Gawing Totoo ang mga Banal na Kasulatan para sa Ating mga Anak
Ikonsidera ang mga ideyang ito para matulungan ang mga anak na madama ang katotohanan at epekto ng mga banal na kasulatan.
Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Sa klase ko sa Primary, si Brandon at ang kanyang kaibigan ay nakasuot ng bath robe kasama ang buong klase na nakatayo sa likod ng isang natitiklop na upuan. Isinasadula namin ang kuwento nina Alma at Amulek noong sinusunog ang mga taong matwid, at si Brandon ang gumaganap bilang Alma. Habang binabasa niya ang banal na kasulatan kung saan pinigilan ng Espiritu si Alma na iligtas ang mga tao, tumulo ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Sa huli ay tiningnan niya ako na parang nagmamakaawa, “Sister Boyack, hindi ko po kayang basahin ito! Napakalungkot po nito!”
Karaniwan ay walang pakialam si Brandon sa klase. Ngunit nang araw na iyon, nadama niya nang malakas ang espiritu. Noong araw na iyon ang Aklat ni Mormon ay naging totoong-totoo sa kanya.
Gawing Totoo ang mga Banal na Kasulatan
Ang kautusang ibinigay ng Panginoon kay Adan ay angkop din sa atin: “Ituro ito sa iyong mga anak, na ang lahat ng tao, sa lahat ng dako, ay kinakailangang magsisi, o sila sa anumang paraan ay hindi makamamana ng kaharian ng Diyos,” (Moises 6:57). Nagpatuloy ang Panginoon sa gayon ding mga salita, “Ako ay nagbibigay sa iyo ng isang kautusan, na malayang ituro ang mga bagay na ito sa iyong mga anak” (Moises 6:58).
Bilang mga adult na nagmamalasakit sa mga bata, nais nating tulungan sila na matutong mahalin ang mga banal na kasulatan. Ang isang paraan para magawa natin ito ay gawing totoo ang mga banal na kasulatan sa kanila. Ang mga bata ay matutuwa at handang magtakda ng mga mithiin na pag-aralan ang Lumang Tipan kung magtuturo tayo sa kanila sa paraang nadarama nila na ang mga banal na kasulatan ay nauugnay sa kanilang buhay (tingnan sa 1 Nephi 19:23).
May ilang paraan para matulungan natin ang ating mga anak na madama ang katotohanan at epekto ng mga banal na kasulatan.
Dula-dulaan
Ang mga kuwento sa Lumang Tipan ay magiging kasiya-siya at totoo sa pamamagitan ng dula-dulaan. Pagsusuot man ito ng damit na tulad ni Noe at pagtitipon ng lahat ng kanilang mga stuffed toy na mga hayop sa “arka,” paggawa ng isang “kuweba” sa ilalim ng mesa na may stuffed toy na leon sa loob nito at ang inyong maliit pang anak na lalaki ang gumaganap bilang matapang na si Daniel, o ang inyong anak na babae ang gumaganap bilang matapang na propetang si Debora na pinamumunuan ang kanyang mga kapatid bilang mga hukbo ng Israel, nagiging kasiya-siya at totoo ang mga kuwento sa Lumang Tipan sa dula-dulaan.
Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na iyon ilang dekada na ang nakararaan noong nakaupo ako sa early-morning seminary sa Michigan. Tinatalakay ng titser ko ang tungkol sa misyon sa mga Zoramita sa Aklat ni Mormon. Bigla-bigla siyang tumayo sa ibabaw ng mesa at binasa nang malakas ang panalangin sa Ramiumptum. Iyon ang nakagising sa aming lahat! Maraming taon na iyon, pero nanatili iyon sa aking isipan. Isang grupo ng mga tinedyer ang lubos na naimpluwensyahan ng isang titser na nagsadula.
Sa nakaraang mga taon, natutuwa ang bawat isa sa aking mga anak na lalaki sa pagtayo sa likod ng aming sopa at pagkukunwaring siya si Samuel, ang Lamanita, na nangangaral mula sa pader o may hawak na isang tungkod na tulad ni Moises at nagsasabing, “Hayaan mong umalis ang aking [mga tao]!”
