Liahona
Busugin ang Inyong Kaluluwa sa Madalas na Pagdarasal
Abril 2024


“Busugin ang Inyong Kaluluwa sa Madalas na Pagdarasal,” Liahona, Abr. 2024

Busugin ang Inyong Kaluluwa sa Madalas na Pagdarasal

Kailangan natin ang espirituwal na pagkain ng pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit, isang pagpapalang matatanggap natin sa lahat ng dako at sa tuwina.

si Enos na nagdarasal

Larawan ng artistang naglalarawan kay Enos na kuha ni Matt Reier

Lahat tayo ay nakadama na ng gutom. Ang gutom ay paraan ng pagsasabi ng katawan sa atin na kailangan itong pakainin. At kapag nagugutom tayo, alam natin kung ano ang kailangan nating gawin—kumain.

May mga paraan din ang ating espiritu para ipaalam sa atin na kailangan natin ng espirituwal na pagkain. Pero tila mas madali para sa atin ang balewalain ang espirituwal na pagkagutom kaysa pisikal na pagkagutom.

Tulad ng maraming iba’t ibang pagkain na maaari nating kainin kapag nagugutom tayo, may iba’t ibang bagay tayong magagawa para tugunan ang ating espirituwal na pagkagutom. Halimbawa, maaari tayong “magpakabusog … sa mga salita ni Cristo” (2 Nephi 32:3) sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta. Maaari tayong regular na magsimba at tumanggap ng sakramento (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:9). Maaari tayong maglingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak (tingnan sa Mosias 2:17).

Pero may isa pang pinagmumulan ng espirituwal na pagkaing makukuha natin sa lahat ng oras, sa bawat sandali ng ating buhay, anuman ang ating sitwasyon. Maaari tayong makipag-ugnayan palagi sa Ama sa Langit sa panalangin.

“Ang Aking kaluluwa ay Nagutom”

Nang mangaso ang propetang si Enos sa gubat, naisip niya “ang mga salitang madalas [niyang] marinig na sinasabi ng [kanyang] ama hinggil sa buhay na walang hanggan, at ang kagalakan ng mga banal.” Ang mga salitang ito ay “tumimo nang malalim sa [kanyang] puso” (Enos 1:3).

Dahil nasa espirituwal na kalagayang ito ng isipan si Enos, nakadama siya ng matinding pangangailangan: “Ang aking kaluluwa ay nagugutom,” sabi niya (Enos 1:4; idinagdag ang diin).

Ano ang ginawa ni Enos nang madama niya ang espirituwal na pagkagutom na ito, ang pangangailangang ito para sa espirituwal na pagkain? “Ako ay lumuhod sa harapan ng aking Lumikha, at ako ay nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin at hinaing para sa aking sariling kaluluwa” (Enos 1:4).

Napakatindi ng espirituwal na pagkagutom ni Enos kaya nanalangin siya “buong araw … at nang dumating ang gabi ay inilakas [pa niya] ang [kanyang] tinig sa kaitaasan kung kaya’t iyon ay nakarating sa kalangitan” (Enos 1:4). Kalaunan, sinagot ng Diyos ang kanyang panalangin at pinatawad ang kanyang mga kasalanan. Nadama ni Enos na napawi ang panunurot ng kanyang budhi. Pero hindi nagtapos doon ang kanyang espirituwal na pagkain.

Nalaman niya ang tungkol sa kapangyarihan ng pagsampalataya kay Jesucristo, at ibinuhos niya ang kanyang buong kaluluwa para sa kanyang mga tao—maging para sa kanyang mga kaaway. Nakipagtipan Siya sa Panginoon at nakatanggap ng mga pangako mula sa Kanya. At matapos ang matinding panalangin ni Enos, humayo siya sa kanyang mga tao na nagpopropesiya at nagpapatotoo sa mga bagay na kanyang narinig at nakita. (Tingnan sa Enos 1:5–19.)

Hindi lahat ng panalangin ay sasagutin sa gayong kamangha-manghang paraan, pero ang ating mga karanasan sa panalangin ay maaari pa ring maging makabuluhan at magpabago ng buhay. Maaari tayong matuto ng ilang mahahalagang aral mula sa karanasan ni Enos sa panalangin. Halimbawa:

  • Ang pagsisikap na lubos na ipamuhay ang ebanghelyo ay maaaring tumulong sa atin na madama ang ating espirituwal na pagkagutom.

