“Ang Banal na Tadhana ng Ating mga Anak,” Liahona, Abr. 2024.
Ang Banal na Tadhana ng Ating mga Anak
Apat na paraan na matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na malaman ang tungkol kay Jesucristo at mapansin ang kabanalang nasa kalooban nila.
Madalas tanungin ang mga bata, “Ano ang gusto mong maging paglaki mo?” Sa buhay bago tayo isinilang, kung sa atin itinanong iyon, maaaring ang isagot natin ay, “Gusto kong maging katulad ng ating mga magulang sa langit.”
Ang pagiging magulang ay kadalasang tungkol sa mga oras ng pagtulog at mga oras ng pagligo, pagtuturo at mga pag-aalburoto, pagwawasto at pag-aalo. Pero marahil ay maaari din tayong bumalik sandali at suriin ang ating pagiging magulang mula sa mas malawak na pananaw, na inaalala ang likas na kabanalan ng ating mga anak—na mga anak din sila ng Diyos—at na sila ay may banal na tadhana, at magiging katulad ng Diyos balang-araw (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:20).
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang ating teolohiya [ay nagsisimula] sa mga magulang sa langit, at ang pinakamimithi nating matamo ay ang kaganapan ng walang-hanggang kadakilaan.”1 At bawat isa sa atin ay may gayong banal na potensyal. Nakasaad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”: “Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”2
Matutulungan ng mga magulang ang mga anak na tumuklas at magtagumpay sa kanilang landas tungo sa pagiging katulad ng Diyos. Pero para maging higit na katulad Niya, kailangan munang malaman ng ating mga anak ang iba pa tungkol sa pagkatao ng Diyos. Ang isang dahilan kaya pumarito si Jesucristo sa lupa ay para tulungan tayong maunawaan ang ating Ama sa Langit. Tulad ng sabi ng Tagapagligtas, “Ako at ang [aking] Ama ay iisa” (Juan 10:30); “ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama” (Juan 14:9). Para maging katulad ng Diyos, bumabaling tayo sa Tagapagligtas, at natututo tungkol sa Kanya.
Narito ang apat na bagay na magagawa natin para maipaalam sa ating mga anak kung sino si Jesucristo at sa gayo’y makilala ang kanilang Ama sa Langit.
-
Ituro sa kanila na magtiwala sa mga apostol at propeta ng Tagapagligtas.
-
Ituro sa kanila na kumilos nang may pananampalataya.
-
Ituro sa kanila ang kahalagahan ng paghahayag.
-
Maging halimbawa ng mga katangian ng Tagapagligtas.
Pagtitiwala sa mga Apostol at Propeta
Isa sa mga pinakamahalagang paraan na makikilala ng ating mga anak si Jesucristo ay sa pakikinig sa Kanyang hinirang na mga natatanging saksi. Tulad noong panahon ng Bagong Tipan, ipinauunawa sa atin ng mga Apostol ngayon ang Kanyang pagkatao at Kanyang gawain. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang mga inordenang Apostol ni Jesucristo ay laging nagpapatotoo sa Kanya. Itinuturo nila ang daan habang nararanasan natin ang masalimuot at napakalungkot na buhay sa mundo.”3 At itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang propeta ay hindi tumatayo sa pagitan [ninyo] at ng Tagapagligtas. Sa halip, tumatayo siya sa ating tabi at itinuturo ang daan patungo sa Tagapagligtas.”4
Mahalaga ring ituro sa ating mga anak na maging mapagpakumbaba at matiyaga habang nakikinig sila sa ating mga inspiradong pinuno. Sabi ni Elder Andersen: “Huwag kayong mabibigla kung ang inyong mga personal na pananaw sa simula ay hindi palaging lubos na umaayon sa mga turo ng propeta ng Panginoon. Ito ang mga pagkakataon ng pagkatuto, ng pagpapakumbaba, kapag tayo ay lumuluhod para manalangin. Nagpapatuloy tayo sa paglakad nang may pananampalataya, nagtitiwala sa Diyos, nalalaman na darating ang panahon na makatatanggap tayo ng dagdag na espirituwal na kaliwanagan mula sa ating Ama sa Langit.”5 Itinuro ng Panginoon ang isang mahalagang alituntunin nang sabihin Niya tungkol kay Propetang Joseph Smith, “Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong [pagtitiyaga] at pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 21:5). Ang pagtuturo sa ating mga anak na magkaroon ng tiyaga at sikaping makaunawa ang magiging daan para sila ay maging espirituwal na self-reliant sa buong buhay nila.
