Digital Lamang: Mga Young Adult
Paano Natin Hahayaang Manaig ang Diyos Kapag Gumagawa Tayo ng mga Desisyon sa Buhay?
Kapag nahaharap tayo sa napakaraming iba’t ibang landas sa buhay, paano natin malalaman na nasa landas tayo na nais ng Ama sa Langit na tahakin natin?
Natulala ka na ba nang maharap ka sa isang desisyon? Sa mga sandaling tulad nito, maaaring madaling isipin, Paano kung mali ang pagpili ko at hindi ko maisakatuparan ang nais ng Ama sa Langit na gawin ko sa buhay na ito?
Madalas sabihin sa atin na magagabayan tayo ng Ama sa Langit sa ating paglalakbay sa mortalidad, pero paano natin sinusunod ang payo ni Pangulong Russell M. Nelson na “piliing hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay,” na “piliin ang Diyos na maging pinakamalakas na impluwensya sa ating buhay,”1 habang gumagawa pa rin ng sarili nating mga desisyon? Idinidikta ba ng Ama sa Langit kung saan tayo pupunta o ano ang gagawin natin o ano ang magiging hitsura ng ating buhay sa araw-araw?
Siyempre pa, bagama’t may dakilang plano ng kaligayahan ang Diyos na dahilan kung kaya’t posibleng makabalik tayo sa Kanyang piling, hindi Niya kinokontrol ang bawat aspeto ng ating buhay. Nais Niyang pumili tayo para sa ating sarili pagdating sa mga inaasahan at ambisyon natin sa buhay.
Narito ang ilang bagay na dapat tandaan kapag isinasaalang-alang ang katotohanang iyan.
Ang Kalayaan ay Isang Kaloob
Dahil nahaharap tayo sa maraming potensyal na landas sa buhay, ang kalayaan ay tila nakakatakot o napakabigat. Kung minsan ay takot na takot akong gumawa ng “maling” desisyon na para bang hindi na ako makakilos, na hindi ko magawang sumulong sa buhay o umunlad.
Pero natutuhan kong magtiwala sa Ama sa Langit at sa sarili ko, natutuhan kong pahalagahan ang kaloob na ito ng pagpili (tingnan sa 2 Nephi 2:16).
Kahit na may kalayaan tayong pumili, dapat tayong sumangguni palagi sa Ama sa Langit tungkol sa ating malalaking desisyon na nagpapabago ng ating buhay at kung ano ang Kanyang kalooban. Kapag ginawa natin ito, maituturo Niya tayo sa mabubuting landas. Tulad ng itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Dapat maging maingat tayo na huwag palampasin ang kamay ng Panginoon kapag iniaalok ito, kapag nais niyang tumulong.”2 Ngunit kapag namumuhay tayo nang matwid, nagtitiwala rin Siya na gagamitin natin nang matalino ang ating kalayaang pumili at susundin natin ang ating mabubuting ambisyon upang magkaroon ng kagalakan habang tumatahak tayo sa landas ng tipan.
Maaari Nating Piliing Tanggapin ang mga Pagkakataon
May kaibigan ako na piniling huwag magmisyon dahil sa ilang personal na pakikibaka. Makalipas ang ilang taon, naguluhan siya at nalungkot sa tuwing babasahin niya ang linya sa kanyang patriarchal blessing na nagsasabing magkakaroon siya ng pagkakataong magmisyon. Pakiramdam niya ay nagkamali siya sa inihanda ng Diyos para sa kanya at madalas ay puno siya ng kahihiyan at kawalang-katiyakan tungkol sa hinaharap.
Ngunit habang mapanalangin niyang pinagninilayan ang sitwasyong ito, natanto niya na ang mahalagang salita sa kanyang patriarchal blessing ay oportunidad. Inaanyayahan tayo ng Ama sa Langit na sundin Siya at piliin ang magagandang oportunidad sa lahat ng panahon ng buhay.
At paano kung pinalampas natin ang pagkakataon? O hindi natin tinatanggap ang lahat ng Kanyang paanyaya?
Mabuti na lang, dahil sa ating Tagapagligtas, magkakaroon tayo ng marami pang pagkakataong maglingkod at umunlad sa buong buhay natin.
Ang Ama sa Langit ay Diyos ng pagpapatawad at pagmamahal. Gaya ng itinuro ni propetang Isaias, “Manumbalik siya sa Panginoon, at kanyang kaaawaan siya; at sa aming Diyos, sapagkat siya’y magpapatawad [nang] sagana” (Isaias 55:7).