  • Ang ating espirituwal na pagkagutom ay maaari at dapat makapagpaluhod sa atin para hingin ang tulong ng Ama sa Langit.

  • Ang pagdarasal sa Ama sa Langit ay makakatulong na tugunan ang ating espirituwal na pagkagutom—at iba pa.

  • Maaari tayong manalangin kahit saan, kahit kailan.

  • Matutulungan tayo ng panalangin na magsisi.

  • Mapalalakas ng panalangin ang ating pananampalataya kay Jesucristo.

  • Maaari tayong tumanggap ng personal na patotoo na naririnig tayo ng ating Ama sa Langit at alam Niya ang nangyayari sa atin.

  • Ang patotoo at lakas na natatanggap natin sa panalangin ay maaaring tumulong sa atin na paglingkuran at palakasin ang iba.

si Elder Soares noong bata pa

Ang Aking Karanasan sa Kapangyarihan ng Panalangin

Tulad ni Enos, natutuhan ko ang ilan sa mga aral ding ito sa pamamagitan ng personal na karanasan. Sumapi ang mga magulang ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong bata pa ako, at nabinyagan ako noong walong taong gulang ako. Laging maganda at mainit ang damdamin sa puso ko tungkol sa aking Ama sa Langit at kay Jesucristo, sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, at sa Kanyang Simbahan. Pero halos 16 na taong gulang na ako nang magdasal ako para malaman kung totoo ang mga bagay na ito.

Hinilingan ako ng aking inspiradong bishop na magturo sa Sunday School class ng kabataan. Magtuturo dapat ako ng lesson kung paano tayo magkakaroon ng patotoo sa ebanghelyo sa pamamagitan ng panalangin. Dahil sa tungkuling ito na nagmula sa bishop ko, pinag-isipan ko nang mas malalim ang sarili kong patotoo. Nag-ukol ako ng oras na pag-aralan ang Aklat ni Mormon at palagi kong nadama na ang Simbahan ay totoo. Noon pa man ay naniniwala na ako sa Tagapagligtas na si Jesucristo, pero hindi ko kailanman sineryoso ang pangako ni Moroni na nasa Moroni 10:4–5. Hindi ko kailanman ipinagdasal kung totoo nga ba ang ebanghelyo.

Naaalala ko na taimtim kong nadama na kung tuturuan ko ang mga kabataang ito kung paano magkaroon ng patotoo sa pamamagitan ng panalangin, dapat kong ipagdasal na magkaroon ako mismo ng patotoo. Nagugutom ang aking kaluluwa—marahil sa paraang naiiba kay Enos, gayunpaman nakadama ako ng espirituwal na pangangailangan.

Nang ihanda ko ang lesson, lumuhod ako at inialay ko ang hangarin ng puso ko sa aking Ama sa Langit para pagtibayin ang katotohanang nadama ko sa aking kalooban. Hindi ko inasahang magkakaroon ako ng matinding pagpapamalas. Pero nang tanungin ko ang Panginoon kung totoo ang ebanghelyo, nagkaroon ako ng napakatamis na pakiramdam sa puso ko—ang marahan at banayad na tinig na iyon na nagpapatibay sa akin na iyon ay totoo at na dapat kong ituloy ang ginagawa ko.

Napakatindi ng damdamin kaya hindi ko kailanman mababalewala ang sagot na iyon at sabihing hindi ko alam. Napakasaya ko sa buong maghapong iyon. Lumilipad ang isip ko sa pagninilay sa magandang pakiramdam sa puso ko.

Nang sumunod na Linggo, tumayo ako sa harap ng tatlo o apat na kaklase ko, na mas bata sa akin. Pinatotohanan ko sa kanila na sasagutin ng Ama sa Langit ang kanilang panalangin kung mananampalataya sila.

si Elder Soares bilang missionary na may iba pang kasama sa isang binyag

Ang isang nasagot na panalanging natanggap ni Elder Soares noong binata siya ay nagtulot sa kanya na magpatotoo—bilang missionary (itaas kanan), ama at asawa, at Apostol—na sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalanging inialay nang may pananampalataya.

