Liahona
Pagtulong sa Ating Pamilya na Mamuhay sa Liwanag at Katotohanan
Abril 2024


“Pagtulong sa Ating Pamilya na Mamuhay sa Liwanag at Katotohanan,” Liahona, Abr. 2024.

Pagtulong sa Ating Pamilya na Mamuhay sa Liwanag at Katotohanan

Tinutulungan ba natin ang ating pamilya na humarap sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas at patuloy na lumapit sa Kanila?

pamilyang nakikipag-usap sa pulis sa isang karnabal

Larawang-guhit ni Casey Nelson

Nagkaroon kami ng asawa kong si Nuria ng patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo pagkaraan ng tatlong buwan ng pakikinig sa mga missionary. Nabinyagan kami noong 1982. Wala pa kaming mga anak noon, pero nalaman namin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga anak at ng pagtuturo ng ebanghelyo sa kanila.

Sinabi ng Panginoon kay Adan na ituro sa kanyang mga anak “na ang lahat ng tao, sa lahat ng dako, ay kinakailangang magsisi, o sila sa anumang paraan ay hindi makamamana ng kaharian ng Diyos. …

“Samakatwid, ako ay nagbibigay sa iyo ng isang kautusan, na malayang ituro ang mga bagay na ito sa iyong mga anak, nagsasabing:

“… Kayo ay kinakailangang isilang na muli sa kaharian ng langit, sa tubig, at sa Espiritu, at malinisan sa pamamagitan ng dugo, maging ng dugo ng aking Bugtong na Anak; upang kayo ay mapabanal mula sa lahat ng kasalanan, at magtamasa ng mga salita ng buhay na walang hanggan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. …

“At ngayon, masdan, sinasabi ko sa iyo: Ito ang plano ng kaligtasan sa lahat ng tao” (Moises 6:57–59, 62).

Kami ni Nuria ay nagpalaki ng limang anak at nabiyayaan ng 14 na mga apo. Nalaman namin na ang turong ito mula sa mga makabagong propeta, tagakita, at tagapaghayag ay totoo: “Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.”1

Paglikha ng Isang Tahanan at Pamilya na Nakasentro kay Cristo

Sa maraming paraan, kami ni Nuria ay mga pioneer sa Simbahan kung saan kami naninirahan noon sa Puerto Rico. Lahat ay bago sa amin. Natuklasan namin nang maaga na magiging mahalaga ang home evening sa pagpapalaki sa aming tatlong anak na babae at dalawang anak na lalaki.

Kung minsan, iniisip namin kung malaki ang nagawa nitong kaibhan. Naaalala ko na bumabaligtad ang isa sa aming mga anak na lalaki na una ang ulo sa sofa na nakaturo ang kanyang mga paa sa kisame. Tinitingnan namin siya at iniisip, “May natututuhan kaya siya?”

Kahit tila hindi tayo pinapansin ng ating mga anak, hindi ninyo alam kung kailan talaga sila nakikinig at natututo. Kaya nga napakahalaga na patuloy na ibahagi ang ebanghelyo.

Ilang taon na ang nakalipas, nagpunta ang aming pamilya sa isang perya. Nasiyahan kami sa mga pagsakay hanggang sa gumabi. