Hanapin si Jesucristo sa Lumang Tipan
Ang limang katotohanang ito ay makatutulong sa atin na makilala ang ating Tagapagligtas sa pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan sa taong ito.
Isang araw, nakasalubong ni Jesucristo ang dalawa sa Kanyang mga disipulo sa daan sa pagitan ng Jerusalem at Emaus. Habang naglalakad sila, itinuro Niya sa kanila ang tungkol sa Kanyang tungkulin tulad ng inilarawan sa mga banal na kasulatan na tinutukoy natin ngayon bilang Lumang Tipan.
“At magmula kay Moises at sa mga propeta ay ipinaliwanag niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kanya sa lahat ng mga kasulatan” (Lucas 24:27). Ang malaman ang tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon ay isang malalim na espirituwal na karanasan para sa mga disipulo, at nagsumamo sila sa Kanya na lumagi pa nang mas matagal (tingnan sa Lucas 24:28–32).
Tulad ng mga naunang tagasunod ni Cristo, may pagkakataon tayong makilala ang ating Tagapagligtas sa mas makabuluhang paraan sa pagsasaliksik natin sa Lumang Tipan sa taong ito. Ang talaang ito, lakip ang mga aklat nina Moises at Abraham sa Mahalagang Perlas, ay nagbibigay sa atin ng mas lubos na pang-unawa kung sino Siya—ang Kanyang likas na pagkatao, Kanyang misyon, at sa kaugnayan Niya sa Kanyang Ama at sa bawat isa sa atin. Kailangan natin ang pagkaunawang ito upang matanggap ang kaloob na buhay na walang hanggan (tingnan sa Juan 17:3).
Nasa ibaba ang limang katotohanan na makatutulong sa atin na makilala at mas maunawaan si Jesucristo sa buong sinauna at banal na aklat na ito.
Unang Katotohanan: Si Jesucristo ay si Jehova
Sa Bagong Tipan, mababasa natin ang isang pagkakataon na tinukoy ni Jesucristo ang Kanyang Sarili bilang si Jehova (tingnan sa Juan 8:58, footnote b). Ang mga tao ay nagalit at tinangka nilang batuhin Siya dahil sa kalapastanganan (tingnan sa Juan 8:59). Hindi nila natanto ang isang mahalagang katotohanan na patuloy na hindi nauunawaan nang tama ng marami ngayon: na si Jesucristo ay si Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan.1
Marahil bahagi ng dahilan kung bakit madalas na mali ang pagkaunawa sa identidad ng Tagapagligtas sa Lumang Tipan ay dahil ang pangalang “Jesucristo” ay hindi ginamit sa aklat. Sa halip, gumamit ang mga awtor ng ilang titulo para tukuyin Siya, tulad ng “Diyos,” “Ako nga,” o “ang Panginoon.”2 Kapag nalaman na natin ito, mas malinaw nating nakikita si Jesucristo sa buong banal na kasulatan. Halimbawa:
-
Nang nakipag-usap si Moises sa “Diyos” sa nagliliyab na palumpong, ang kinakausap niya ay si Jesucristo (tingnan sa Exodo 3:6)3
-
Gayundin, ipinakilala ni Jesucristo ang Kanyang sarili bilang “ang Dakilang Ako nga” kay Joseph Smith (Doktrina at mga Tipan 29:1).
-
Tinawag si Juan na Tagapagbautismo upang ihanda ang daan ng “Panginoon” (Mateo 3:3). Ito ay katuparan ng Isaias 40:3, na nagpopropesiya tungkol kay Jesucristo.
-
Tingnan ang chart sa pahina 17 para sa iba pang mga halimbawa tungkol kay Jehova sa buong banal na kasulatan.
Pangalawang Katotohanan: Ang mga Bagay at Pangyayari ay Makapagtuturo sa Atin tungkol sa Ating Tagapagligtas
Ang Lumang Tipan ay sagana sa mga simbolo at kuwento na makapagpapaalala sa atin sa tulong na ibinibigay ng Tagapagligtas. Halimbawa:
-
Maraming banal na kasulatan ang naglalarawan ng mga pagkakataon kung saan iniutos sa matatapat na tao na mag-alay ng mga hayop bilang bahagi ng kanilang pagsamba. Halimbawa, sinabihan ang mga anak ni Israel na mag-alay ng isang kordero bilang hain at markahan ang kanilang mga pintuan ng dugo nito. Ang mga taong gumawa nito ay naprotektahan mula sa nakamamatay na salot sa Egipto. Ang gayong mga sakripisyo ay nagpapaalala sa atin na si Jesucristo, ang Kordero ng Diyos, ay itinulot ang Kanyang sarili na mapatay bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ang Kanyang pagsasakripisyo ay nagligtas sa atin mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan. (Tingnan sa Exodo 12:13.)
