Liahona
Nalulungkot Ka ba? Narito ang 3 Tip na Nakagagawa ng Kaibhan sa Akin
Abril 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Nalulungkot Ka ba? Narito ang 3 Tip na Nakagagawa ng Kaibhan sa Akin

Ang awtor ay naninirahan sa Cuneo, Italy.

Ang pagiging miyembro ng Simbahan sa Italy ay maaaring nakalulungkot, pero nalaman ko na hindi ako nag-iisa kailanman.

babaeng nakatitig sa malayo sa harap ng asul at dilaw na background

Nakatira ako sa isang munting bayan sa Italy, kung saan aapat lang ang young single adult sa aming branch.

Karamihan sa mga tao rito ay Katoliko, kaya konektado sila dahil sa magkakapareho sila ng mga paniniwala. Madalas kong madama na hindi ako kabilang dahil miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Madaling madama na parang nag-iisa ako kapag sinisikap kong maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Ginagawa ko ang lahat para tularan Siya. Gusto kong tanggapin ang mga paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson na “daigin ang sanlibutan”1 at “isipin ang kahariang selestiyal,”2 pero kung minsa’y pinanghihinaan ako ng loob kapag pakiramdam ko ay nag-iisa ako sa aking pananampalataya.

Gayunman, kapag nalulumbay ako, tinutulungan ako ng ilang kaugalian para patuloy na sumulong nang may pananampalataya. Narito ang tatlong tip na tumutulong sa akin na madaig ang kalungkutang iyon.

Ugaliing Magbasa ng mga Banal na Kasulatan

Kapag labis akong nalulungkot, nagsusumamo ako sandali sa Ama sa Langit sa panalangin. Sinasabi ko sa Kanya ang nadarama ko at pagkatapos ay binubuklat ko ang aking mga banal na kasulatan. Kahit paano, lagi kong natatagpuan ang mga katotohanang kailangan kong marinig sa sandaling iyon.

Bagama’t hindi palaging inilalarawan sa mga talata ang sitwasyon ko mismo, pinupuspos ng mga katotohanang naroon ng pag-asa at kapanatagan ang puso ko. Napapawi ang lungkot kapag mayroon akong mga tahimik na sandali para pagnilayan ang mga salita ng mga sinaunang propeta na nagpapatotoo kay Cristo.

Palagi nilang ipinapaalala sa akin na may nagmamahal sa akin, na alam ng Diyos ang aking sitwasyon, at na magiging maayos ang mga bagay-bagay.

Ang makaugalian na patuloy na basahin ang aking mga banal na kasulatan at manalangin, kahit mahirap, ay tumutulong sa akin na maging mas masaya, mas tiwala, at mas konektado sa Espiritu.

Kung aanyayahan natin ang Tagapagligtas sa ating buhay sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, palagi Siyang paroroon, na nagpapaalala sa atin kung sino tayo at nag-uugnay sa atin sa Ama sa Langit.

Tandaan ang Nagbibigay-Kakayahang Kapangyarihan ni Jesucristo

Lagi akong bumabaling kay Jesucristo para magkaroon ng kapatawaran at kapayapaan. Pero naunawaan ko na rin na mabibigyan Niya ako ng suporta kapag nadarama kong nag-iisa ako.

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland na habang nagdurusa ang Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani, “Dumaing Siya dahil sa nakapatinding kalungkutan, ‘Dios ko, Dios ko, bakit n[i]yo ako pinabayaan?’ [Mateo 27:46; idinagdag ang diin].”

