2022
Isang Kaloob na Patotoo at Pagmamahal
Enero 2022


Digital Lamang: Mga Larawan ng Pananampalataya

Isang Kaloob na Patotoo at Pagmamahal

Natakot ako na natapos na ang musikal na patotoo ni Brother Bravenec, pero nakita ko siyang dahan-dahang pumunta sa organo.

Larawan
lalaking tumutugtog ng organo

Larawang kuha ni Carter Hydrick

“Habang ating tinatanggap,”1 pagsisimula namin sa pag-awit. Sana’y mas mabilis ang pagkanta namin, pero nagpokus ako sa ordenansa.

Napanatag ako, na pumayapa sa aking kaluluwa. Ang tono at metro ng organo ay angkop na angkop upang maihanda kami para sa sakramento.

Tumingin ako nang may pasasalamat sa aming organista sa mapitagang pagtugtog niya ng musika. Naalala ko ang unang miting namin walong taon na ang nakararaan. Ilang buwan bago kami nagkakilala, tinupok ng mga wildfire ang bahay ni Ed Bravenec, pati na ang karamihan sa mga ari-arian ng kanyang pamilya. Nang magbahagi kami ng mga missionary ng isang talakayan tungkol sa ebanghelyo sa kanyang bagong mobile home, sinabi sa amin ni Brother Bravenec na tumutugtog siya ng organo.

“Tumutugtog ako upang ipahayag ang aking patotoo at pagmamahal sa Diyos,” sabi niya. Pagkatapos ay pinag-usapan namin kung maaari ba siyang tumugtog para sa ward namin kung sakaling sasapi siya sa Simbahan.

Tiningnan ko ang dulo ng kanyang mga daliri. Dalawa sa mga ito ang putol na. Nabigyang-inspirasyon ako ng kanyang pananampalataya, pero naisip ko ang kakayahan niyang tumugtog.

“Alam ko na magpapasalamat ang Simbahan sa iyo na ibabahagi mo ang iyong mga kaloob,” sabi ko.

Nasiyahan si Brother Bravenec sa sagot ko, at nagpatuloy kaming masiyahan sa isang magandang lesson at sa pagsisimula ng isang matibay na pagkakaibigan. Hindi nagtagal ay nabinyagan siya at, gaya ng nais niya ay naging ward organist namin siya.

Sa paglipas ng mga taon mula nang mabinyagan siya, namalas ko ang mga hamon sa kanyang kalusugan na humantong sa pagputol ng isa sa kanyang mga daliri sa paa. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, si Sister Bravenec, na bumalik sa pagiging aktibo sa Simbahan nang maging miyembro ang kanyang asawa, ay nasuri na may stage 4 na kanser. Pagkatapos ay pinutol ang isa pang daliri sa paa si Brother Bravenec.

Nangungulila kami sa kanya nang ilang linggo habang inaalagaan niya ang kanyang asawa at habang nakikibaka siya sa kanyang kalagayan. Ngunit hindi nagtagal ay bumalik siya sa simbahan, at ibinahagi ang kanyang patotoo sa pamamagitan ng magagandang pagtugtog sa organo.

Noong 2019, nalaman ni Brother Bravenec na puputulin ang isa sa kanyang mga binti. Nalungkot ako para sa kanya, iniisip na ang kanyang mga taon sa pagtugtog ng organo ay nagwakas na. Ngunit ilang linggo matapos ang operasyon, dumating si Brother Bravenec sa simbahan gamit ang kanyang bagong prosthetic na binti.

Gamit ang mga tungkod para manatili ang kanyang balanse, dahan-dahan siyang nagpunta sa organo. Doon, naupo siya sa bangko ng organo, inalis ang kanyang prosthetic na binti, at nagsimulang tumugtog ng prelude music. Makalipas ang ilang minuto, tinugtog niya ang pambungad na himno. Ngayon ay oras na para sa sakramento.

“Ang kay Jesus na sagisag,” pag-awit namin—perpekto ang tono at metro.

Tala

  1. “Habang Ating Tinatanggap,” Mga Himno, blg. 103.

Print