Liahona
Ano pa ang Magagawa Ko para sa mga Anak Kong Babae?
Abril 2024


“Ano pa ang Magagawa Ko para sa mga Anak Kong Babae?,” Liahona, Abr. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ano pa ang Magagawa Ko para sa mga Anak Kong Babae?

Gusto kong espirituwal na palakasin ang aking mga anak na babae, kaya bumaling ako sa Ama sa Langit sa panalangin.

mga batang nakatingin sa isang tablet

Larawang-kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Iisa ang paaralang pinagtuturuan ko at pinapasukan ng aking mga anak. Araw-araw kailangan naming sama-samang magmadali nang alas-6:00 n.u. Kapag dumarating kami, nagpupunta ako sa classroom ko at sila naman sa mga classroom nila.

Pagkatapos ng klase, nagmamadali kaming umuwi, kumain, at magpunta sa iba pang mga aktibidad, tulad ng Young Women at mga lesson sa musika. Ang asawa ko ang elders quorum president, kaya abalang-abala rin siya.

Unti-unti kong nadama na masyadong abala ang aming pamilya. Wala kaming oras para sa personal at komportableng mga pag-uusap tungkol sa ebanghelyo, maliban tuwing Linggo.

Gusto kong magkaroon ng malakas na patotoo ang aking mga anak tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo—simula ngayon, habang bata pa sila. Bilang mga magulang nila, alam naming mag-asawa na responsibilidad namin iyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25). Nagpasiya akong ipagdasal iyon.

“Bukod sa pagdaraos ng family home evening at pagdadala sa mga anak namin sa simbahan,” tanong ko sa Ama sa Langit, “ano pa po ang magagawa namin?”

Ang sagot na natanggap ko ay basahin ang mga banal na kasulatan sa umaga at gumamit ng musika. Kaya, sa pagpasok sa paaralan tuwing umaga sakay ng aming van, nagsimula akong magpatugtog ng mga himno at iba pang angkop na musika. Pagkatapos, sa loob ng ilang minuto pagdating namin sa paaralan, sinimulan naming sama-samang basahin ang mga banal na kasulatan, talakayin ang ebanghelyo, at magdasal bago pumasok sa klase. Pati ang limang-taong-gulang kong anak ay gustong sumali.

Napakagandang tingnan na binabasa at pinatototohanan ng mga anak ko si Jesucristo at makita ang nakatatanda kong mga anak, 9 at 12, na kusang tinutulungan ang bunso, 5, na basahin ang mga banal na kasulatan.

Matapos naming idagdag ang aming maikling debosyonal sa aming nakakatawang umaga, tinanong ko ang aking mga anak, “Ano sa palagay ninyo?” Naantig ang puso ko sa sagot nila.

“May test po ako kanina, at kabadong-kabado ako,” sabi ng isa sa kanila. “Pero naalala ko ang pinag-usapan natin kaninang umaga na maaari tayong humingi ng tulong sa Diyos. Taimtim po akong nagdasal, na hinihiling sa Kanya na tulungan akong kumalma, at tinulungan Niya ako.”

Sabi ng isa pa, “Mamá, may kilala po akong isang batang babae na walang makausap. Naalala ko sa debosyonal natin na mahal ng Diyos ang lahat, kaya nagpasiya akong kausapin at kaibiganin siya.”

Lubos akong nagpapasalamat sa Ama sa Langit sa pagtulong sa akin na mas magampanan ang aking tungkulin bilang ina. Alam ko na sinasagot Niya ang mga panalangin at ibinigay Niya sa atin ang ebanghelyo para maging masaya tayo.