Pagkilos nang May Pananampalataya
Ang malaman ang isang bagay ay higit pa sa pagsasaulo ng mga katotohanan. Maaaring magbasa ang mga tao ng mga aklat tungkol sa pagtugtog ng piyano, pero kung hindi sila kailanman titipa ng isang nota, hindi sila matutulungan ng kanilang kaalaman na maging isang piyanista. Totoo rin ito sa pagkakilala kay Jesucristo. Ang makilala Siya ay higit pa sa pag-alam lamang ng mga katotohanan. Para makilala Siya, kailangan nating gawin ang Kanyang ginagawa.
Binigyang-diin ng Tagapagligtas na ang paggawa ay mahalagang bahagi ng pag-alam: “Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos, o kung ako’y nagsasalita mula sa aking sarili” (Juan 7:17). Sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Nakikilala natin ang Tagapagligtas kapag sinimulan nating gamitin ang ating mga espirituwal na kakayahan at [sinubukang sundin] ang Kanyang mga turo.”6 Itinanong ni Haring Benjamin, “Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran?” (Mosias 5:13).
Maaaring matuto ang ating mga anak tungkol kay Cristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, seminary, at pangkalahatang kumperensya. Gayunman, hindi sasapat ang mga ito kung hindi ginagawa ang ginawa ni Cristo: nangangaral ng ebanghelyo, nangangalaga sa mga nangangailangan, at naglilibot na “gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38).
Ang programang Mga Bata at Kabataan ng Simbahan ay makakatulong sa ating mga anak na kumilos nang may pananampalataya. Matutulungan natin silang isipin ang mga mithiing tutulong sa kanila na gawin ang mga bagay na ginawa ni Cristo at makilala Siya.7
Paghahangad ng Paghahayag
Nakikilala rin natin si Cristo sa mas personal na antas kapag, tulad ng panghihimok ni Pangulong Nelson, pinakinggan natin siya sa pamamagitan ng Espiritu: “Mas malinaw [rin] nating nagagawang pakinggan Siya kapag pinagbuti natin ang ating kakayahang mahiwatigan ang mga bulong ng Espiritu Santo. Higit na mahalaga ngayon na malaman ninyo kung paano nangungusap sa inyo ang Espiriitu. Sa Panguluhang Diyos, ang Espiritu Santo ang sugo. Ipaparating Niya sa inyong isipan ang nais ng Ama at ng Anak na matanggap ninyo.”8
Maaaring makilala ng ating mga anak ang Tagapagligtas kapag pinakinggan nila ang nais Niyang malaman at gawin ng bawat isa sa kanila. Hinihikayat ng programang Mga Bata at Kabataan ang mga bata at kabataan: “Maaari mong ipagdasal na malaman kung ano ang [iyong mga talento] at ano ang mapapaunlad mo ngayon.”9 Habang hinahangad ng mga bata na maunawaan kung ano ang nais ng Tagapagligtas para sa kanila, lumalago ang pagkakataon nilang madama ang Kanyang pagmamahal.
