasaisip ang payong iyan, narito ang ilang bagay na nais mong pag-isipan pagkatapos mong magretiro:
-
Patuloy na gawing sentro ng iyong buhay ang Tagapagligtas.
-
Maglingkod sa isang misyon—o ilang misyon.
-
Magtuon sa gawain sa family history at sa templo.
-
Mag-ukol ng oras sa iyong pamilya.
-
Magboluntaryo sa inyong komunidad.
-
Magtanim ng mga gulay sa bakuran. Ibahagi ang naaani mo.
-
Tulungan ang mga apo o iba pang mga estudyante sa kanilang pag-aaral.
-
Mag-enroll sa libreng pag-aaral online.
-
Matuto ng bagong kasanayan o libangan.
-
Magpakabusog sa mga banal na kasulatan.
-
Bumuo ng isang exercise program o ipagpatuloy ito para mapanatili ang iyong kalusugan at mapalakas ang iyong katawan.
Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Inaanyayahan ko kayo na mas ibaling ang inyong puso, isip, at kaluluwa sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo. Iyan ang gawin ninyong bagong normal.”3 Gamit ang tamang pagpaplano, maaari mong asamin at matatanggap mo ang pagreretiro bilang panahon ng mga bagong pagsisimula.