2022
Tahakin ang Landas ng Kaligayahan
Enero 2022


Tahakin ang Landas ng Kaligayahan

Maaari tayong magpalaki ng mga anak na mabubuti at nananalig saanman sa mundo kung matibay ang kanilang pundasyon sa Tagapagligtas.

Larawan
African family praying

Larawang kuha ni Jim Lillywhite

Maraming taon na ang nakalipas, ang ilan sa mga nakababata kong pinsan ay inatasang gumawa ng isang proyektong pangserbisyo sa bukirin ng aming Lolo Crozier Kimball. Bilang gantimpala, pinangakuan sila na kakain sila ng masarap na cake ni Lola Clara1.

Nang matapos nila ang kanilang mga gawain, nagpunta sila sa kusina para sa kanilang gantimpala. Gayunman, hinarangan ni Lolo ang pinto ng kusina. Naalala ng pinsan kong si Kathy Galloway, na mga 14 na taong gulang noon, na nakaupo si Lolo sa bangko ng piano at inanyayahan ang mga pinsan ko na umupo sa sahig. Pinasalamatan niya sila sa kanilang kasipagan at pagkatapos ay sinabi na may mahalaga siyang ibabahagi bago nila kainin ang kanilang cake.

“Darating ang panahon sa inyong buhay na kakailanganin ninyong malaman at kumilos ayon sa kung ano ang ibabahagi ko sa inyo,” sabi niya.

Ipinaliwanag niya na ang kanyang lolo na si Heber C. Kimball (1801–68) at iba pang mga ninunong pioneer ay naharap sa mahihirap na pisikal na hamon. Sinabi ni Lolo na mabilis na natutuhan ng mga pioneer na para mabuhay, kinailangan nilang magtulungan at mahalin at paglingkuran ang isa’t isa.

“Isa ito sa mga dakilang pamana na iniwan nila sa inyo!” sabi niya nang magsimulang tumulo ang mga luha sa kanyang mga pisngi.

“Sa tungkulin ko bilang patriarch at bilang lolo ninyo, kapag tinitingnan ko ang hinaharap na darating, … nalulungkot ako para sa inyo,” sabi niya. “Mahaharap kayo sa emosyonal at espirituwal na mga hamon na hindi pumasok sa isipan ng karamihan sa inyong mga ninunong pioneer.”

Maliban kung igagalang ng nakababatang henerasyon ang dakilang pamana ng pagmamahal at paglilingkod ng mga pioneer, idinagdag pa niya, “marami sa inyo ang mabibigo dahil hindi ninyo ito makakayanan nang kayo lang mag-isa.”

Pagkatapos, sa pananalitang nakaaantig sa espiritu, sinabi ni Lolo Kimball: “Kailangan natin ang isa’t isa. Bukod pa sa pagbabahagi ng ating patotoo sa ebanghelyo sa isa’t isa, tungkulin nating mahalin at paglingkuran at palakasin at alagaan at suportahan at sang-ayunan ang isa’t isa, … lalo na ang ating pamilya. Tandaan sana ninyo na sa mga huling araw, ang inyong kaligtasan ay maaaring nakabatay sa kahandaan ninyong magtulungan at mahalin at paglingkuran ang isa’t isa. Ngayon, kumain na tayo ng cake!”

Kailangan Natin ang Isa’t Isa

Larawan
group of people in India

Larawang kuha ni Wendy Gibbs Keeler

Tulad ng nakikita nating kaguluhan sa mundo na nakapaligid sa atin, at tulad ng nakita ni Lolo Crozier Kimball sa hinaharap, kailangan natin ang isa’t isa. Kailangan natin ng mapagmahal na mga pamilya, mga korum at Relief Society na puno ng paglilingkod, at mga sumusuportang branch, ward, at stake.