-
Nang kailanganin ng propetang si Elias na tumakas at magtago sa disyerto para iligtas ang kanyang buhay, nalungkot siya at hiniling na siya’y mamatay na sana. Habang siya ay natutulog, himalang may lumitaw na tinapay at tubig upang pangalagaan at pasiglahin siya, pinalalakas siya na magpatuloy. Maipapaalala nito sa atin na si Jesucristo ang Tubig na Buhay at Tinapay ng Kabuhayan. Siya ang ating pinakadakilang pinagkukunan ng pag-asa. (Tingnan sa 1 Mga Hari 19:1–8.)4
-
“Ilawan sa aking mga paa ang salita mo,” isinulat ng isang mang-aawit (Mga Awit 119:105; idinagdag ang pagbibigay-diin). Nagpatotoo si Mikas, “Kapag ako’y naupo sa kadiliman, ang Panginoon ay magiging aking ilaw” (Mikas 7:8; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ipinapaalala sa atin ng kanilang mga salita na si Jesucristo ang Ilaw ng Sanglibutan, na gumagabay sa atin pabalik sa ating tahanan sa langit.
Habang nagbabasa ka, maaaring makakita ka ng iba pang mga bagay na nagpapaalala sa iyo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang kakayahang iligtas tayo—tulad noong maligtas ang pamilya ni Noe mula sa baha habang nasa arka, o nang bigyan ng panahon si Jonas na magsisi habang nasa loob ng balyena. Ang mga pangyayaring ito ay magpapaalala sa atin na matutulungan tayo ng Tagapagligtas na makayanan ang mga pagsubok sa buhay, at lagi Niya tayong bibigyan ng mga pagkakataong makabalik sa tamang landas. (Tingnan sa Genesis 7:1; Jonas 1:17.)
Pangatlong Katotohanan: Si Jehova ay Isang Diyos na Personal na may Ugnayan sa Tao
Kung minsan tila ang Diyos ng Lumang Tipan ay magagalitin at mapaghiganti. Dapat nating isaisip na ang mga orihinal na may-akda ng aklat ay mula sa mga sinaunang kultura na may mga kaugalian at paglalarawan na maaaring mahirap para sa atin na lubos na maunawaan ngayon. Ang manwal na Pumarito Ka,Sumunod Ka sa Akin, mga talakayan sa grupo, at kaliwanagan mula sa Espiritu Santo ay makatutulong sa atin na mapagtugma ang nabasa natin sa Lumang Tipan sa nalalaman natin tungkol kay Jesucristo mula sa iba pang mga aklat ng banal na kasulatan.
At narito ang isang kapansin-pansing katangian ni Jehova na magiging pamilyar sa mga estudyante ng Tagapagligtas: Siya ay isang Diyos na personal na may ugnayan sa tao. Ang Kanyang pamamagitan, kapwa sa maringal at maliit na paraan, ay nagpapakita na lagi Siyang handang iligtas ang mga taong nagtitiwala sa Kanya. Narito ang ilang halimbawa ng Kanyang ministeryo sa Lumang Tipan:
-
Matapos lumabag sina Adan at Eva, dinamitan, o tinakpan sila, ng Panginoon ng mga kasuotang balat (tingnan sa Genesis 3:21). Ang ibig sabihin ng salitang Hebreo para sa Pagbabayad-sala ay “takpan” o “magpatawad.”
-
Inanyayahan Niya si Enoc na lumakad kasama Niya (tingnan sa Moises 6:34) at itinaas ang mga tao ng Sion (tingnan sa Moises 7:69).
-
Inihanda niya si Jose upang mailigtas ang pamilya nito at napakaraming iba pa mula sa pagkagutom (tingnan sa Genesis 37–46).
-
Pinamunuan niya ang mga anak ni Israel papunta sa ilang (tingnan sa Exodo 13:21–22).
-
Dinalaw niya sina Aaron at Miriam upang palakasin ang kanilang pananampalataya sa buhay na propeta (tingnan sa Mga Bilang 12:5).
-
Ginabayan Niya si Ruth at iningatan ang Kanyang mga ninuno sa pamamagitan nito (tingnan sa Ruth 3:10–11; 4:14–17).
-
Tinawag Niya ang batang si Samuel sa pangalan (tingnan sa 1 Samuel 3:3–10).
-
Binigyan Niya si Esther ng lakas-ng-loob na iligtas ang mga tao nito (tingnan sa Esther 2:17; 8:4–11).
