Liahona
Bakit Tayo Naglilingkod?
Abril 2024


“Bakit Tayo Naglilingkod?,” Liahona, Abr. 2024.

Pagtanda nang May Katapatan

Bakit Tayo Naglilingkod?

Ibinahagi ng mga miyembro kung paano tayo tinutulungan ng paglilingkod na lumago, makinig sa Espiritu, at maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon sa pagpapala sa buhay ng iba.

Tumigil ka na ba para itanong sa sarili mo kung bakit ka naglilingkod? Madaling matangay sa kaabalahan ng buhay at paglilingkod sa Simbahan, pero may mas malalim na kahulugan ba ang ating pang-araw-araw na mga gawain? Ang paglilingkod ay nagtuturo sa atin tungkol sa ating sarili. Kung makikinig tayo sa Espiritu, maaari nating tuklasin ang kakayahan nating magmahal at maging mas mapagkawanggawa. Tinuturuan tayo ng Espiritu kapag naglilingkod tayo, at mas nauunawaan natin ang ating sarili at ang iba.

Ibinahagi ng sumusunod na mga miyembro ang natutuhan nila sa pamamagitan ng paglilingkod.

Debra at Mike O’Neil

Mga larawang-kuha sa kagandahang-loob ng mga awtor

Ginagabayan ng Espiritu ang Ating Paglilingkod

Nakumpleto na namin ang lahat ng form para sa full-time mission bago naghigpit ang mundo dahil sa COVID-19. Ayaw naming magpunta sa mission field at pauwiin kami kaagad, kaya kinausap namin ang aming stake president at ang Arcadia California Mission president, kung saan kami nakatira, para malaman kung maaari kaming maglingkod sa aming lugar. Agad kaming tinawag na maging mga housing coordinator.

Ilang linggo lang matapos kaming magsimula, bumalik ang mga eroplanong may sakay na mga missionary mula sa iba’t ibang panig ng mundo, para i-release sa kanilang mission o i-reassign sa Estados Unidos. Naging 250 ang dating 180 na mga full-time missionary sa Arcadia Mission. Nagmadali kaming maghanap ng pabahay para sa lahat, pero ginabayan kami ng Espiritu.

Ang mga karanasan sa buhay ay tila ginagabayan ng Panginoon upang ihanda tayo para sa mga oportunidad na maglingkod. Dahil sa Relief Society, nakilala ko ang kababaihan sa mga stake sa paligid na maaaring tumulong sa mga zone conference luncheon. Nang lumitaw ang isang batang babaeng walang tirahan sa hagdan ng mission office, alam ko ang lokal na resources na maaaring magbigay ng tulong sa kanya. May mga koneksyon din ang asawa kong si Mike sa lugar para makahanap ng mga solusyon sa tila walang-kalutasang mga problema, mula sa paghahanap ng mga swimming pool para sa mga binyag sa labas ng simbahan hanggang sa pagkukumpuni ng mga dishwasher.

Naglilingkod kami ni Mike dahil nangako kaming ilalaan ang aming oras at mga talento sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Isang pagpapala ang mahalin ang 250 na mga missionary namin, at nagpapasalamat kami sa oportunidad na iyon. Ang paglilingkod ay mas naglapit sa amin kay Cristo (tingnan sa Moroni 7:44–48).

Debra at Mike O’Neil, California, USA

Izabel de Queiroz Martins Silva kasama ang iba pa

Ang Family History at Paglilingkod sa Templo ay Nagbibigay sa Atin ng Kagalakan

Bago ang paglalaan ng Rio de Janeiro Brazil Temple noong 2022, ninais ng aming Relief Society na tulungan ang mga pamilya na maghanda ng mga pangalan para sa pagbubukas nito. Sa mga personal na miting at online lesson, tinulungan namin ang lahat na makahanap ng mga ninuno.

Ang pinakamalaking kagalakan ko ay ang makitang naghahanda ang bawat pamilya para sa templo. Ang aking kaluluwa ay puspos ng pagmamahal sa Tagapagligtas at pasasalamat na matulungan ang iba na mapag-ugnay ang kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo.

Izabel de Queiroz Martins Silva, Rio de Janeiro, Brazil

Brent at Julie Hill

Ang Paglilingkod ay Nagpapala sa mga Nangangailangan

Kamakailan ay naglingkod kami bilang mga international relations missionary, na nakikipagtulungan sa mga banyagang diplomat sa United Nations. Nagpapasalamat kami na napagpala kami na makilala ang napakaraming mapagmahal at mapagmalasakit na mga tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo na naghahangad na paglingkuran ang kanilang mga kababayan.

Nagkaroon kami ng pribilehiyong ikalat ang pondo para sa Light the World Giving Machine sa mga tumatanggap nito sa buong mundo, sa pamamagitan ng UNICEF (United Nations [International] Children’s [Emergency] Fund) at CARE (Cooperative for Assistance and Relief Everywhere).

Nadama namin ang Espiritu nang sabihin namin sa mga lider na nagmimisyon ang aming mga apo sa Guatemala at tumulong sa paghahatid ng mga manok, na binili sa pamamagitan ng Giving Machines, sa mga nangangailangan. Napakalaking pagpapala ang malaman na may mga itlog na kakainin o ibebenta ang mga pamilya ayon sa gusto nila.

Brent at Julie Hill, New York, USA

Sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol na “inaanyayahan [tayo ng Panginoon na] maging Kanyang mga kamay, na naglilibot na gumagawa ng mabuti.”1 Kaylaking pribilehiyo na makapaglingkod tayo para sa Tagapagligtas. Habang pinagninilayan natin ang kahulugan ng ating paglilingkod, aakayin tayo ng liwanag ng Tagapagligtas na mas maunawaan ang Kanyang pagmamahal.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.