Mga Alituntunin ng Ministering
Paggawa ng Makabuluhang Ministering
Kung iniisip mo kung makabuluhan ang iyong ministering, isaalang-alang ang mga ideyang ito.
Madaling isipin kung gumagawa ng kaibhan ang ating ministering, lalo na kapag nahaharap tayo sa sarili nating mga paghihirap.
Sa yugto ng buhay ko bago ako naupo sa wheelchair, gustung-gusto kong makakita ng clipboard sa Relief Society. Madalas akong mag-sign up para maglingkod. Isang paraan ito para ipakita ang kahandaan kong “magpasan ng pasanin ng isa’t isa” (Mosias 18:8).
Hindi kasalanan ng clipboard na hindi na ako makapag-sign up. Sa katunayan, hindi ko man lang maisulat doon ang pangalan ko. Dahil sa kapansanan ko, ni hindi ko mahawakan ang clipboard. Walang umasa na pipirma ako roon. Pero naku, gustung-gusto ko! Binabalot tayo ng paglilingkod ng pagmamahal ng Diyos at ikinokonekta tayo sa iba. Kailangang-kailangan ko noon na madama ang koneksyong iyon.
Dahil kinailangan ko ng mga taong tutulong na mag-alaga sa akin, parang hindi sulit ang paglilingkod ko sa pagsisikap na kakailanganin ng iba para matulungan ako. Naging paalala ang clipboard na iyon ng bagay na hindi ko na kayang gawin—hanggang sa makita ng ministering sister ko ang kasabikan ko.
Tinanong niya ako kung ano ang gusto kong gawin para makapaglingkod, hindi lamang ang kailangang gawin ng iba para sa akin. Pagkatapos ay isinulat niya ang pangalan ko sa clipboard. Nagpunta siya sa bahay ko at tinulungan akong lutuin ang mga pagkain na kusa kong inihanda para sa iba. Hindi niya iminungkahi kahit kailan na kailangan ko mismo ng napakalaking tulong kaya hindi ko dapat sinisikap na tulungan ang iba. Masaya siyang makasama ako.
Sa huli, natanto ko na sulit pala ang mga pagsisikap ko. Sa tulong ng aking ministering sister, may nagawa ako. Nagkaroon man iyon ng kabuluhan sa iba o hindi, nakagawa iyon ng kaibhan sa akin. Bagama’t hindi tuwirang nakinabang doon ang pamilya ko o gumaling ang katawan ko, nakatulong iyon para gumaling ang puso ko.
EmRee Pugmire
Utah, USA
Sa Tulong Niya, Sapat na Sapat na Kayo
Karaniwan ang makadama ng kakulangan na gawin ang gawain ng Panginoon. Gayon din ang nadama ng propetang si Enoc. Nang inatasan siya ng Panginoon na manawagan sa mga tao na magsisi, nag-alala siya dahil siya ay “isang bata lamang, at kinamumuhian ako ng lahat ng tao; sapagkat mabagal ako sa pagsasalita” (Moises 6:31).
Ngunit nangako ang Panginoon na sasamahan Niya si Enoc at mapapasakanya ang Kanyang Espiritu, at “lahat ng iyong salita ay pangangatwiranan ko; … kaya nga,” pag-anyaya Niya, “lumakad kang kasama ko” (Moises 6:34).
Sumunod si Enoc sa iniutos ng Panginoon, at naging malaki siyang impluwensya sa mga tao, hindi dahil sa kanyang sariling kapangyarihan kundi dahil sa “kapangyarihan ng wikang ibinigay ng Diyos sa kanya” (Moises 7:13).
Mga Alituntuning Dapat Pag-isipan
Kung iniisip ninyo kung makabuluhan ang inyong ministering, isipin ang mga alituntuning ito:
-
Ang pag-unawa sa ministering at sa mga layunin nito ay makatutulong sa atin na husgahan nang mas tumpak ang ating mga pagsisikap.
-
Ang ministering ay hindi lamang tungkol sa pagbuo ng mas matitibay na ugnayan; tungkol ito sa pagtulong sa iba na patatagin ang kanilang kaugnayan sa Tagapagligtas.1
-
Ang ministering ay hindi lamang isang assignment; ito ay kung paano natin ipinamumuhay ang ating mga tipan na paglingkuran Siya sa pamamagitan ng pangangalaga sa isa’t isa.
-
Ang ministering ay hindi sumusunod sa isang natatanging format. Tinutulungan tayo nitong lumago habang umaakma tayo sa sitwasyon at naghahangad ng inspirasyong maglingkod na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas.
-
-
Ang pag-unawa sa pagtingin ng Diyos sa ating ministering ay maaaring magpabago sa ating pananaw.
-
Hindi sinusukat ng Diyos ang ministering batay sa kagila-gilalas na resulta o kung pinahahalagahan ba ang ating mga pagsisikap (tingnan ang halimbawa ni Oliver Granger sa Doktrina at mga Tipan 117:12–13).2
-
Kapag mabuti ang ating hangarin at tunay tayong nagsisikap, makabuluhan sa Kanya ang ating ministering (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 4:2, 5).
-
Handa ang Diyos na palakihin maging ang ating “maliliit o di-mapapansing paglilingkod”3 (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 123:17).
-
Ano ang Magagawa Natin?
Sa halip na mag-alala tungkol sa mga bagay na inaakala ninyong hindi ninyo magagawa, mapanalanging isipin kung ano ang magagawa ninyo. Pagkatapos ay kumilos. Kapag kumilos kayo sa pangalan ng Panginoon, mapapalaki Niya ang inyong mga pagsisikap at magagamit ang mga ito para pagpalain kayo at ang ibang tao (tingnan sa 2 Nephi 32:9).