Liahona
Sino ang Namatay?
Abril 2024


“Sino ang Namatay?,” Liahona, Abr. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Sino ang Namatay?

Daan-daang beses na akong tumanggap ng sakramento. Bakit hindi ko nakita ang magiliw na simbolismo?

hapag ng sakramento

Larawang-guhit ni David Green

Bilang mga ward missionary, naging kaibigan naming mag-asawa ang isang bata pang mag-asawa. Minahal namin sila at ang kanilang mga anak. Kalaunan, tinanggap nila ang aming paanyayang magsimba.

Gayunman, pagdating namin para sunduin sila isang Linggo ng umaga, humingi sila ng paumanhin dahil hindi pa sila handa. Pero nakiusap ang kanilang anim-na-taong-gulang na anak na si Keaton sa kanyang mga magulang na payagan siyang sumama. Kaya, sa kanilang pahintulot, nagbihis siya at sumama sa amin sa simbahan.

Nang mahuli kami ng dating, tahimik kaming naupo sa gawing likuran ng chapel. Bigla kong naramdaman na may humila sa akin at lumingon ako at nakita ko si Keaton na nakahawak nang mahigpit sa amerikana ko. Mukhang balisa at nakatitig sa harapan ng chapel, nagtanong siya, “Sino po ang namatay?”

“Ha?” sagot ko, habang sinusundan ang kanyang tingin. “Walang namatay.”

Habang pinagninilayan ko ang tanong ni Keaton, tumingin ako sa hapag ng sakramento. Para sa isang batang musmos na kakaunti ang karanasan sa Simbahan, madaling makita na tila may katawang nakahiga sa ilalim ng telang nakatakip sa tinapay at tubig ng sakramento. Sa gayo’y naintindihan ko: may isang tao ngang namatay. Ang mga sagradong sagisag na kumakatawan sa katawan ni Jesucristo ay nasa harapan namin mismo. Sa napakaraming karanasan sa Simbahan, bakit hindi ko nakita ang magiliw na simbolismo?

Pinasalamatan ko si Keaton sa kanyang tanong at ipinaliwanag ko na ang telang pangsakramento ay nakatakip sa tinapay at tubig at sinabi ko kung ano ang kahulugan nito sa amin. Ipinaalala sa akin ng kanyang simpleng tanong na talaga ngang namatay ang Tagapagligtas para tayo mabuhay.

Simula noong araw na iyon, patuloy na naging napakahalaga sa akin ang tanong ni Keaton. Nakatulong ito sa akin na unawain ang hapag ng sakramento nang mas nakatuon sa Tagapagligtas. Naging mas malinaw ang mga sagisag ng sakramento, at nananatili nang mas matagal sa akin ang kahulugan ng mga ito sa buong linggo. Pasasalamatan ko magpakailanman ang inosenteng tanong ni Keaton.

Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa bawat linggo na nagkakaisa tayong nagtitipon sa iba’t ibang panig ng mundo, umaasam sa ibayong banal na pagpapahalaga sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Diyos, nawa’y dalhin natin sa [altar] ng sakramento ang ‘[luha at dusa] sa Kanyang dinanas.’ At pagkatapos, sa ating pagninilay-nilay, pagdarasal, at pagpapanibago ng tipan, nawa mula sa sagradong sandaling iyon ay madama natin ang ‘[higit pang pagtitiis sa pagdurusa, … higit pang pasasalamat sa kapanatagan]’ [“Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan,” Mga Himno, blg. 80].”1