“Hindi Ako Naiwang Nag-iisa,” Liahona, Abr. 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Hindi Ako Naiwang Nag-iisa
Nalaman ko na ang pagdarasal ay maaaring maging isa sa pinakamagaganda nating mapagkukunan ng lakas.
Matagal naming ipinagdasal na mag-asawa na magkaroon ng isa pang anak bago namin nalaman na buntis ako. Halos hindi mailarawan ang aming “katuwaan.” Ang nakaragdag sa aming kagalakan ay ang balita na manganganak ang isang kaibigan namin isang araw bago ako manganak, at manganganak naman ang hipag ko apat na araw pagkatapos kong manganak. Halos agad-agad, sinimulan naming planuhin ang mga petsa na magkakasama silang maglalaro.
Gayunman, sa ikasiyam na linggo ng aking pagbubuntis, nagsimula akong magkaroon ng mga seizure. Takot na takot, sumugod kaming mag-asawa sa ospital para ma-ultrasound ako. Sa appointment ko, sabik akong tumingin sa monitor at nagtanong sa technician kung OK ang anak ko. Hindi siya sumagot nang ilayo niya sa tingin ko ang monitor.
Ayaw kong asahan ang pinakamalala, pero nang lisanin ng technician ang silid, natakot ako. Nagsimula akong magdasal sa paraang hindi ko natanto kailanman na kaya kong gawin, na humihingi ng isang bagay—ng kahit ano—na maaaring magbigay sa akin ng kapayapaan.
Agad akong binalot ng mainit na yakap at narinig ko ang “banayad at munting tinig” (1 Mga Hari 19:12) na muling tinitiyak sa akin na magiging maayos ang lahat. Nakadama ako ng ginhawa at kapanatagan nang hintayin ko ang doktor na bigyan ako ng mga kasagutan.
Pagdating ng doktor, marahan niyang sinabi sa aming mag-asawa na patay na ang aming anak. Agad kong nadamang muli ang mainit na yakap ng Espiritu. Nasaktan ako, pero hindi ko mapagdudahan ang damdaming umaliw sa akin.
Habang nagdadalamnati ako nang sumunod na mga linggo, bumaling ako sa aking Ama sa Langit sa madalas na pagdarasal. Hindi nawala kailanman ang nakapapanatag na muling pagtiyak ng Espiritu Santo, at nalaman ko na binabantayan ako ng Panginoon. Nagkaroon ako ng mas malalim na pagkaunawa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo nang madama ko ang nagpapagaling na balsamo ng Tagapagligtas. Sa mga araw na pakiramdam ko ay hindi ako makakilos, nadarama ko na sinusuportahan ako ng mga kamay ng anghel.
Ipinagdasal naming mag-asawa na patuloy kaming mapanatag. Pareho pa rin kaming malungkot, pero hindi nagduda ang sinuman sa amin na sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, mapapawi ng Tagapagligtas ang aming pasakit at kawalan.
Napakahirap ng karanasang ito. Kung minsa’y halos hindi namin makayanan ang bigat nito. Pero walang hanggan ang pasasalamat ko sa kaugnayang nabuo ko sa aking Ama sa Langit at sa aking Tagapagligtas sa pamamagitan ng karanasang ito. Ang pagdarasal ay maaaring maging isa sa pinakamagaganda nating mapagkukunan ng lakas.
Alam ko na talagang pinangangalagaan ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak at na Siya at ang Kanyang Anak ay “Hindi [tayo] iiwang nag-iisa” (Juan 14:18).