Liahona
Nagpapasalamat na Maiuwi Sila
Abril 2024


“Nagpapasalamat na Maiuwi Sila,” Liahona, Abr. 2024.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Nagpapasalamat na Maiuwi Sila

Ang ligtas na pag-uwi ng aking ama noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nakatulong sa akin na pahalagahan ang himala ng gawain sa family history matapos akong sumapi sa Simbahan.

ang awtor kasama ang kanyang apo at anak

Itaas: Ang awtor kasama ang kanyang apong si Jordan Stanford at anak na si Marie-Laure Stanford.

Mga larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Ang Paris, France, ay madilim na lugar sa maraming paraan noong 1939. Nagsimula nang matalo ang mga sundalo namin, at nagsimulang mag-alisan sa lungsod ang maraming mamamayan ng Paris. Pagsapit ng tag-init ng 1940, nasakop na ng Germany ang France.

Pinaglingkod ang aking ama sa ilalim ng Service du Travail Obligatoire (Compulsory Work Service) at ipinadala sa Germany para magtrabaho sa isang pabrika. Nanatili kaming magkasama ni Inay, na gumagawa ng kung anu-anong maliliit na trabaho para matugunan ang aming mga pangangailangan sa mahihirap na taon ng pananakop.

Isang araw sa daan pauwi mula sa trabaho noong tag-init ng 1944, nagbisikleta ako sa Place de La Concorde at naipit ako sa gitna ng isang labanan. Punung-puno ng mga tangke ng mga German ang liwasan, at naghari ang kalituhan nang magbarilan mula sa lahat ng panig, pati na mula sa mga bubong. Sinunggaban ako sa braso ng isang sundalong German at itinulak ako sa likod ng kanyang tangke, at iniligtas ang buhay ko.

Pagkatapos niyon, mabilis na dumating ang pagbabago. Hindi nagtagal ay pumasok ang mga Kaalyadong hukbo at binawi ang Paris. Nagdiwang ang France, pero hindi namin nagawa ni Inay na makigalak sa lahat. Wala kaming nabalitaan tungkol kay Itay. Dahan-dahang nagbalikan ang mga bilanggong French, pero inisip namin kung ano ang lagay ng mga nagtrabaho sa mga pabrika sa Germany.

Isang gabi, walang abisong dumating si Itay na pagod na pagod at mahaba ang balbas. Ikinuwento niya sa amin ang kanyang mahimalang pagtakas mula sa Germany at ang kanyang paglalakbay na naglalakad, sakay ng bisikleta, at sakay ng tren papuntang Hungary at Czechoslovakia.

Muling nagkasama-sama ang aming pamilya, at lubos ang aming kagalakan.

ang awtor noong dalaga pa siya

Si Gisèle noong dalaga pa siya.

Mga Sagot na Hindi Mapagdududahan

Makalipas ang ilang taon, ang walang-hanggang kahalagahan ng makapiling—at mapagsama-sama—ang aming pamilya ay naging malinaw sa akin matapos kong tanggapin ang mga turo ng dalawang binatang kumatok sa pintuan ng chocolate factory ng asawa ko. Nagpakilala sila na mga missionary sila mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Nakipag-ayos ang asawa kong si Gerard na makipagkita sa kanila sa bahay paglabas niya sa trabaho, pero nalimutan niyang sabihin iyon sa akin. Nang makita kong dumating ang dalawang binatang ito, pinaupo ko sila sa sala para hintayin si Gerard. Hindi ako naging mabait sa kanila.

Relihiyosa ako noon, pero hindi ako gaanong aktibo sa aking relihiyon. Masaya akong namumuhay nang hindi na kailangang mag-aral o magtanong. Nabagabag ako sa ideyang pagdudahan ang aking pananampalataya, at hindi sapat ang katapangan ko para baguhin ang aking relihiyon.

Sa loob ng mahabang panahon, nagsimba si Gerard nang hindi ako kasama. Ang maliit na branch na dinaluhan niya ay nagdaos ng mga pulong sa isang trailer habang itinatayo ang unang meetinghouse ng Simbahan sa France. Tumulong pa si Gerard sa paghukay ng pundasyon.

