2022
Paghahanap kay Cristo at sa mga Tipan: Mga Susi ni Nephi sa Pagbasa ng Lumang Tipan
Enero 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paghahanap kay Cristo at sa mga Tipan: Mga Susi ni Nephi sa Pagbasa ng Lumang Tipan

Nagbahagi si Nephi ng ilang ideya na makatutulong sa iyong pag-aaral.

malapitang kuha ng mga kamay na may hawak na kopya ng Lumang Tipan

Larawang kuha ni Bethany Ellice Draper

Gustung-gusto kong binabasa ang Lumang Tipan. Sa paglipas ng mga taon, natuklasan ko ang dalawang susi na dapat hanapin sa Lumang Tipan upang maghatid ng kagalakan at dagdag na pang-unawa: Si Cristo at ang mga tipan.

Narito ang ilang paraan na matatagpuan natin si Cristo at ang mga tipan sa ating pag-aaral ng Lumang Tipan sa taong ito.

Paghahanap kay Cristo

Si Nephi, na nabasa ang mga banal na kasulatan mula sa mga laminang tanso, ay nagsabing, “Masdan, ang aking kaluluwa ay nalulugod sa pagpapatunay sa aking mga tao ng katotohanan ng pagparito ni Cristo; sapagkat, sa layuning ito ibinigay ang mga batas ni Moises; at lahat ng bagay na ibinigay ng Diyos mula pa sa simula ng daigdig, sa tao, ay pagsasagisag sa kanya” (2 Nephi 11:4).

Matatagpuan natin si Jesucristo sa Lumang Tipan sa maraming paraan.

Ang Diyos ng Lumang Tipan

Dahil alam natin sa pamamagitan ng makabagong paghahayag na si Jesucristo ang Diyos ng Lumang Tipan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:3–4), makikita natin ang Kanyang kapangyarihan sa Paglikha at bilang Tagapagbigay ng Batas sa Bundok ng Sinai na nagtuturo sa Israel kung paano maging katulad ng Diyos. Nalaman natin ang tungkol sa Kanyang biyaya sa pagkatubos mula sa pagkaalipin sa Egipto, ang Kanyang pagmamahal sa pangangalaga sa Kanyang mga tao sa ilang at pagdadala sa kanila sa lupang pangako, at ang Kanyang patuloy na pag-aalala sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga propeta at pagpapatawad sa Israel nang pagsisihan nila ang kanilang mga kasalanan.

Mga Pagsasagisag kay Jesucristo

Maraming uri (o representasyon) kay Jesucristo sa mga kuwento sa Lumang Tipan, na karamihan ay nagpapahiwatig ng Kanyang pagdating gaya ng nakatala sa Bagong Tipan at sa Aklat ni Mormon. Ang kuwento tungkol kina Abraham at Isaac ay pagsasagisag sa pag-aalay ng Diyos Ama sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Iniligtas ni Jose ang kanyang mga kapatid mula sa pisikal na pagkagutom, tulad ng pagliligtas sa atin ni Jesucristo mula sa espirituwal na pagkagutom. Pinalaya ni Moises ang kanyang mga tao mula sa pagkaalipin tulad ng pagpapalaya ni Jesus sa atin mula sa kasalanan. Itinuro ng Panginoon sa mga anak ni Israel ang kapangyarihan ng pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala sa kuwento ng ahas na tanso sa ilang. Inihalimbawa nina Elijah at Eliseo ang Tagapagligtas nang pagalingin nila ang maysakit at binuhay ang patay.

Mga kabatiran tungkol sa Tagapagligtas ng Bagong Tipan

Si Jesucristo ay simbolikong nasa mga kuwento sa Lumang Tipan at sa batas ni Moises. Ang mga kuwento tungkol sa Paskua at sakripisyo sa batas ni Moises ay nakaturo kay Cristo. Sa pagsasagisag sa misyon ni Jesus, pinagaling ng mga propeta sa Lumang Tipan ang mga maysakit at binuhay ang mga patay. Sa pamamagitan ng propetang si Jeremias, nangako ang Panginoon sa atin ng “bagong tipan” (Jeremias 31:31; tingnan din sa talata 32).

