2022
Mayroon Silang Aklat ni Mormon Dito!
Enero 2022


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Mayroon Silang Aklat ni Mormon Dito!

Habang hawak ko ang Aklat ni Mormon, nadama ko na naglaho ang aking mga pasanin sa init ng pagmamahal ng Tagapagligtas.

Larawan
hand holding a copy of the Book of Mormon

Larawang kuha ni Jacob A. Brown

Isang Sabado sa kalagitnaan ng taglamig, sinamantala naming mag-asawa ang maaliwalas ngunit malamig na panahon para mas makilala ang mga kapitbahay namin. Kamakailan ay lumipat kami nang libu-libong kilometro mula sa aming tahanan papunta sa East Coast ng Estados Unidos para magpatuloy sa pag-aaral at pagtatrabaho.

Nagpasiya kaming maglakad papunta sa isang kalapit na unibersidad na pareho naming hindi nabisita. Kalauna’y natagpuan namin ang pangunahing silid-aklatan [main library] ng unibersidad. Mahilig kaming magbasa, at gustong usisain ng asawa ko, na isang graduate student, kung anong resources ang matatagpuan niya para sa kanyang pag-aaral. Dahil pinag-aaralan niya ang kasaysayan ng relihiyon, nagbasa-basa kami sa bunton ng mga aklat sa religion section ng silid-aklatan. Nang mabilisan naming basahin ang ilan sa mga kawili-wiling pamagat, napansin ko ang isang maliit na aklat na may pamilyar na asul na pabalat.

“Mayroon silang Aklat ni Mormon dito!” tuwang-tuwang bulong ko.

Kinuha ko ang aklat mula sa istante. Mas lumang kopya iyon, at inisip ko kung gaano katagal nang naroon iyon. Ang napansin ko talaga ay ang maliit na nakasingit na nakadikit sa loob ng pabalat sa harapan.

Ang nakasingit ay maikling patotoo ng isang mag-asawa mula sa Blackfoot, Idaho, USA. Sa kanilang patotoo, ipinaliwanag nila kung ano ang Aklat ni Mormon at kung bakit ito mahalaga. Nagbahagi sila ng maikli ngunit malakas na patotoo tungkol sa aklat, at inanyayahan nila ang mambabasa na manalangin upang malaman kung ito ay totoo.

Simple lang ang kanilang sinabi roon, ngunit agad tumagos sa puso ko ang mensahe nila. Marahil ay nilayon ng mag-asawang ito na mabasa ng mga hindi natin kapanalig ang kanilang patotoo. Marahil ay naibigay nila ang kopyang ito sa isang taong kilala nila. Sino ang nakakaalam kung ilang tao na ang nakahawak dito o ilang kilometro na ang nalakbay nito bago nakarating sa silid-aklatan ng unibersidad?

Habang hawak ko ang aklat, pinuspos ng Espiritu ang puso ko. Sumandaling naglaho ang aking mga pasanin sa init ng pagmamahal ng Tagapagligtas.

Ang araw na iyon sa silid-aklatan ay patuloy na nagpapaalala sa akin ng mga pagpapalang natatanggap ko sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon at sa kahalagahan ng pagbabahagi ng aking patotoo tungkol dito. Ang ating patotoo ay maaaring mahulog “sa batuhan” o “sa mabuting lupa” (tingnan sa Mateo 13:3–9), ngunit mahalagang ibahagi natin ang mga ito. Titiyakin ng Diyos na maihahatid ang mga ito sa tamang panahon, sa tamang lugar, at sa tamang mga tao.

Print