Umuuwi siyang masaya at sinisikap na ibahagi sa akin ang kanyang mga impresyon. Sa huli, nagpaturo ako sa mga missionary, at nagtanong ako ng mga bagay na karamihan ay para hiyain ang dalawang kawawang missionary na iyon. Taglay ang malaking pasensya at lubos na katapatan, inamin nila ang kanilang kamangmangan sa ilang bagay na may kinalaman sa doktrina, nag-alok na magsaliksik tungkol sa aking mga tanong, at bumalik nang sumunod na linggo na may mga sagot na hindi mapagdududahan.

Nang malaman ng isang bumibisitang kura-paroko na kinakausap namin ang mga missionary, sinubukan niyang ibunyag na mali ang mga turo ng Simbahan. Gayunman, baligtad ang naging epekto ng kanyang mga pagtatangka. Kahit tinangka niyang papangitin ang tingin ko sa mga miyembro ng Simbahan sa pinakamasahol na posibleng paraan, nagpasiya akong tanggapin ang mga alituntuning itinuro ng mga missionary at magpabinyag.

Matagal nang handang magpabinyag si Gerard pero ayaw niyang mabinyagan nang hindi ako kasama. Noong Mayo 1964, nagtayo ng portable canvas pool ang mga missionary sa gitna ng sala ng kanilang apartment at pinuno iyon ng tubig mula sa tubong nagmumula sa isang lababo. Naroon ang lahat ng kaibigan namin sa Simbahan. Napakaemosyonal ko noon kaya nangamba ako na baka umapaw ang pool dahil sa mga luha ko!

pamilya sa harap ng templo

Si Gisèle kasama ang kanyang asawang si Gerard at dalawang anak nila sa Bern Switzerland Temple.

Konektado Hanggang sa Kawalang-Hanggan

Makalipas ang isang taon, sa Bern Switzerland Temple, nabuklod kaming mag-asawa sa isa’t isa at pagkatapos ay nabuklod sa amin ang dalawa naming anak na babae. Habang naroon kami, gumawa kami ng gawain sa templo para sa aming mga ninuno. Gustung-gusto ko ang itinuturo ng Simbahan tungkol sa family history at mga pagbubuklod at sa pagtitipon ng Israel. Gustung-gusto ko ang pagtutuon sa pagsasama-sama ng mga pamilya.

ang awtor at dalawang anak niya

Si Gisèle kasama ang mga anak na sina Marie-Laure Stanford at Isabelle Horne.

Hindi madaling gumawa ng family history sa France noong panahong iyon, pero nabigyang-inspirasyon akong gawin iyon. Walang mga digitized record, kaya madalas akong magpunta sa bayang sinilangan ng isang ninuno para humiling ng mga pisikal na rekord o talaan. Espesyal ang nadama ko nang mahawakan ko ang mga dokumentong isinulat ng mga mapagpakumbabang taong naroon nang isilang, ikasal, o mamatay ang isa sa aking mga ninuno.

awtor na nakaupo sa harap ng computer

“Gustung-gusto ko ang itinuturo ng Simbahan tungkol sa family history at mga pagbubuklod at sa pagtitipon ng Israel.”

Medyo limitado na ang kilos ko ngayon dahil may edad na ako, pero lubos akong nagpapasalamat na patuloy kong magagawa ang gawain para sa aking mga ninuno sa pamamagitan ng FamilySearch, kapwa sa pag-iindex at sa paghahanap ng mga bagong pangalan. Sa mga tool na available sa atin, nakapag-index ako ng mahigit 35,000 mga pangalan at nakahanap ng mahigit 5,000 pangalang dadalhin sa templo.

Kumpleto ang kaligayahang nadarama natin sa ebanghelyo kapag matatamasa natin ito kasama ang ating pamilya. Nagpapasalamat ako sa pagkakataong mapagsama-sama sila—na maiuwi sila magpakailanman.