2022
Ang Pagkahulog ay Bahagi ng Plano ng Diyos
Enero 2022


Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo

Ang Pagkahulog ay Bahagi ng Plano ng Diyos

Dahil sa Pagkahulog, naparito tayo sa lupa at makababalik balang-araw upang makapiling ang ating Ama sa Langit.

Adam and Eve holding their infant child

Adam and Eve in the Garden of Eden [Sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden], ni Robert T. Barrett; Adam and Eve Cast Out of the Garden [Pinalayas sina Adan at Eva sa Halamanan], ni Gary L. Kapp, hindi maaaring kopyahin; Adam and Eve [Adan at Eva], ni Jay Bryant Ward; The Resurrection [Ang Pagkabuhay na Mag-uli], ni Harry Anderson

Sa Halamanan ng Eden, iniutos ng Diyos kina Adan at Eva na huwag kainin ang bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama. Pagkatapos ay sinabi Niya sa kanila, “Ikaw ay maaaring mamili para sa iyong sarili, … subalit, pakatandaan na ito ay aking ipinagbabawal” (Moises 3:17). Tinukso ni Satanas si Eva na kainin ang bunga. Sinabi niya rito, “Kayo ay magiging tulad ng mga diyos, na nakakikilala ng mabuti at masama” (Moises 4:11). Kinain ni Eva ang bunga at pagkatapos ay binigyan niya si Adan. Pinaalis sila ng Diyos mula sa Halamanan ng Eden.

Ang Pagkahulog

Adam and Eve leaving the Garden of Eden

Nang nilisan nina Adan at Eva ang Halamanan ng Eden, wala na sila sa presensya ng Diyos. Ang pagkawalay na ito mula sa Diyos ay tinatawag na espirituwal na kamatayan. Ang pag-alis sa halamanan ay nangangahulugan din na sina Adan at Eva ay naging mortal at sa gayon ay maaaring mamatay. Bagama’t sina Adan at Eva ay hindi na kasama ng Diyos at ngayon ay mga mortal na, sila ay nagalak at napuno ng pag-asa nang malaman nilang maaari silang umunlad (tingnan sa Moises 5:10–11). “Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25).

Panahon ng Pagsubok

Nang isinilang tayo, nabuhay tayo nang malayo sa Diyos, tulad ng ginawa nina Adan at Eva pagkatapos ng Pagkahulog. Inuudyukan tayo ni Satanas na piliin ang masama. Ang mga panunuksong ito ay nagtutulot sa atin na masubukan at pumili sa pagitan ng tama at mali (tingnan sa Alma 12:24). Tuwing nagkakasala tayo at hindi nagsisisi, lalo tayong lumalayo sa Ama sa Langit. Ngunit kung magsisisi tayo, mas mapapalapit tayo sa ating Ama sa Langit.

Pisikal na Kamatayan

Ang mundo ay nilikha para sa atin (tingnan sa 1 Nephi 17:36). Ginawang posible ng Pagkahulog na maisagawa nina Adan at Eva ang utos ng Diyos na magkaroon ng mga anak, na nagtulot sa atin na pumarito sa lupa sa pisikal na katawan. Ang ating katawan ay mamamatay balang-araw, ngunit patuloy na mabubuhay ang ating mga espiritu. Ang ating mga katawan at espiritu ay magsasamang muli kapag tayo ay nabuhay na mag-uli.

Iniligtas ni Jesucristo

The resurrected Jesus Christ appearing to Mary Magdalene at the empty tomb

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo, madaraig natin ang pisikal at espirituwal na kamatayan. Dahil si Cristo ay nabuhay na mag-uli, lahat ng isinilang sa mundong ito ay mabubuhay na mag-uli at mabubuhay magpakailanman. At dahil nagdusa si Cristo para sa ating mga kasalanan, maaari tayong magsisi at mapatawad upang makapiling nating muli ang ating Ama sa Langit.