Kapag naranasan ng mga bata ang pagsasadula ng mga kuwento sa mga banal na kasulatan, nagiging lubos na totoo sa kanila ang mga banal na kasulatan.
Kapaligiran
Para sa mga bata, ang pagkakaroon ng mga totoong karanasan ay tumutulong sa kanila na matutuhan, maunawaan, at maipamuhay ang kaalaman. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pag-set-up ng isang kapaligiran para maiugnay ang mga banal na kasulatan sa mga bagay na nasa paligid nila at sa kanilang buhay. Halimbawa, noong maliit pa ang apat naming anak, magkakasama naming pinag-aaralan ang Aklat ni Mormon. Isang home evening ang idinaos namin sa aming tolda, kung saan pinag-usapan namin ang tungkol kay Lehi at sa kanyang pamilya na naglakbay sa ilang. Pinag-usapan namin kung ano kaya ang naramdaman ng pamilya ni Lehi nang maglakbay at manirahan sila sa isang tolda sa loob ng mahabang panahon. Naging kasiya-siya at totoo sa kanila ang kuwento.
Kapag ang itinuturo ninyo ay ang tungkol sa nalaman ni Abraham tungkol sa mga bituin at kalangitan, malaki ang magagawang kaibhan ng kapaligiran. Ilarawan sa isipan na ang lesson na iyon ay itinuro sa gabi, na nakahiga sa damuhan kasama ang inyong mga anak sa ilalim ng mga bituin. Ang karanasan ni Abraham ay magiging makabuluhan sa kanila sa mas malalim na paraan.
Sa halip na basahin lamang ang tungkol sa pagguho ng mga pader ng Jerico, maaari kayong umupo sa tabi ng isang mataas na pader at basahin ang kuwento roon. Ang mga bata ay lubos na mamamangha sa himala.
Sa halip na pag-usapan lang ang tungkol sa pagtatayo ni Solomon ng templo, maaari ninyong dalhin ang inyong mga anak sa templo kung may malapit na templo sa inyo at basahin ang kuwento sa loob ng bakuran ng templo at pag-usapan kung gaano kahalaga ang bahay ng Panginoon sa kanilang buhay.
Sa halip na talakayin lamang ang tungkol sa mga miyembro ng sambahayan ni Israel na papunta sa lupang pangako, maaari kayong mag-hiking ng mga anak ninyo at kumanta ng mga awit sa Primary habang naglalakbay.
Ang mga karanasan ay maaaring maging napakainam para matulungan ang mga bata na madama ang katotohanan ng mga kuwento sa mga banal na kasulatan na kanilang naririnig at nababasa. Ang gayong mga karanasan ay lilikha rin ng magagandang alaala para sa inyong mga anak na gagawing kasiya-siya at totoo ang mga banal na kasulatan sa kanila.
Pagtatanong
Matutulungan natin ang mga bata na mas maunawaan ang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagtatanong.
“Ano ang madarama ninyo kung walang nakikinig sa inyo?” Ginagawa nitong totoo ang kuwento ni Noe.
“Ano kaya ang pakiramdam ng mabilanggo sa ibang bansa kung saan walang sinumang naniniwala sa Diyos tulad mo?” Ginagawa nitong totoo ang kuwento ni Jose.
“Ano kaya ang pakiramdam na maihagis sa nagniningas na hurno?” Ginagawa nitong totoo ang kuwento nina Shadrac, Meshac, at Abednego.
Kapag nagtatanong tayo, mahalaga na malayang maipahayag ng ating mga anak ang kanilang pananaw nang walang pamumuna. Hayaan silang magsalita. Hayaan silang iproseso ang kuwento. At hikayatin silang magtanong ng maraming bagay na naisip nila.
Ipamuhay
Ang ilan sa pinakamagandang bagay na maitatanong natin ay makatutulong sa mga bata na maipamuhay ang mga banal na kasulatan.
“Ano ang natutuhan ninyo sa karanasan ni Joseph Smith? Naisip na ba ninyong manalangin para humingi ng mga sagot? Ano ang mga naging karanasan ninyo?”
“Habang binabasa ninyo ang tungkol kay Jonas na nasa loob ng balyena, paano ito tumutulong sa inyo na piliing sundin ang mga kautusan ng Diyos?”
