2022
Ang Unan sa Sahig
Enero 2022


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Unan sa Sahig

Masaya akong tulungan ang aking ina sa gawaing-bahay, pero bakit palagi akong nakakakita ng unan sa sahig?

cushion

Sa loob ng maraming taon, bumibisita ako sa bahay ng aking ina para tulungan siya sa kanyang gawaing-bahay. Siya ay 80 taong gulang at tapat na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Mag-isa nang namuhay ang aking ina mula nang pumanaw ang aking ama. Ang kanyang pinakamalaking kasiyahan ay ang pagbisita sa tahanan ng bawat isa sa kanyang tatlong anak, pag-uukol ng panahon sa kanila at sa kanyang mga apo, at pagluluto ng pagkain na nakapagpapasigla.

Tuwing bibisitahin ko ang bahay ng aking ina para linisin ito at siguruhing maayos ang lahat, nakakakita ako ng isang lumang unan sa sahig. Paulit-ulit ko itong dinarampot at inilalagay sa isang silya, nagrereklamo sa sarili ko tungkol sa kapabayaan ng aking ina.

Sa susunod na pagbalik ko para bisitahin at tulungan ang aking ina, nakita kong muli ang unan sa sahig. Hindi ko binanggit kailanman sa aking ina ang tungkol sa unan, pero isang umaga nalaman ko sa wakas kung bakit lagi itong nasa sahig.

Kailangan ng aking ina ng malambot na mapagluluhuran kapag nagdarasal. Matanda na siya, pero ang kanyang di-natitinag na pananampalataya ang nagbubunsod sa kanya na lumuhod sa panalangin araw-araw. Ipagdarasal niya ang kanyang mga anak at apo. Ipagdarasal niya ang kanyang mga kaibigan. Ipagdarasal niya ang mga lubos na nangangailangan. At ipagdarasal niya ang mga taong mahal na niya noon pa man at, kahit sa kanyang katandaan, ay bukas-palad pa ring pinangangalagaan.

Ngayon, hindi na ako nagrereklamo kapag nakikita ko ang unan sa sahig. Kung minsan, lumuluhod pa ako sa malambot na unang ito para manalangin sa Ama sa Langit, nagpapasalamat sa pananampalataya at halimbawa ng aking ina.