Pang-apat na Katotohanan: Tinutulungan Tayo ni Jesucristo na Labanan ang Ating mga Digmaan
Kung minsan ang buhay sa araw-araw ay parang labanan. Tunay ngang tayo ay nasa gitna ng espirituwal na digmaan sa pagitan ng mabuti at masama, hindi naiiba sa mga digmaang inilarawan sa Lumang Tipan. Kasama ng mga mandirigma noong sinauna, isinasamo natin, “Gabayan Kami, O Jehova.”5 Sa mga banal na kasulatang ito, naririnig natin ang Kanyang nakapapanatag na sagot:
-
“Hindi kita iiwan ni pababayaan man” (Josue 1:5).
-
“Huwag kayong matakot, at huwag kayong panghinaan ng loob sa napakaraming taong ito, sapagkat ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo, kundi sa Diyos” (2 Cronica 20:15).
-
“Aking palalakasin ka; … oo, ikaw ay aking aalalayan” (Isaias 41:10).
-
“Ako’y kasama mo na magliligtas sa iyo” (Jeremias 1:8).
Panlimang Katotohanan: Ang mga Pangako ng Panginoon ay Magpapatuloy
Mas konektado tayo sa matatapat na tao sa Lumang Tipan kaysa inaakala natin. Inasam at isinulat ng mga sinaunang tagakita ang tungkol sa mortal na buhay ni Jesucristo. Halimbawa, inilarawan ni Isaias ang Panginoon gamit ang mga salitang nakaaantig kaya naging bahagi ang mga ito ng musikang madalas nating iparinig at pakinggan sa Pasko ng Pagkabuhay at Kapaskuhan (tingnan sa Isaias 7; 9; 40; at 53).6
Tulad ng mga propetang iyon, inaasam din natin ang pagparito ni Cristo—sa pagkakataong ito ay inaasam ang Kanyang pagbabalik upang personal Siyang maghari sa mundo.7 At habang inihahanda natin ang mundo para sa Kanyang Ikalawang Pagparito, humuhugot tayo ng lakas mula sa mga katotohanan at pangako na unang nakatala sa Lumang Tipan, tulad ng:
-
Mga patriarchal blessing, na kinapapalooban ng pagpapahayag ng sambahayan ni Israel na kinabibilangan natin. Ang tipang ginawa ng Panginoon kay Abraham libu-libong taon na ang nakalipas ay angkop sa atin bilang mga pinagtipanang miyembro ng Simbahan ngayon, anuman ang ating lipi. (Tingnan sa Genesis 13:14–17; Abraham 2:9–11.)
-
Ang utos na panatilihing banal ang araw ng Sabbath, na sinabi ng Panginoon na magiging “isang tanda sa akin at sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, upang inyong makilala na akong Panginoon ang nagpapabanal sa inyo” (Exodo 31:13).
-
Ang mga sagradong paghuhugas, pagpapahid ng langis, at kasuotan na bahagi ng pagsamba sa templo ngayon ay unang ibinigay kay Aaron at sa kanyang mga inapo (tingnan sa Levitico 8).
Isipin kung gaano karaming mabubuting lalaki at babae ang nagsakripisyo upang dalhin tayo sa puntong ito ng kasaysayan ng sangkatauhan. Nakasalig tayo sa kanilang mga sagradong gawain at tulad nila ay minimithi din ang isang mundong pinamumunuan ng Tagapagligtas. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Pagkaraan ng 4,000 taon ng paghihintay at paghahanda, ito ang takdang araw kung kailan ang ebanghelyo ay dadalhin sa mga tao sa mundo. Ito ang panahon ng ipinangakong pagtitipon ng Israel. At kabahagi tayo!”8
Isang Mahaba at Mahalagang Taon ng Pag-aaral
Nasa ating mga kamay ang kuwento ng simula ng sangkatauhan—ang ating kuwento bilang mga Kristiyanong nakipagtipan. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, alam natin kung paano magwawakas ang mahaba at mahalagang paglalakbay na ito. Si Satanas ay malilipol, at magtatagumpay ang mabubuti. Ngunit paano mailalahad ang ating kani-kanyang kuwento?
Pipiliin ba nating lumakad na kasama ni Jesucristo sa taong ito? Magsusumamo ba tayo sa Kanya na manatili sa atin, na sabik na makinig sa itinuturo Niya?
Siya ang mapagmahal na Tagapagligtas at personal na may ugnayan sa atin na ang tinig ay naririnig natin sa Doktrina at mga Tipan, na ang buhay ay nakatala sa Bagong Tipan, at ang mga turo ay malinaw na itinuro sa Aklat ni Mormon. Sa kaunting pagsasanay, matatagpuan din natin ang Kanyang ministeryo sa lahat ng pahina ng Lumang Tipan. Siya ang sentro sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng tao. Siya ay naging—at palagi siyang magiging—sa tabi natin sa bawat hakbang.