Liahona
“Kami ang mga Missionary”
Abril 2024


“Kami ang mga Missionary,” Liahona, Abr. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

“Kami ang mga Missionary”

Hiniling ko sa Diyos na tulungan akong mahanap ang Kanyang simbahang may mga missionary.

babaeng may hawak na aklat at bumabati sa tatlong missionary

Larawang-guhit ni Brian Call

Mahilig magbahagi ng salita ng Panginoon ang mga magulang ko. Regular silang namigay ng mga kahong naglalaman ng mga kopya ng Bagong Tipan sa mga komunidad, bilangguan, ospital, at paaralan.

Bilang bahagi ng mga pagsisikap ng mga magulang ko, ang tatay ko ay kumanta, nagbasa ng mga banal na kasulatan, nagpatotoo tungkol kay Jesucristo, at nagtapos sa panalangin. Dahil nakasama ako sa karanasang iyon noong bata pa ako, nagkaroon ako ng hangaring maglingkod sa Diyos.

Gayunman, nang atakihin sa puso ang tatay ko, nagwakas ang tinawag naming “evangelization [pangangaral ng ebanghelyo].” Hindi ako makapamahaging mag-isa ng mga kopya ng Bagong Tipan, kaya humingi ako ng pahintulot sa tatay ko na maghanap ako ng simbahang may mga missionary.

Sa edad na 15 anyos, nagsimula akong magtanong tungkol sa doktrina, binyag, ikapu, at organisasyon ng simbahan. Sabi ng tatay ko, walang simbahang sumusunod ngayon sa turo ng Tagapagligtas. Pero kung makakakita ako ng gayong simbahan, sabi niya, dapat akong sumapi roon.

Makalipas ang ilang taon, nagkaroon kami ng di-pagkakasundo ng isa kong katrabaho. Nang dumating siya sa bahay namin para humingi ng paumanhin, nag-iwan siya ng isang aklat na may pamagat na Ang Ating Pamana: Isang Maikling Kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Doon, nabasa ko ang pagiging martir ni Propetang Joseph Smith. Naantig ako nang husto sa kuwentong ito.

Nakakita rin ako ng retrato ng dalawang binatang nakaputing polo, kurbata, at name tag. Ibinahagi nila ang ebanghelyo ni Jesucristo sa buong mundo. Inisip ko kung may mga missionary na katulad nila sa bayan ko.

Noong gabing iyon ipinagdasal ko sa Diyos na tulungan akong mahanap ang Kanyang simbahan na may mga missionary. Kinabukasan hinanap ko ang mga missionary. Nagtanong ako sa bawat taong nakita ko na nakaputing polo, pero wala akong napala.

Sa labas ng bahay ko makalipas ang ilang araw, may nakita akong tatlong taong nakaputing polo, kurbata, at name tag! Tumakbo ako sa loob, kinuha ko ang aklat, at nagmamadaling hinabol ko sila.

Nang maabutan ko sila, itinanong ng isa sa kanila, “May maitutulong ba kami sa iyo?”

“Galing ba sa simbahan ninyo ang aklat na ito?” tanong ko.

“Oo, aklat namin iyan,” masigla niyang sagot. “Kami ang mga missionary.”

Pagkaraan ng ilang linggo ng pag-aaral tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, nabinyagan akong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pagkaraan ng isang taon nabinyagan ang tatay ko.

Dahil gusto ko pa ring maglingkod sa Panginoon—isang hangaring nanatili sa akin mula pa noong bata ako—nagsimula akong maghanda para makapaglingkod sa full-time mission. Kaylaki ng kagalakang nadama ko sa araw na natanggap ko ang pagtawag sa akin na maging full-time missionary!