Matuturuan natin sila na huwag panghinaan-ng-loob kung hindi kaagad dumarating ang mga sagot. Maaari silang patuloy na manampalataya, batid na madarama nila ang pagmamahal ng Diyos habang nagsisikap silang pakinggan Siya. Inilahad ni Pangulong Nelson ang mga hakbang na tutulong sa atin, sa mga salita ni Propetang Joseph Smith, na “umunlad sa alituntunin ng paghahayag,” kabilang na ang: pagtutok sa mga banal na kasulatan, paglapit sa Panginoon sa panalangin, pakikinig para sa mga sagot at pagtatala ng ating nadarama, at (bagama’t hindi tayo kailangang maging perpekto) pagsisikap araw-araw na maging higit na karapat-dapat.10
Pagiging Isang Halimbawa
Sa huli, bilang mga magulang, isa sa mga pinakamaimpluwensyang paraan na tinuturuan natin ang ating mga anak tungkol kay Cristo ay ang pagtulad sa Kanyang mga katangian sa sarili nating buhay. Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Lubha bang mapangahas na umasa na maaaring magkaroon ang ating mga anak ng kaunting bahagi ng damdamin para sa atin na nadama ng Banal na Anak para sa Kanyang Ama? Maaari ba tayong higit na magtamo ng pagmamahal na iyon sa pagsisikap na maging lalong katulad ng Diyos sa Kanyang anak? Anuman ang sitwasyon, alam natin na ang lumalagong konsepto ng isang kabataan tungkol sa Diyos ay nakasentro sa mga katangiang nakikita sa mga magulang sa lupa ng batang iyon.”11
Kapag tinularan natin si Cristo, tumutulong tayong ihayag Siya at ang Ama sa ating mga anak. Ang ilan sa mga katangian ni Cristo ay nakasaad sa Moroni 7:44–45, kabilang na ang pag-ibig sa kapwa, pag-asa, kabaitan, kaamuan, hindi madaling magalit, may mahabang pagtitiis, at matiisin sa lahat ng bagay.
May alam akong isang babae na ang ama ay madalas magalit at madaling uminit ang ulo. Sabi niya, “Sa loob ng maraming taon, ang tingin ko sa Ama sa Langit ay katulad ng tingin ko sa sarili kong ama—isang tao na halos palaging umiiwas at madaling madismaya.” Nakaapekto ito sa kanyang kakayahang tunay na maunawaan ang Ama sa Langit. Gayunman, ikinuwento niya na tinulungan siya ng Ama sa Langit na malaman na “unti-unti Niya akong inaakay na mawala ang takot ko sa Kanya at ipinadarama Niya sa akin ang nakapagliligtas na kapangyarihan ng Kanyang pagmamahal.” Unti-unti niyang nakita ang Kanyang tunay na pagkatao.
Ang unang layunin ng Primary ay tulungan ang mga bata na madama ang pagmamahal ng kanilang Ama sa Langit.12 Maaari din itong maging isa sa mga unang layunin ng mga magulang. Kapag nadama ng mga bata ang pagmamahal ng Ama sa Langit, mas mauunawaan nila Siya at nanaisin nilang maging katulad Niya.
Ano ang nais maging ng ating mga anak paglaki nila? Bilang mga magulang, maaari natin silang hikayating maging katulad ng ating mga magulang sa langit. Si Jesucristo ang ating perpektong halimbawa, at kapag tinulungan natin ang ating mga anak na lumapit sa Kanya, mas malamang na makamtan nila ang hangaring ito. Matutulungan natin silang makilala ang Diyos at si Jesucristo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tiwala sa mga apostol at propeta, pagtulong sa kanila na kumilos na tulad ng Panginoon, pagtulong sa kanila na pakinggan Siya sa pamamagitan ng Espiritu, at pagtulad sa Panginoon sa sarili nating mga kilos.
Ang ating halimbawa at ang kanilang pakikipagtipan sa Panginoon ay lilikha ng katatagan, ng damdamin ng pagiging kabilang, at kaalaman tungkol sa pagmamahal ng Diyos na kailangan ng ating mga anak, na magpapala sa kanila sa darating na mga taon.