Sa Bagong Tipan, dumating si Jesus bilang katuparan ng batas at ng mga propeta sa Lumang Tipan. Ibinigay niya ang bagong tipan sa Sermon sa Bundok at pinasimulan ang mga simbolo ng tipan sa pagkain ng Paskua sa Huling Hapunan. Tinuruan tayo ni Jesus na mahalin at paglingkuran ang isa’t isa habang pinagagaling Niya ang maysakit at binubuhay ang mga patay. Tinubos Niya tayo mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, at itinatag Niya ang Kanyang Simbahan sa lupa. Kapag kinilala natin si Jesus bilang Diyos ng Lumang Tipan, mas mabuti nating mauunawaan Siya sa Bagong Tipan.

Paghahanap ng mga Tipan

Itinuro rin sa atin ni Nephi na alamin ang mga tipan sa mga banal na kasulatan: “At ang aking kaluluwa ay nalulugod din sa mga tipan ng Panginoon na kanyang ginawa sa ating mga ama” (2 Nephi 11:5).

Binigyang-diin rin ni Pangulong Russell M. Nelson ang kahalagahan ng mga tipan. Sabi niya: “Ang pinakadakilang papuri na maaaring makamtan sa buhay na ito ay ang makilala bilang tagatupad ng tipan. Ang mga gantimpala para sa tumutupad sa tipan ay makakamtan kapwa dito at sa kabilang-buhay”1.

Napakagandang pangako! Kahit matapos mabinyagan at gumawa ng mga tipan sa templo, maaaring hindi natin matanto kung gaano kalaki ang epekto ng mga pangakong ito sa ating pang-araw-araw na buhay para sa kabutihan. Ngunit ipinapaalala sa atin ng Lumang Tipan kung ano ang tunay na kahulugan ng maging “mga pinagtipanang tao” at kung paano natin mas mauunawaan ang mga pagpapala at responsibilidad na kasama nito.

Ang pangunahing tipan na binanggit sa Lumang Tipan ay ang tipang Abraham. Mahahanap natin ang mga katotohanan tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo sa tipang ito, na umaakay sa atin tungo kay Jesucristo, kung kanino tayo makatatagpo ng kaligtasan.

Narito ang ilang paraan na tinutulungan tayo ng Lumang Tipan na mas maunawaan at matupad ang ating mga tipan.

Pag-unawa sa Ating Papel sa Tipang Abraham

Ang tipang Abraham ay sunud-sunod na mga pangako at pagpapalang ibinigay kay Abraham na nagpapatuloy hanggang sa panahong ito sa “bago at walang hanggang tipan” na ipinanumbalik ni Propetang Joseph Smith (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:30–31). Itinuro ni Pangulong Nelson:

“Ang Panginoon ay nagpakita sa mga huling araw na ito upang sariwain ang tipang Abraham. Sa Propetang Joseph Smith, sinabi ng Guro:

“Si Abraham ay tumanggap ng mga pangako hinggil sa kanyang mga binhi, at ng bunga ng kanyang mga balakang—kung kaninong balakang kayo ay nagmula, … aking tagapaglingkod na si Joseph. …

“‘Ang pangakong ito ay inyo rin, sapagkat kayo ay mula kay Abraham’ [Doktrina at mga Tipan 132:30–31].”2

Sa pamamagitan ng tipang ito, nilikha ng Panginoon ang isang matwid na pamilya kung saan maituturo Niya ang Kanyang ebanghelyo at madadala ang Kanyang mga anak kay Jesucristo. Itinuro sa atin ni Apostol Pablo na kung lalapit tayo kay Cristo, nagiging bahagi tayo ng pamilya ni Abraham: “Kung kayo’y kay Cristo, kayo nga’y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako” (Mga Taga Galacia 3:29; tingnan din sa talata 27). Sa pamamagitan ng tipang Abraham, ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naging sambahayan ni Israel at mga tagapagmana sa mga pagpapala ng tipang Abraham.