Mula noon, nanatili na sa akin ang patotoong ito. Nakatulong ito sa akin na gumawa ng mga desisyon, lalo na sa mga sandali na dumaranas ako ng mga pagsubok. Ang panalanging iyon sa araw na iyon, pati na ang mga karagdagang patotoong natanggap ko sa paglipas ng mga taon, ay nagtulot sa akin na magpatotoo sa mga tao, nang may pananalig, na maaari silang tumanggap ng mga sagot mula sa Ama sa Langit kung magdarasal sila nang may pananampalataya. Totoo ito tulad ng napatotohanan ko bilang missionary, bilang pinuno ng Simbahan, bilang ama at asawa, at kahit ngayon bilang Apostol.

Kailan Dapat Magdasal at Ano ang Dapat Ipagdasal

Mangyari pa, hindi lang tayo nagdarasal kapag nakadarama tayo ng partikular na matinding espirituwal na pangangailangan. Kaya, kailan tayo dapat magdasal? At ano ang dapat nating ipagdasal? Ang maikling sagot ay anumang oras at para sa anumang bagay.

Ang Diyos ang ating Ama sa Langit. Binabago ng pagkaalam na ito ang paraan ng ating pagdarasal. Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Sa pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, nalalaman natin kung paano lalapit sa Kanya, at paano magtatanong upang makatanggap ng sagot. … Kapag handa na tayong lumapit sa Kanya, handa Siyang lumapit sa atin.”1

Laging handang makinig sa atin ang ating Ama sa Langit at nais Niyang magdasal tayo sa Kanya nang regular at madalas. Dapat tayong “makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng [ating] mga gawain” (Alma 37:37) at magdasal sa umaga, tanghali, at gabi. Dapat tayong magdasal sa bahay, sa trabaho, sa paaralan—saanman tayo naroroon at para sa anumang mga adhikain natin (tingnan sa Alma 34:17–26).

Dapat tayong magdasal sa ating mga pamilya (tingnan sa 3 Nephi 18:21). Dapat tayong magdasal nang “isinasatinig at sa [ating] puso, sa madla at sa pansarili” (Doktrina at mga Tipan 81:3). At “kung hindi [tayo] nagsusumamo sa Panginoon, hayaan na ang [ating] mga puso ay mapuspos, patuloy na lumalapit sa panalangin sa kanya para sa [ating] kapakanan, at para [din] sa kapakanan nila na nasa paligid [natin]” (Alma 34:27).6 At kailangan nating magdasal sa tuwina sa Ama sa pangalan ni Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 18:19–20).

si Joseph Smith noong binatilyo siya

Larawan ni Joseph Smith na iginuhit ni Walter Rane, hindi maaaring kopyahin

Paglapit sa Ating Ama sa Langit

Nais ng ating Ama sa Langit na pagpalain tayo. At gagawin Niya iyan—kung hihilingin natin. Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Alalahanin na wala tayong matatanggap kung hindi tayo hihingi; samakatwid, humingi nang may pananampalataya, at tatanggap kayo ng mga biyayang angkop na ipagkaloob sa inyo ng Diyos.”2

Ang ating regular at madalas na panalangin ay mahalagang bahagi ng balanseng espirituwal na pagkain sa ating mga gutom na kaluluwa. Ang pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit sa panalangin ay nariyan at magagawa sa lahat ng dako at sa tuwina.

Itinuturo ng isa sa mga paborito kong talata sa banal na kasulatan kung paano natin dapat lapitan ang ating Ama sa Langit kapag lumuluhod tayo sa panalangin: “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” (Doktrina at mga Tipan 112:10). Kapag tayo ay mapagpakumbaba at masunurin, sasamahan tayo ng Ama sa Langit. Aakayin Niya tayo sa kamay. Bibigyang-inspirasyon Niya tayo kung saan tayo dapat magpunta at kung ano ang dapat nating gawin. Siya ay sasagot sa ating mga panalangin ayon sa Kanyang kalooban, paraan, oras, at ganap na kaalaman kung ano ang makakabuti sa atin.

Dapat nating tandaan ito at pahalagahan ang mga pagkakataong lumapit sa luklukan ng Diyos at tumanggap ng mga pagpapala sa Kanyang kamay.