“Ano sa palagay ninyo ang nadama ni Maria nang sabihin sa kanya ng anghel na magkakaroon siya ng anak na Anak ng Diyos? Paano ito tumutulong sa inyo na sundin ang plano ng Diyos para sa inyong buhay?”
Lalong mahalagang ipamuhay ito ng ating mga tinedyer kapag sinisimulan nilang isaalang-alang ang doktrina at mga alituntunin na itinuro sa mga banal na kasulatan at iniuugnay ito sa kanilang buhay. Ang pagpapamuhay ay tumutulong din sa pagpapatibay na karamihan sa mga sagot sa kanilang mga tanong ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan at na ang mga banal na kasulatan ay nauugnay sa kanilang mga karanasan sa buhay.
Mga Uri ng Pagkatuto
Pinakamainam na natututo ang mga tao sa iba’t ibang paraan—ang ilan ay sa pamamagitan ng biswal tulad ng pagbabasa; ang iba ay sa pakikinig: at ang iba naman ay sa pagkilos tulad ng paglalakad-lakad, paggawa ng isang aktibidad, o paggawa ng isang bagay gamit ang kanilang mga kamay.
Para matulungan ang mga anak na maunawaan at maipamuhay ang mga banal na kasulatan, pinakamainam na gamitin ang paraan na tugma sa estilo nila sa pag-aaral. Makatutulong na alamin kung anong uri ng estilo ang epektibo sa bawat bata. Maaaring makipagtulungan ang mga titser sa Primary sa mga magulang upang maunawaan ang mga estilo sa pag-aaral ng mga bata upang maiangkop ng mga titser ang kanilang mga pamamaraan sa pagtuturo para matulungan ang bawat bata.
Ang mga visual learner ay matututo sa pagkakaroon ng sarili nilang set ng mga banal na kasulatan upang mabasa at mamarkahan nila ang mga ito. Maaari rin kayong maglagay ng mga larawan mula sa mga kuwento sa mga banal na kasulatan sa kanilang mga silid o saanman sa tahanan.
Ang mga auditory learner ay nasisiyahang makinig sa mga banal na kasulatan. Maaaring basahin nang malakas ng mga bata ang mga banal na kasulatan, pakinggan ang mga ito sa kanilang mga computer o device, o ipabasa ang mga ito sa kanilang magulang o kapatid.
Ang mga tactile learner ay nangangailangan ng pisikal na aktibidad bilang bahagi ng kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari ninyo silang anyayahang magdrowing ng larawan ng kuwento sa banal na kasulatan habang binabasa ninyo ito. Makatutulong din sa mga batang ito ang pagkakaroon ng sarili nilang mga banal na kasulatan kung saan maaari nilang markahan o kulayan ang mga ito.
Kapag pinagsama-sama ang mga estilo sa pag-aaral, nagagawa nitong lalong kasiya-siya at totoo ang mga banal na kasulatan. Kaya sa halip na talakayin lamang ang tungkol kay Moises at sa Sampung Utos, mas madali nilang matututuhan ito kapag nagpagawa kayo ng mga tapyas na bato na yari sa luwad o nagpadrowing ng tungkol kay Moises na tinatanggap ang Sampung Utos sa bundok habang ikinukuwento ninyo ito sa kanila. Habang pinag-aaralan ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, magbigay ng mga krayola o lapis na may kulay at ipa-color-code sa mas nakatatandang mga anak ang kanilang mga banal na kasulatan habang idinodrowing ng maliliit na anak ang binabasang kuwento ni Inay o Itay sa mga banal na kasulatan. Ito ay kumbinasyon ng visual, auditory, at tactile learning na lubos na mabisa.
Makagagawa tayo ng maraming bagay na tutulong sa mga banal na kasulatan na maging totoo sa ating mga anak. Kapag ginawa natin ito, mas marami pang matututuhan ang ating mga anak mula sa mga banal na kasulatan, mas masisiyahan sila sa mga ito, at higit na epektibong maipamumuhay ang mga ito. Umaasa tayo na sa paraang ito mamahalin nila nang lubos ang mga banal na kasulatan. At sulit ang lahat ng pagsisikap natin dito.