Digital Lamang
Pagpapalakas ng Damdamin ng Kapayapaan sa mga Relasyon
“Kapag sinusunod natin ang Prinsipe ng Kapayapaan, tayo ay magiging mga tagapamayapa Niya.”1
Bago nagdusa si Jesucristo sa Getsemani, pinanatag Niya ang Kanyang mga disipulo sa pagsasabing: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man” (Juan 14:27; tingnan din sa mga talata 26–31).
Bilang mga alagad ni Jesucristo, ang isa sa ating mga mithiin ay ang tularan ang Kanyang halimbawa upang makabalik tayo sa ating Ama sa Langit at makapiling Siya magpakailanman.
Hangad ng Tagapagligtas na tulungan ang iba na makadama ng kapayapaan. Paano rin natin maitataguyod ang kapayapaan sa ating mga relasyon?
Sabi ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kapag sinisikap nating magkaroon ng mga katangiang tulad ng sa Tagapagligtas, maaari tayong maging mga kasangkapan ng Kanyang kapayapaan sa mundo ayon sa huwarang itinakda Niya [mismo].”2
Ang pagkakaroon ng mga katangian ni Cristo ay isang paraan para magkaroon tayo ng kapayapaan sa mga relasyon natin sa iba at sa ating sarili. Nasa ibaba ang ilang halimbawa ng paggamit ni Jesucristo ng Kanyang mga katangian para ibahagi ang Kanyang kapayapaan.
Pag-ibig sa Kapwa-tao at Pagmamahal
Apat na araw matapos mamatay si Lazaro, dumating si Jesus kina Maria at Marta habang nagluluksa sila. Bagama’t alam Niyang ibabangon Niya si Lazaro mula sa mga patay, malaki ang pagkahabag Niya sa kababaihan, at “umiyak si Jesus” (Juan 11:35). Nagpakita Siya ng dakilang halimbawa ng pagkilos nang may dalisay na pag-ibig at kahandaang “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati” (Mosias 18:9).
Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang dalisay na pag-ibig ni Cristo ang sagot sa pagtatalo na lumiligalig sa atin ngayon. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay naghihikayat sa atin na ‘magpasan ng pasanin ng isa’t isa’ [Mosias 18:8] sa halip na pahirapan ang isa’t isa. Ang dalisay na pag-ibig ni Cristo ay nagbibigay sa atin ng kakayahan na ‘tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay’ [Mosias 18:9]—lalo na sa magugulong sitwasyon. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagbibigay sa atin ng kakayahan na ipakita kung paano nagsasalita at kumikilos ang kalalakihan at kababaihan ni Cristo—lalo na kapag tinutuligsa [sila].”3
Anuman ang ating sitwasyon, maaari nating piliing tingnan ang iba at ang ating sarili bilang mga anak ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi natin lubos na nauunawaan ang pinagdaraanan ng iba o maaaring iba ang ating pang-unawa kaysa sa iba, maaari nating patuloy na mahalin at paglingkuran sila nang may pag-ibig sa kapwa at habag na tulad ni Cristo.
Kapatawaran
Habang nagdurusa sa krus bago Siya namatay, sinabi ni Jesus tungkol sa mga taong nagpako sa Kanya sa krus, “Ama, patawarin mo sila; sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34).
Sa buhay, maaaring saktan tayo ng iba. At kung minsa’y tayo ang nakakasakit sa iba. Kung hindi ito malulunasan, makapipinsala ang masasakit na pangyayaring ito sa ating mga relasyon. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong magtamo ng lakas na magkaroon ng pasensiya na magpatawad at humingi ng kapatawaran. Kapag ginawa natin ito, maaaring maranasan at maibahagi ng iba at natin mismo ang kapayapaan at pagmamahal na handog ni Cristo.
Itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang pagpapatawad ay hindi lamang isang minsanang pagkilos kundi patuloy na proseso na nangangailangan ng pasensya, habag, at pag-unawa. Hindi laging madaling patawarin ang mga nakasakit sa iyo. Makatatanggap ka ng lakas mula kay Jesucristo. … Inaanyayahan ko kayong alalahanin ang alituntunin ng pitumpung beses na pito at patawarin ang isang taong nagkasala sa inyo. Kapag ginawa ninyo ito, papawiin ni Jesucristo ang inyong galit, sama-ng-loob, at pasakit. Ang Prinsipe ng Kapayapaan ay maghahatid sa inyo ng kapayapaan.”4
Mahalagang tandaan, lalo na sa mga sitwasyon ng pang-aabuso, na “ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugan ng paglimot sa pagkakasala o pagkukunwaring hindi ito nangyari kailanman. Ito ay hindi nangangahulugan na pahihintulutan mo na magpatuloy ang pang-aabuso. Hindi ito nangangahulugan na posible na maghilom ang lahat ng relasyon. At hindi ito nangangahulugang hindi pananagutin ang nagkasala sa kanyang mga ginawa. Ang ibig sabihin nito ay matutulungan ka ng Tagapagligtas na lumimot o bumitaw.”5
Habang sinisikap nating magkaroon ng mga katangiang tulad ni Cristo, magagamit natin ang mga ito para mapalakas ang kapayapaan sa ating mga relasyon.
Sabi ni Pangulong Nelson:
“Kapag sinusunod natin ang Prinsipe ng Kapayapaan, tayo ay magiging mga tagapamayapa Niya. …
“Kung tapat kayo sa pagtulong na tipunin ang Israel at pagpapatibay ng mga ugnayang mananatili hanggang sa kawalang-hanggan, ngayon ang panahon para isantabi ang pagkapoot. Ngayon ang panahon para tumigil sa paggigiit na kayo lang ang masusunod. Ngayon ang panahon para tumigil sa paggawa ng mga bagay na dahilan para pangilagan kayo sa takot na mapagalit kayo. Ngayon ang panahon para ibaon ang inyong mga sandata ng digmaan [tingnan sa Alma 24:19; 25:14]. Kung ang inyong pananalita ay puno ng mga panlalait at paratang, ngayon ang panahon para iwaksi ang mga iyon [tingnan sa 1 Corinto 13:11]. Kayo ay babangon bilang lalaki o babae ni Cristo na may malakas na espirituwalidad.”7
Sa pagiging mga tagapamayapa, masasaksihan natin na inaani ng iba ang mga pagpapalang nagmumula sa Prinsipe ng Kapayapaan, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo.