Digital Lamang
Tanggapin ang Nagpapagaling na Kapangyarihan ng Pagsisisi at Pagpapatawad
Mula sa kanyang mensahe sa debosyonal na, “Asking, Seeking, and Knocking: A Compassionate Pattern,” na ibinigay sa Brigham Young University–Hawaii noong Ene. 29, 2023. Para sa buong mensahe, bisitahin ang speeches.byu.edu.
Hanapin ang mga sagot sa tatlong tanong tungkol sa pagsisisi at pagpapatawad.
Ilang buwan pa lang ang nakararaan, inanyayahan ko ang mga estudyante sa BYU–Hawaii na magsumite ng tanong sa isang Apostol na higit nilang ipinag-aalala bilang disipulo ni Jesucristo. Iginrupo ko ang mga tanong sa pare-parehong mga paksa. Ang isang grupo ay may kaugnayan sa pagsisisi at pagpapatawad sa ating mga kasalanan, pagkadama na karapat-dapat tayong tumanggap ng sakramento, at pagkadama sa pagmamahal ng Diyos para sa atin kahit nadarama natin na hindi tayo karapat-dapat. Gusto kong talakayin dito ang paksang iyon.
Mamahalin pa rin ba Ako ng Diyos Kahit Nagkasala Ako?
Nakakatuwang pansinin na ang alituntunin ng pagsisisi ay dumarating matapos manampalataya kay Jesucristo. Kailangan kong sabihin sa inyo na mahal tayo ng Diyos, kahit lubog tayo sa kasalanan. Pinatatawad tayo kapag nagpapakumbaba tayo sa harap ng Diyos, humihingi ng payo sa angkop na mga leader ng Simbahan kung kailangan, at nagsisisi at tumatalikod sa ating mga kasalanan. Ang paggawa ng mga hakbang na ito ay mas naglalapit sa atin sa Tagapagligtas, na magpapalaya sa atin sa huli mula sa pagkakasala, kalungkutan, at espirituwal at pisikal na pagkaalipin.
Bakit Nakokonsiyensya pa rin Ako Kahit Nagsisi na Ako?
Hindi natin alam kung bakit patuloy tayong nakokonsensya kung minsan kahit pinagsisihan na natin ang mga kasalanang nagawa natin. Sa halip na magkaroon ng haka-haka, kausapin ang ating Ama sa Langit tungkol dito. Tanungin Siya nang deretsahan. Alam ko na sa paglipas ng panahon, ihahayag Niya sa inyo ang kailangan ninyo. Sa sitwasyon ko, may ilang alaala pa rin ako tungkol sa ilan sa nakaraan kong mga pagkakamali. Nang ipagdasal ko iyon, sinabi sa akin ng Panginoon na napatawad na ako, at hindi na ako dapat mag-alala tungkol sa mga bagay na iyon. Gayunman, nadarama ko rin na ang mga alaalang iyon ay isang babala para sikapin kong huwag nang magawang muli ang mga pagkakamaling iyon.
Kaya, hindi ganap na negatibo ang pagkakaroon ng mga alaalang iyon. Nakikita ko ang mga iyon sa buhay ko bilang pagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos sa akin habang patuloy Niya akong binabalaan na iwasang tahaking muli ang landas na iyon. Habang patuloy tayong nagsisikap na gawin ang lahat ng ating makakaya, na ipinapakita sa ating mga gawa ang hangaring linisin ang loob ng sisidlan (tingnan sa Alma 60:23), malamang na maglaho ang pakiramdam ng pagkakonsiyensya at ang panghihina-ng-loob. Sa paglipas ng panahon, ang ating karanasan ay maaaring maging katulad ng kay Alma, na nagpatotoo na matapos magsisi “natatandaan pa rin niya ang kanyang mga kasalanan, ngunit ang alaala ng kanyang mga kasalanan ay hindi na nakabagabag at nagpahirap sa kanya, dahil alam niyang napatawad na siya.”1
Paano Ko Mapapatawad ang Iba na Nakasakit sa Akin?
Ang nakatutuwang pag-aalala na ipinahayag sa pamamagitan ng mga tanong na isinumite ay may kaugnayan sa pagpapatawad sa mga taong nakasakit sa atin at gumawa ng masasamang bagay sa atin.
Nakakatuwang tanong ito. Magtuon tayo sa ilang alituntunin at tingnan kung paano natin maipamumuhay ang mga ito. Sa pag-aaral natin ng salita ng Diyos, nalaman natin na ang pagpapatawad sa iba ay naghahatid ng malalaking espirituwal na pagpapala, kabilang na ang kapayapaan at pag-asa. Ang pinakamahalaga marahil sa mga pagpapalang ito ay na kapag pinatawad natin ang iba, mapapatawad din tayo sa ating sariling mga kasalanan. Itinuro sa atin ng Panginoon na ang pagpapatawad ay isang utos sa lahat ng tao at na tayo ay “kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao” (Doktrina at mga Tipan 64:10). Gayunman, maaaring mahirap pa rin ito.
Kung minsa’y hinahayaan nating pahinain ang ating loob ng kapalaluan, takot, galit, o kapaitan at hadlangan ang kakayahan nating makadama ng pag-asa. Pero ang lakas-ng-loob na magpatawad ay dumarating sa mga taong sumasampalataya at nagtitiwala sa Panginoon. Sa tulong Niya, makasusumpong tayo ng lakas na patawarin ang iba, nakagawa man ang maysala ng mabigat na kasalanan o ng pagkakasalang hindi sinasadya. Ang ibig sabihin ng magpatawad ay huwag nang manisi sa isang nakaraang sakit. Ito ay ang bitawan din ang isang mabigat na pasanin. Ito ay ang sumulong sa buhay.
Tungkol sa paglimot, mahalagang tandaan na “ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugan ng paglimot sa pagkakasala o pagkukunwaring hindi ito nangyari kailanman. Ito ay hindi nangangahulugan na pahihintulutan mo na magpatuloy ang [nakasasakit na ugali o asal]. Hindi ito nangangahulugan na posible na maghilom ang lahat ng relasyon. At hindi ito nangangahulugang hindi pananagutin ang nagkasala sa kanyang mga ginawa. Ang ibig sabihin nito ay matutulungan ka ng Tagapagligtas na makalimot na o bumitaw.”2
Narito ang ilang mungkahing makakatulong sa prosesong ito:
-
Ipagdasal na maging magpagpakumbaba. Ang pagpapakumbaba ay kabaligtaran ng kapalaluan, na siyang pangunahing balakid sa pagsisikap nating magpatawad. Itinutuon tayo ng kapalaluan sa damdamin ng pagkapoot sa iba. Nagiging sanhi rin ito ng pagbalewala sa sarili nating mga kahinaan, pagkakamali, at kasalanan. Pero nangako ang Panginoon, “Kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27). Ayon sa ating pagpapakumbaba at pananampalataya, tutulungan tayo ng Panginoon na maging higit na katulad Niya at tunay na magpatawad na tulad Niya.
-
Magpasalamat. Ang pagpapahayag ng pasasalamat ay nag-aanyaya sa Espiritu nang mas lubusan sa ating buhay, na maaaring magpalambot at magpabago sa ating puso. Isiping isulat sa journal ang mga bagay na pinasasalamatan mo. Maghanap ng mga pagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos bawat araw. Kapag sinikap ninyong magkaroon ng pasasalamat, makikita ninyo na maaari pa ninyong matukoy ang mga dahilan para pasalamatan ang inyong mga pagsubok.
-
Magtiyaga. Ang pagpapatawad kapag lubha kayong nasasaktan ay maaaring mangailangan ng ilang panahon. Natanggap ng isang babaeng bumabawi mula sa masakit na diborsyo ang matalinong payo na ito mula sa kanyang bishop: “Mag-iwan ng puwang sa puso mo para magpatawad, at kapag dumating iyon, malugod itong tanggapin.” Maaari kayong magbigay ng puwang para magpatawad sa pamamagitan ng tapat na panalangin, pag-aaral, at pagninilay. Ang magpakabusog sa mga salita ni Cristo araw-araw ay makakatulong din sa inyo na mas mapalapit sa Kanya at maghahatid ng malaking kapangyarihang magpagaling sa inyong buhay (tingnan sa 2 Nephi 31:20; Jacob 2:8).
-
Kalimutan ang nakaraan. Ang kasaysayan ay kasaysayan at hindi ito mababago. Pero maitutuon ninyo ang inyong lakas sa ngayon; sapagkat ngayon, mayroon kayong kapangyarihang piliin na magpatawad. Ipaubaya ang inyong pasanin sa Panginoon. Paanyaya ni Cristo, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan” (Mateo 11:28). Tandaan na bukod pa sa pagpasan Niya ng mga kasalanan ng sanlibutan, dinala ni Cristo sa Kanyang sarili ang ating mga pasakit at karamdaman (tingnan sa 2 Nephi 9:21; Alma 7:11–12; Doktrina at mga Tipan 18:11). Kung tutulutan ninyo Siya, mapapagaan Niya ang inyong pasanin.
Ang paghanap ng lakas na magpatawad ay maaaring mahirap, pero ginagawa itong posible ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Totoo nga, kapag binuksan natin ang ating puso para patawarin ang iba, bibiyayaan tayo ng kapayapaan. Inaanyayahan ko kayong tanggapin ang nagpapagaling na kapangyarihan ng pagpapatawad.