Mga Young Adult
Mga Simpleng Paalala sa Paghahanap ng Inyong Landas sa Buhay
Ang pag-alam kung ano ang gusto ninyong gawin sa buhay ay maaaring mabigat. Mabuti na lang, hindi ninyo kailangang gawin iyon nang mag-isa.
Milyun-milyong tao sa buong mundo ang nanood sa telebisyon nang naglakad ang mga unang tao sa buwan. Isa na sa kanila ang tatay ko. Bigla na lang, noong pitong taong gulang pa lang siya, alam na niya kung ano ang gusto niyang gawin sa buhay niya.
Nang malaman niya na maraming astronaut ang nagsimula bilang mga fighter pilot, nagpasiya siya noon mismo kung ano ang gusto niyang pagtuunan ng pansin sa paaralan—aerospace engineering. Kalaunan ay naging fighter pilot siya sa Hukbong Pandagat ng Estados Unidos na may pangarap na maging astronaut.
Sa paglaki ko, pakiramdam ko ay kailangan ko ring planuhin ang buhay ko. Pero hindi naging madali para sa akin na magpasiya kung ano ang gusto kong gawin. Pakiramdam ko ay hindi sapat ang talino, dedikasyon, o tapang ko para planuhin ang buhay ko at maging determinadong isakatuparan iyon. Ang totoo, nahihirapan pa rin ako tungkol dito kung minsan.
Habang tumatanda ako, nalaman ko na ganito rin ang pakiramdam ng maraming kabataan. Iilang tao ang maaga pa lang ay alam na kung anong landas ang tatahakin nila. Nalalaman ito ng karamihan sa atin habang patuloy tayong nabubuhay. At ayos lang iyan! Mabuti na lang, hindi natin kailangang gawin iyon nang mag-isa. May tulong sa atin habang daan.
Alalahanin Kung Ano ang Pinakamahalaga
Ang kawalan ng katiyakan kung anong direksyon ang gusto kong tahakin ay naging sanhi para madalas akong mabalisa. Pakiramdam ko ay dapat akong gumawa ng ibang bagay o mapunta sa ibang lugar. Pakiramdam ko ay may isang bagay lang na gustong ipagawa sa akin ang Ama sa Langit, at kung makakalampas iyon, masasayang ko ang aking mga pagkakataon para sa kawalang-hanggan. Tulad ng naiisip ninyo, lumikha ito ng maraming di-kailangang pagkabalisa sa buhay ko!
Nalaman ko mula noon na nabiyayaan ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin ng mga espirituwal na kaloob at na maraming mabubuting bagay tayong magagawa na makalulugod sa Kanya. Hindi natin kailangang mag-alala tungkol sa paghahanap ng kaisa-isang landas para sa ating buhay. Basta’t ipinamumuhay natin ang ebanghelyo at gumagawa at tumutupad tayo ng mga sagradong tipan, tutulungan Niya tayong samantalahin ang ating sitwasyon at malaman kung paano susulong.
Ang Ating Maliliit na Pagpili ay Gumagawa ng Malalaking Kaibhan
Nang matanggap ko ang aking patriarchal blessing, may isang bahagi roon na namukod-tangi sa akin—isang bagay na angkop sa ating lahat. Naalala ko na ang pagpunta sa kahariang selestiyal ay hindi nangyayari sa isang determinadong pagpapasiya o isang napakabuting gawa. Nangyayari iyon sa mga pagpili—malaki at maliit—na ginagawa natin araw-araw, lalo na kapag pinipili nating lumapit kay Jesucristo at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo.
Kapag kumikilos tayo sa lahat ng aspeto ng ating buhay nang may pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, inilalagay natin ang ating sarili sa tamang lugar para magabayan. Matutuklasan din natin na saanman Nila tayo akayin ay doon din natin mismo gustong mapunta.
Magiging Maayos ang Lahat
Kahit may napakagagandang plano, hindi palaging nangyayari ang mga bagay-bagay sa paraang inaakala natin. Hindi nagkagayon ang buhay ng tatay ko. Hindi siya naging astronaut kailanman, pero siya ang unang magsasabi sa inyo na ginabayan siya ng Panginoon sa kung ano ang pinakamabuti para sa kanya at sa aming pamilya.
Itinuturo sa atin sa mga banal na kasulatan na “masigasig na maghanap, manalangin tuwina, at maging mapanampalataya, at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 90:24). Alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kung paano magkakasamang umiiral ang lahat ng bagay. Alam din Nila kung ano ang mabuti para sa atin dahil kilala at mahal Nila tayo nang lubusan.
Hindi inaasahan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na malaman natin nang mag-isa ang kahihinatnan ng ating buhay. Kung magtitiwala tayo sa Kanila at hahayaan natin Silang makialam sa ating buhay, mahihikayat tayong magpatuloy at gumawa ng mga desisyon na tutulong sa atin na gawin ang lahat para gumanda ang ating buhay.