Matututuhan natin ang tungkol sa ating papel sa tipan sa pamamagitan ng pagsusuri sa buhay ng mga tao sa Lumang Tipan, pag-aaral ng mga pangako ng Panginoon sa Kanyang mga anak sa mga kautusan, at pakikinig sa mga sinaunang propeta na nagsumamo sa mga anak ni Israel na magsisi at sundin ang kanilang mga tipan.

Paghahanap ng mga Ipinangakong Pagpapala sa Pamamagitan ng Ating mga Tipan

Sa pagbabasa natin ng Lumang Tipan, maaari nating hanapin ang mga pahiwatig na isinasagawa ng Panginoon ang mga pangakong ginawa sa tipang Abraham. Ang tatlong pinakamahalagang pagpapala ay lupain, na sumisimbolo sa isang mana sa kaharian ng Ama sa Langit; ang mga inapo, na isang pangako ng walang hanggang pag-unlad; at mga pagpapala ng ebanghelyo at ng pagkasaserdote, “na mga pagpapala ng kaligtasan, maging ng buhay na walang hanggan” (Abraham 2:11).

Pinangakuan si Abraham na sa pamamagitan ng kanyang binhi “ang lahat ng [mag-anak] sa lupa ay pagpapalain” (Genesis 12:3). Nangangahulugan ito na si Jesucristo ay paparito sa daigdig sa pamamagitan ng angkan ni Abraham at pagpapalain ang lahat ng bansa sa mundo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Mga Taga Galacia 3:16).

Anong mga pagpapala ang nakikita ninyo sa inyong buhay ngayon dahil sa tipang Abraham?

Ang Tungkuling Tipunin ang Israel

Kasama sa mga pagpapala, ang pagiging bahagi ng tipang Abraham ay kinabibilangan ng ilang responsibilidad. Sa pag-aaral ng Lumang Tipan, natututuhan natin kung paano mamuhay ayon sa ating mga tipan. Bilang pamilya ni Abraham, ang mga miyembro ng Simbahan ay tinawag upang tipunin ang Israel. Kapag nakikibahagi tayo sa gawaing misyonero, ministering, gawain sa templo, mga tungkulin sa Simbahan, at pagtuturo at pagpapalaki ng ating pamilya, tinitipon natin ang Israel sa pamamagitan ng paglalapit sa iba kay Cristo.

Itinuro ni Pangulong Nelson, “Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag [at mga ordenansa] sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel.”3

Matutong Mahalin ang Lumang Tipan

Sa taong ito habang binabasa mo ang Lumang Tipan para sa pag-aaral natin ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, matututuhan mong mahalin ang mga turo nito sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Nephi ng paghahanap sa dalawang temang ito: Si Cristo at ang mga tipan. Sa paggawa nito, mas mauunawaan mo si Jesucristo, ang Kanyang Pagbabayad-sala, at ang Kanyang ebanghelyo. Marami ka ring matututuhan tungkol sa “bago at walang hanggang tipan” at sa tungkulin ninyo rito bilang disipulo ni Cristo at bilang miyembro ng sambahayan ni Israel.

Ang mga kuwento at turo sa Lumang Tipan ay makatutulong sa atin na mapalalim ang ating kaugnayan sa Tagapagligtas at sa ating pang-unawa at katapatan sa sarili nating mga tipan.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Mga Tipan,” Liahona, Nob. 2011, 88.

  2. Russell M. Nelson, “Mga Tipan,” 87.

  3. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org; pagbibigay-diin sa orihinal.