2022
Ang mga Pagpapala ng Pag-aaral ng Lumang Tipan
Enero 2022


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Ang mga Pagpapala ng Pag-aaral ng Lumang Tipan

Habang binabasa natin ang mga kabanata at talata ng sinaunang aklat na ito ng banal na kasulatan, espirituwal tayong lalakas.

Jesus Christ with stars in background

Si Jehova ay si Jesucristo. Ang mga propeta sa Lumang Tipan ay nagpropesiya at nagturo tungkol kay Jesucristo.

Christ and the Creation [Si Cristo at ang Paglikha], ni Robert T. Barrett

Welcome sa pag-aaral ng Lumang Tipan sa 2022, kasama ang resource na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin bilang gabay! Ang Lumang Tipan ay isang sagradong aklat ng banal na kasulatan na iningatan ng kamay ng Diyos para mabasa at mapagnilayan natin. Maaari itong maging pagpapala at gabay sa atin sa mga huling araw na ito.

Ang Lumang Tipan ay nagbibigay sa atin ng 3,500-taong panorama ng pananampalataya at katapatan mula noong humigit-kumulang 4,000 BC hanggang 500 BC. May 39 na aklat sa Lumang Tipan. Sakop ng Genesis ang apat na dispensasyon nina Adan, Enoc, Noe, at Abraham. Ang natitirang 38 aklat, ang Exodo hanggang Malakias, ay nakatuon sa dispensasyon ni Moises.

Habang binabasa natin ang Lumang Tipan, mas makikilala natin ang mga propeta at malalaman ang kanilang mga turo. Itinuro nila ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ipinropesiya nila at inasam ang pagdating ng Mesiyas. Iningatan ang kanilang mga inspiradong turo para sa ating panahon.

Habang binabasa natin ang mga kabanata at talata ng Lumang Tipan, espirituwal tayong lalakas. Itutuon ng Espiritu Santo ang ating pansin sa partikular na mga talata sa banal na kasulatan na magiging lakas para sa atin habang inaasam natin ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Isang Nagbibigay-Inspirasyong Tanong

Nais kong magbahagi ng isang kuwento kung paano nakaimpluwensya sa buong buhay ko ang isang talata mula sa Lumang Tipan.

Noong 1974, 17 taong gulang ako. Masaya ako sa buhay noong junior high school ako. Inasam ko ang pagmimisyon ko. Sa magasing Ensign ng Oktubre 1974, nabasa ko ang isang napakagandang mensahe mula kay Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na pinamagatang “When the World Will Be Converted [Kapag Nagbalik-loob ang Mundo].”1 Maraming beses ko na itong nabasa mula noon. Binibigyang-inspirasyon ako nito hanggang ngayon.

Inilahad ni Pangulong Kimball ang malawak na pananaw sa buong mundo tungkol sa paglago ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa dispensasyong ito. Nagturo siya tungkol sa ating oportunidad at responsibilidad na dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo. Binanggit ni Pangulong Kimball ang isang talata mula sa aklat ng Genesis. Binigyang-inspirasyon ako nito noon at patuloy akong binibigyang-inspirasyon nito sa buong buhay ko: “Mayroon bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon?” (Genesis 18:14, na nakaiskedyul na pag-aralan sa Pebrero).

Abraham praying

Abraham on the Plains of Mamre [Si Abraham sa mga Kapatagan ng Mamre], ni Grant Romney Clawson; larawan ng mga missionary na kuha ni Alicia Cerva; larawang kuha ng mundo mula sa Getty Images

Nirebyu ni Pangulong Kimball ang kuwento tungkol kina Abraham at Sara. Tumawa si Sara sa pangako ng Panginoon na sila ni Abraham ay magkakaroon ng anak na lalaki. Hindi pa sila nabiyayaan ng mga anak noon. Si Sara noon ay 90 at 100 taong gulang naman si Abraham. Lagpas na sila sa edad ng pag-aanak.

“At sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Bakit tumawa si Sara … ?”

“Mayroon bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon? Sa takdang panahon ay babalik ako sa iyo, sa tamang panahon, at si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki” (Genesis 18:13–14).