Ito man ay isa pang pagkakataon na kinabibilangan ng pagsisisi at pagbalik sa landas ng tipan o pagbabago lamang ng puso at pagpapahintulot sa Diyos na muling manaig sa ating buhay, dapat ninyong malaman na, tulad ng itinuro ni Elder Thierry K. Mutombo ng Pitumpu, “kapag pinili nating sundin si Cristo, pinipili nating magbago.”3
Maaaring hindi nakapagmisyon ang kaibigan ko, pero pinalalim niya ang kanyang pananampalataya kay Cristo at ang kanyang kahandaang kumilos ayon sa mga oportunidad at tungkuling ibinigay sa Kanya. At nakasumpong siya ng kagalakan at katuparan sa paggawa ng mabubuting desisyon at pagpayag na gabayan siya ng Diyos.
Maging Flexible at Maghangad ng Paghahayag
Palagay ko’y marami sa atin ang lumaki na mayroong detalyadong plano sa ating buhay. Ako, halimbawa: Nagplano akong magtrabaho sa larangan ng medisina, mag-aasawa sa edad na 21, at magkakaroon ng maraming anak bago mag-30 anyos, habang pinalalaki ang perpektong pamilya ko sa ebanghelyo at namumuhay nang masaya at hindi nababahala sa buhay.
(Heto na ang nakakatawa.)
Ito ang tunay na nangyari sa buhay ko, nang magtiwala ako sa sarili ko na gagawa ako ng mabubuting desisyon, sinamantala ang mga pagkakataon, sinunod ang mga pahiwatig, at hinayaang manaig ang Diyos:
-
Isa akong manunulat. Nanghihina ako kapag nakakita ako ng dugo at mga karayom.
-
Hindi ako nag-asawa hanggang sa maging 27 anyos ako (at sa gitna ng isang pandemya). At pinakasalan ko ang isang taong halos 10 taon ko nang kakilala, kahit may iba akong mga nakadeyt noong panahong iyon.
-
Nakikibaka ako sa masakit at matagal nang karamdaman na nagpapahirap kung minsan sa buhay. Ang sakit na ito ay naging dahilan para mabaog ako, kaya hindi ako pwedeng magkaanak.
Nang bumaling ako sa Ama sa Langit para sa patnubay, nakadama ako ng kagalakan sa aking sitwasyon sa kabila ng malaking pagkakaiba ng buhay ko sa aking orihinal na mga inaasahan. At nananalig ako na magiging maliwanag ang hinaharap habang patuloy kong ginagawa ito.
Mabuting magkaroon ng mga inaasam at inaasahan sa ating buhay na hahantong sa pag-unlad at katuparan. Ngunit ang pagiging flexible at bukas sa pagbabago sa mga inaasahang iyon ay makapagbibigay sa atin ng kagalakan sa anumang sitwasyon.
Hindi palaging mangyayari sa buhay ang gusto o inaasahan natin, pero maaari tayong manampalataya na patuloy tayong ituturo ng Ama sa Langit sa mabubuting oportunidad at kagalakan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Lahat ng bagay na mabuti sa buhay—bawat potensyal na pagpapala na mahalaga sa walang-hanggan—ay nagsisimula sa pananampalataya. Ang pagpayag na manaig ang Diyos sa ating buhay ay nagsisimula sa pananampalataya na handa Niya tayong gabayan.”4
Nais ng Ama sa Langit na Maging Maligaya Tayo
Dahil nahaharap tayo sa napakaraming landas sa buhay na maaaring tahakin, ang ating paglalakbay ay palaging magbabago. Ang mahalaga ay naaalala nating sumangguni sa Ama sa Langit sa ating mga desisyon at na ang landas na tinatahak natin ay ang landas ng tipan. Ang pagpayag na manaig ang Diyos sa ating buhay ay nagpapaibayo sa tiwala Niya sa atin na susundan natin ang kasiya-siyang landas na aakay pabalik sa Kanya at gagawa tayo ng mabubuting desisyon habang naglalakbay. Nais Niya at ni Jesucristo na makadama tayo ng kagalakan, pumili para sa ating sarili, umunlad, at sikaping abutin ang mga bagay na gustung-gusto natin (tingnan sa 2 Nephi 2:25).
At kapag hindi natin naabot ang mga inaasahan natin sa buhay, maaari nating hayaang manaig ang Diyos sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kanya, pagtupad sa ating mga tipan, at pagkilos nang may pananampalataya. Ang paggawa nito ay palaging aakay sa atin tungo sa higit na katuparan, higit na kaligayahan, at mas maraming pagkakataon kaysa inakala nating posible.
Totoo ito para sa akin.