“Nais ng Diyos na sama-sama tayong kumilos at magtulungan,” sabi ni Pangulong Nelson. “Iyan ang dahilan kaya ipinadala Niya tayo sa mundo na kabilang sa mga pamilya at isinaayos tayo sa mga ward at stake. Iyan ang dahilan kaya hiniling Niya sa atin na maglingkod at mag-minister sa bawat isa. Iyan ang dahilan kaya hiniling Niya sa atin na mamuhay sa sanlibutan ngunit hindi maging katulad ng sanlibutan. Mas marami tayong maisasagawa nang magkakasama kaysa mag-isa lang tayo.”2

Mahirap ang buhay sa ating ikalawang kalagayan. Dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva, nakakaranas tayo ng mga tinik, mga pagsubok at tukso. Ang gayong mga karanasan ay bahagi ng plano ng kaligayahan, gayunman tinutulungan natin ang isa’t isa na makayanan ang mga unos ng buhay.

Tulad nina Adan at Eva, na “[pinalabas] … sa halamanan ng Eden” (Genesis 3:23), tayo ay lumabas mula sa ating premortal na tahanan patungo sa nahulog na mundong ito. At tulad nina Adan at Eva, nagagalak tayo na nalaman natin ang tungkol sa plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak:

“At sa araw na yaon, pinapurihan ni Adan ang Diyos at napuspos, at nagsimulang magpropesiya hinggil sa lahat ng mag-anak sa mundo, nagsasabing: Purihin ang pangalan ng Diyos, sapagkat dahil sa paglabag ko ang aking mga mata ay namulat, at sa buhay na ito ako ay makatatamo ng kagalakan, at muli sa laman aking makikita ang Diyos.

“At si Eva, na kanyang asawa, ay narinig ang lahat ng bagay na ito at natuwa, nagsasabing: Kung hindi dahil sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin” (Moises 5:10–11; tingnan din sa 2 Nephi 2:25).

“Bahagi ng Kanyang Banal na Layunin”

Ang pagsasakatuparan ng ating “kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” ay “gawain at … kaluwalhatian” ng ating Ama (Moises 1:39). “Tayo,” tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, “ay bahagi ng Kanyang banal na layunin.”3

Ipinahayag ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol na bilang mga espiritung anak sa premortal na daigdig, “kilala at sinamba [natin] ang Diyos bilang [ating] Amang Walang Hanggan at tinanggap ang Kanyang plano na naglaan sa Kanyang mga anak na magkaroon ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo upang umunlad tungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang kanilang banal na tadhana bilang tagapagmana ng buhay na walang hanggan.”4 At itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Sa ilalim ng plano ng ating Ama sa Langit, ‘[nilikha ni Jesucristo ang] mga kalangitan at [ang] lupa’ (Doktrina at mga Tipan 14:9) upang bawat isa sa atin ay magkaroon ng mortal na karanasang kailangan upang makamtan ang ating banal na tadhana.”5

Nilinaw ng mga banal na kasulatan at ng mga propeta sa mga huling araw ang mahalagang papel na ginagampanan ng ating katawan sa plano ng Diyos. Ang ating tadhana ay magbalik sa Kanyang piling nang may nabuhay na mag-uli at dinakilang katawan at mabuhay bilang mga pamilya magpakailanman.

“Kaya nga, ang pakikipag-ugnayan natin sa ibang tao, ang kakayahang kumilala at kumilos ayon sa katotohanan, at kakayahang sundin ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nagagawa dahil sa ating katawan,” sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Sa buhay sa mortalidad, nararanasan natin ang pagkalinga, pagmamahal, kabaitan, kaligayahan, kalungkutan, kabiguan, pasakit, at maging ang mga hamon na dulot ng limitasyon sa kakayahan ng pisikal na katawan sa mga paraang naghahanda sa atin para sa kawalang-hanggan.”6

Ituro ang tungkol kay Cristo

Larawan
a family sitting around a table

Sa mga panahong ito ng pag-aalinlangan at kawalang-katiyakan, ang kaalaman tungkol sa plano ng kaligayahan ay mahalaga sa ating espirituwal na kaligtasan. Ngunit hindi tayo maaaring umasa sa mundo na tuturuan nila ang ating mga anak ng mga alituntunin ng walang-hanggang kaligayahan. Bilang mga magulang, kailangan nating ituro sa ating mga anak ang tungkol sa kanilang banal na pinagmulan at banal na tadhana.