Nanampalataya sina Abraham at Sara. Tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako. Isinilang si Isaac. Si Abraham ang naging ama ng mga bansa.

Lakas na Harapin ang mga Hamon

“Mayroon bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon?” Ang talatang ito sa Lumang Tipan ay nagpalakas sa akin nang maharap ako sa mga hamon o alalahanin sa buhay:

  • Bilang bagong missionary nang mabigatan ako sa gawain. “Mayroon bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon?”

  • Pagkatapos ng misyon ko, noong nag-iisip kami ni Anne Marie na magpakasal at kinakabahan kami sa gagastusin sa pagkain, renta, at matrikula sa kolehiyo. “Mayroon bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon?”

  • Bilang mga bagong kasal, ang pagkakaroon ng mga anak at pagkatanto sa bigat ng mga problemang pinansyal sa buhay. “Mayroon bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon?”

  • Pagharap sa mga hamon ng graduate school, isang lumalaking pamilya, at pagsisimula sa trabaho. “Mayroon bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon?”

  • Noong ako ang pangulo ng Spain Barcelona Mission, paulit-ulit naming tinukoy ni Anne Marie ang talatang ito kapag nagtuturo kami sa mga missionary. “Mayroon bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon?” Madalas na kasama sa mga liham sa aming mga missionary ang pagtukoy sa “Mayroon bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon?”

Isang Pundasyon sa mga Banal na Kasulatan

reproduction of stone tablets with Ten Commandments

Moses Parting the Red Sea [Hinahati ni Moises ang Dagat na Pula], ni Robert T. Barrett; Adam and Eve in the Garden [Sina Adan at Eva sa Halamanan], ni Lowell Bruce Bennett; kopya ng mga tapyas na bato mula sa Getty Images; larawan ng San Diego California Temple na kuha ni Monica Georgina Alvarado Zarate

Ang talatang ito ng banal na kasulatan ay isa lamang sa maraming halimbawa ng nagbibigay-inspirasyong mga talatang matatagpuan sa Lumang Tipan. Natitiyak ko na marami na ang nagbibigay-inspirasyon sa inyo. Habang matapat at mapanalangin nating binabasa ang Lumang Tipan sa taong ito, dadalhin ng Espiritu Santo ang ating pansin sa karagdagang partikular na mga talata na magpapalakas sa ating pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng doktrina at mga alituntunin na walang hanggan ang kahalagahan. Naglalaman ito ng mga propesiyang matutupad pa lamang. Itinuturo nito sa atin kung saan tayo nanggaling. At itinuturo nito sa atin ang tungkol sa tipang Abraham, na may epekto pa rin hanggang ngayon.

Ang Lumang Tipan ay nagsisilbing pundasyon para sa iba pa nating mga banal na kasulatan. Kapag mas naunawaan natin ang Lumang Tipan, mas mauunawaan natin ang iba pang mga aklat ng mga banal na kasulatan, dahil ang mga turo nito ay lumilitaw sa iba pang mga aklat ng banal na kasulatan:

  • Noong panahon ng Kanyang ministeryo, nagturo ang Tagapagligtas gamit ang mga banal na kasulatan mula sa Lumang Tipan.

  • Dinala ni Lehi at ng kanyang pamilya ang mga laminang tanso, na naglalaman ng mga banal na kasulatan mula sa Lumang Tipan.

  • Tinuruan ni Nephi si Jacob sa pamamagitan ng pagsipi mula kay Isaias sa Lumang Tipan.

  • Sa Kanyang pagbisita sa mga Nephita matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, binanggit ni Jesucristo ang sinabi nina Isaias at Malakias sa Lumang Tipan.

beings appearing to Joseph Smith and Oliver Cowdery in Kirtland Temple

Vision in the Kirtland Temple [Pangitain sa Kirtland Temple], ni Gary Smith; The Second Coming [Ang Ikalawang Pagparito], ni Harry Anderson

Ang mga propeta at turo sa Lumang Tipan ay mahalaga rin sa mensahe ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa ating panahon:

  • Sa mga una niyang pagbisita kay Propetang Joseph Smith, bumanggit si Moroni mula kay Malakias.

