Digital Lamang: Mga Young Adult
Pagpapalalim ng Iyong Pag-unawa sa Iyong Patriarchal Blessing
Kapag ginawa mong bahagi ng iyong pang-araw-araw na buhay ang iyong patriarchal blessing, makikita mo ang lakas at patnubay na nagmumula sa kaloob na ito ng langit.
Kailan mo huling binasa ang iyong patriarchal blessing?
Sa mundong puno ng mahahalagang desisyon, ang inyong patriarchal blessing ay nagsisilbing personal na kompas na tutulong para gabayan kayo sa mga hamon ng mortalidad. Tulad ng sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Ang patriarchal blessing ay isang paghahayag sa tumanggap … para maprotektahan, mabigyang-inspirasyon, at mahikayat ang pagiging aktibo at kabutihan. Ang patriarchal blessing ay literal na naglalaman ng mga kabanata ng iyong aklat ng walang-hanggang mga posibilidad.”1
Ang iyong patriarchal blessing ay nilayong pag-aralan nang paulit-ulit sa buong buhay mo kasama ang mga banal na kasulatan at mga salita ng propeta, kaya kung medyo matagal na nang huli mong binasa ito, baka gusto mong basahin itong muli. Narito ang ilang mungkahi na tutulong sa iyo na mas maunawaan ang kahalagahan ng iyong patriarchal blessing at gawin itong bahagi ng iyong pang-araw-araw na buhay.
1. Basahin at Pagnilayan Ito nang Madalas
Ang madalas na pagbabasa ng iyong patriarchal blessing ay tutulong sa iyo na maalala ang mga inspiradong salita nito at maunawaan kung paano nauugnay ang mga ito sa iba’t ibang yugto ng iyong buhay. Sa muling pagbasa sa iyong blessing o basbas, ipinapakita mo sa Ama sa Langit na handa kang hayaang gabayan ka Niya.
Kung mag-uukol ka ng oras na pag-aralan at pagnilayan ang mga inspiradong salita ng iyong patriarchal blessing, maaaring may makita kang bago at makapangyarihan sa tuwing babasahin mo ito!
2. Hanapin ang Inspiradong Payo
Habang pinag-aaralan mo ang iyong patriarchal blessing, isaisip ang anumang tanong mo. Ang mga tanong na ito ay maaaring tungkol sa kung saan ka mag-aaral hanggang sa kung sino ang pakakasalan mo. Bagama’t hindi sasabihin ng iyong blessing ang lahat para sa iyo, makakatulong ito na ituro sa iyo ang magandang direksyon. Gumawa ng listahan ng partikular na payo na natatanggap mo sa iyong patriarchal blessing. Isama ang listahang iyan sa iyong blessing para madalas mo itong matingnan at makita kung paano nagkaroon ng papel sa iyong buhay ang partikular na payo sa iyong patriarchal blessing.
3. Alamin ang Tungkol sa Iyong Lipi
Sinasabi sa iyo ng iyong patriarchal blessing kung saan sa labindalawang lipi ni Israel ka kabilang. At bilang mga miyembro ng sambahayan ni Israel, lahat tayo ay may responsibilidad na makibahagi sa gawain ng Panginoon sa mga huling araw. Anuman ang ating partikular na lipi, lahat tayo ay angkan ni Abraham, kaya tayong lahat ay may karapatan sa mga pagpapalang dumarating sa pamamagitan ng tipang Abraham. Pag-aralan ang mga pangako sa tipang iyon at kung paano mo magagampanan ang iyong responsibilidad na tipunin ang Israel.
4. Tuklasin ang mga Kaloob at Talento
Hanapin ang partikular na mga talento na ipinagkaloob sa iyo ng Panginoon. Maaaring hindi direktang maipahayag ng iyong blessing ang mga kakayahang ito, pero habang pinag-aaralan mo ang iyong blessing o basbas nang may tanong tungkol sa iyong mga kaloob at talento, maaaring marami ka pang malaman tungkol sa iyong sarili. Ang pagtuklas sa iyong mga banal na kaloob ay tutulong sa iyo na maisakatuparan ang iyong misyon sa buhay.
Ang mga patriarchal blessing ay sagrado at personal. Kaya mahalagang huwag ikumpara ang mga nilalaman ng iyong patriarchal blessing sa patriarchal blessing ng iba. Tulad ng sinabi ni Pangulong Monson: “Ang iyong patriarchal blessing ay sa iyo at sa iyo lamang. Maaaring ito ay maikli o mahaba, simple o malalim. Ang haba at mga salitang ginamit ay hindi mahalaga sa patriarchal blessing. Ang Espiritu ang naghahatid ng totoong kahulugan nito.”2
5. Alalahanin ang Iyong Banal na Kahalagahan
Ang iyong patriarchal blessing ay puno ng personal na patnubay mula sa iyong Ama sa Langit. Markahan ang mga salitang ginamit sa iyong blessing para ilarawan ang iyong identidad bilang anak ng Diyos. Ilista ang mga katangiang ito para makita kung paano nagsisilbing paalala ang mga ito sa iyong banal na kahalagahan. Habang hinahanap mo ang mga talatang naglalarawan sa kung sino ka, mas mauunawaan mo kung paano ka nakikita ng Diyos, at madaragdagan ang iyong patotoo tungkol sa iyong banal na kahalagahan.
6. Panatilihin ang Walang-Hanggang Pananaw
Bagaman ang iyong patriarchal blessing ay mapa na gagabay sa iyo sa buhay na ito, kompas din ito para patnubayan ka tungo sa kawalang-hanggan. Ang pagkakaroon ng walang-hanggang pananaw kapag pinag-aaralan mo ang iyong basbas ay susi sa pag-unawa sa kahalagahan nito at sa katotohanan na lahat ng ipinangakong pagpapala—na matatanggap man dito sa lupa o sa kabilang-buhay—ay matutupad. Gaya ng sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “May mga pagpapalang kaagad na dumarating, may ibang matagal dumating, at may ibang darating lamang sa kabilang-buhay; subalit sa mga tumatanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo dumarating ang mga ito.”3
Sa madalas na pagbabasa ng iyong patriarchal blessing at pagtuturing dito bilang personal na gabay sa iyong buhay, mahaharap mo nang may kumpiyansa ang mga hamon at desisyon na naghihintay sa iyo. Ang iyong kaalaman tungkol sa iyong pagkatao bilang anak ng mga magulang sa langit ay lalakas, at mas mauunawaan mo ang iyong misyon dito sa lupa.