Magsisimula tayo sa pagtulong sa kanila na magkaroon ng patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, na pinakamahalaga sa plano ng kaligtasan. Naniniwala ako na makapagpapalaki tayo ng mga anak na mabubuti at nananalig saanman sa mundo kung matibay ang kanilang pundasyon sa Tagapagligtas.

Sa home evening, sa panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya, sa mga aktibidad at tradisyon ng pamilya, at maging sa panahon ng pagdidisiplina, “nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, … upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26).

Tinutulungan natin ang ating mga anak na maunawaan na sa plano ng kaligtasan, ang pagsisisi ay “habambuhay na [gagawin]”7 na nagdudulot ng pag-asa at paggaling dahil inaalis nito ang mga pasanin ng kaluluwa at pinagaganda ang bukas.

Kapag may pananampalataya ang ating mga anak sa Pagbabayad-sala ni Cristo, malalaman nila na hindi nawala ang lahat at hinihintay sila ng Panginoon na nakaunat ang mga bisig. Tinutulungan natin sila na maunawaan na “anuman ang dapat [nating] iwan upang [matahak] ang landas pauwi sa [ating] tahanan sa langit ay hindi na maituturing na sakripisyo balang-araw.”8

Tipunin ang mga Anak ng Diyos

Hindi natin mararating ang ating banal na tadhana nang mag-isa. Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, may espesyal na tungkulin tayong anyayahan ang iba sa ating paglalakbay patungo sa ating tahanan sa langit. Kailangan ng mundo ng mga Banal sa mga Huling Araw na handang paningningin ang liwanag ng Pagpapanumbalik sa pamamagitan ng kanilang mga patotoo, halimbawa, at kahandaang ibahagi ang ebanghelyo. Kapag nagniningning tayo, natitipon natin ang mga tao.

“Kapag pinag-uusapan natin ang pagtitipon,” sabi ni Pangulong Nelson, “ang sinasabi natin ay ang katotohanang ito: bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit, sa [magkabilang] panig ng tabing, ay dapat marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sila ang nagdedesisyon sa sarili nila kung nais nilang matuto pa.”9

Kaya nga, tulad ng ipinayo ni Lolo Crozier, ibinabahagi natin ang ating patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Minamahal at pinaglilingkuran, pinalalakas at pinangangalagaan, at sinusuportahan at sinasang-ayunan natin ang ating mga mahal sa buhay at ang ating kapwa.

Sa pagtulong natin sa iba sa pagtahak sa landas tungo sa kanilang banal na tadhana, tinutulungan natin ang ating sarili sa landas ding iyon, na “[matanggap] sa kaharian ng Ama, upang hindi na lumabas pa, kundi mananahanan kasama ng Diyos magpasawalang hanggan sa kalangitan” (3 Nephi 28:40).

Mga Tala

  1. Matapos pumanaw ang unang asawa ni Lolo Crozier Kimball na si Mary Lenora Roberts, pinakasalan niya si Clara, na pinsan ng kanyang unang asawa. Tinawag siya ng mga anak bilang “Tiya Clara.” Tinawag siya ng mga apo na “Lola.”

  2. Russell M. Nelson, “Ang Ating mga Natututuhan at Hindi Malilimutan Kailanman,” Liahona, Mayo 2021, 79.

  3. Russell M. Nelson, “Ang Inyong Katawan: Isang Kagila-gilalas na Kaloob na Dapat Pahalagahan,” Liahona, Ago. 2019, 50.

  4. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org.

  5. Dallin H. Oaks, “Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?,” Liahona, Mayo 2021, 77.

  6. David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 41.

  7. Lynn G. Robbins, “Hanggang sa Makapitongpung Pito,” Liahona, Mayo 2018, 22.

  8. José A. Teixeira, “Alalahanin ang Daan Pauwi,” Liahona, Mayo 2021, 94.

  9. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org.

Print