  • Ang Mahalagang Perlas ay naglalaman ng mga aklat nina Abraham at Moises.

  • Ipinagkatiwala nina Moises, Elias, at Elijah ang kanilang mga susi ng priesthood kay Propetang Joseph Smith sa Kirtland Temple.

Ano ang Layunin?

Habang binabasa natin ang mga aklat sa Lumang Tipan, dapat nating isipin na ang mga aklat ay pinili, binigyang-diin, at isinaayos sa isang partikular na paraan para sa isang teolohikal na dahilan. Angkop nating maitatanong sa ating sarili, “Bakit kasama ang impormasyong ito at ano ang layunin nito?”

Bagama’t maaaring medyo mahirap maunawaan ang mga bahagi ng Lumang Tipan, dapat nating alalahanin na naglalaman ito ng kasaganaang hindi dapat kaligtaan. Tulad ng itinuro ni Joseph Smith, “Naniniwala kami na ang Biblia ay salita ng Diyos hangga’t ito ay nasasalin nang wasto” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:8). Tiyak na pinagpapala tayo sa pag-aaral ng salita ng Diyos!

Maaaring makatulong sa ating pag-aaral ng Lumang Tipan na maghanap ng mga tema at kabatiran. Dapat tayong maghanap ng mga paraan para mas maunawaan na ang Diyos ng Lumang Tipan ay ang Diyos din ng Bagong Tipan. Si Jehova ay si Jesucristo. Paano tayo natutulungan ng pag-aaral ng Lumang Tipan na mas makilala ang ating Tagapagligtas?

Kabilang sa iba pang mahahalagang temang nakikita ko sa Lumang Tipan ang mga tipan, kabanalan, buhay na mga propeta, sakripisyo at pagsunod, pananampalataya at pagsisisi, pagpuri sa Panginoon, at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.

Habang nag-aaral tayo, dapat nating tandaan na ang paghahayag sa mga huling araw ay naglalaan sa atin ng mas lubos na pag-unawa sa Lumang Tipan. Halimbawa, salamat sa makabagong paghahayag, alam natin na hawak ng mga propeta ng Lumang Tipan ang Melchizedek Priesthood at na alam at itinuro ng mga propeta sa naunang mga dispensasyon ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Mga Pangako ng Isang Propeta

Sa dispensasyong ito, muli tayong pinagpalang malaman na ang mga propeta at apostol ay nagbibigay ng inspiradong mga turo at payo.

Unang ipinaalam ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2018.2 Ang resource na ito ay naging malaking pagpapala sa ating lahat. Ang nakaraang tatlong taon ay naglaan sa akin ng ilan sa pinakamalalim at makabuluhang mga karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa buhay ko. Natitiyak ko na gayon ding mga pagpapala ang naghihintay sa bawat isa sa atin sa 2022.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na kapag ginawa nating santuwaryo ng pananampalataya at sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang ating tahanan, tatanggap tayo ng apat na partikular na pagpapala:

  1. “Sa paglipas ng panahon ang inyong mga araw ng Sabbath ay tunay na magiging kaluguran.”

  2. “Ang inyong mga anak ay magiging sabik na matutuhan at ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas.”

  3. “Ang impluwensya ng kaaway sa inyong buhay at [sa inyong] tahanan ay mababawasan.”

  4. “Magkakaroon ng malaki at patuloy na mga pagbabago sa inyong pamilya.”3

Ang mga pangako ni Pangulong Nelson ay malalim, at totoo ang mga ito. Ang mga pagpapalang ito ay nagkatotoo at magpapatuloy sa 2022 habang nag-aaral at natututo tayo mula sa Lumang Tipan.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Spencer W. Kimball, “When the World Will Be Converted,” Ensign, Oktubre 1974, 2–14.

  2. Tingnan sa Quentin L. Cook, “Malalim at Tumatagal na Pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo,” Liahona, Nob. 2018, 8–12.

  3. Russell M. Nelson, “Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 113.