Sabi pa ni Elder Holland: “Ito ang personal kong paniniwala na sa buong ministeryo ni Cristo sa lupa maaaring sa huling sandaling ito ng napakatinding paghihirap naging napakalapit ng Ama sa Kanyang Anak. Gayunman, para maging ganap ang pinakadakilang sakripisyong iyon ng Kanyang Anak yamang ginawa iyon nang kusang-loob at mag-isa, saglit na binawi ng Ama kay Jesus ang pag-alo ng Kanyang Espiritu, na suporta ng Kanyang presensya. … Ang perpektong Anak na ito na hindi kailanman nagsalita ng masama, ni gumawa ng mali, [ni] humipo ng maruming bagay, ay kinailangang malaman kung ano ang mararamdaman ng sangkatauhan—[natin], nating lahat—kapag nakagawa [tayo] ng gayong mga kasalanan.”3

Dahil dito, alam Niya kung paano tayo tutulungan (tingnan sa Alma 7:11–12). Alam Niya ang mismong nadarama natin.

Tinahak ni Jesucristo nang mag-isa ang landas na iyon upang hindi natin kailangang gawin iyon. Ang pag-aaral tungkol sa Kanya at pagtutuon sa Kanyang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ay nagbibigay sa akin ng kapanatagan, pag-asa, at lakas na magpatuloy nang may pananampalataya.

Maging Mabait sa Sarili Mo

Kapag nalulungkot ako, malaki ang kaibhang nagagawa ng pagiging mabait sa sarili ko. Pinapasukan ko ang aking isipan ng magagandang ideya dahil natanto ko na ako ang taong makakapiling ko habambuhay! Kaya, dapat akong magkaroon ng magandang relasyon sa sarili ko.

Lalala lamang ang kalungkutan kung hindi tayo mabait sa ating sarili.

Itinuturing ko ang sarili ko na parang kaibigan. Ipinaaalala ko sa sarili ko kung sino ako at kahit hindi ako perpekto, maaari akong magsisi palagi at patuloy na magsikap na tularan si Cristo. Inanyayahan tayo ni Elder Gary E. Stevenson kamakailan na “tumigil sandali habang tinitingnan ninyo ang inyong sarili sa salamin. Isipin sa inyong sarili, o sabihin nang malakas kung gusto ninyo, ‘Aba, tingnan mo nga naman! Ako ay [kahanga-hanga]! Ako ay anak ng Diyos! Kilala Niya ako! Mahal Niya ako! Ako ay may kaloob—kaloob na Espiritu Santo na makakasama ko sa tuwina!’”4

kaya nga, ginagawa ko iyon. Tumitingin ako sa salamin at sinasabi ko sa sarili ko ang mga bagay na ito. At pagkatapos ay tumatawa ako dahil para akong tanga, pero nadarama ko rin na mas tiwala ako, may nagmamahal sa akin, at konektado ako sa Espiritu.

Kapag kaibigan mo ang sarili mo, hindi mo madarama na wala kang kaibigan.

Hindi Ka Nag-iisa Kailanman

Kung minsan pakiramdam ko ay ako lang ang nagdaraan sa partikular na mga pagsubok. Pero ipinapaalala ko sa sarili ko na napakaraming young adult sa buong mundo na katulad ko ang sitwasyon. Kahit hindi ko alam kung sino sila, nagsisikap din silang tularan si Cristo.

Hindi ako nag-iisa.

Sabi ni Elder Alan T. Phillips ng Pitumpu kamakailan: “Maraming taong nakadarama ng panghihina, pag-iisa, pagkakahiwalay, o pagkapagod. … Ang kaalaman na tayong lahat ay mga anak ng Diyos at mga miyembro ng Kanyang walang hanggang pamilya ay muling magbibigay sa atin ng diwa ng pagiging kabilang at layunin.”5

Mahal tayo ng Ama sa Langit. Binigyan na Niya tayo ng mga kasangkapan para maiugnay tayo sa Kanya, sa Kanyang Anak, at sa isa’t isa. Kailangan lang nating alalahaning gamitin ang mga ito.

Kilala Niya kayo. Kasama ninyo Siya. Huwag mawalan ng pag-asa. Puspusin ang inyong buhay ng Espiritu, at tandaan na bilang anak ng Diyos, kabilang kayo sa Kanyang walang-hanggang pamilya.

Hindi kayo nag-iisa kailanman.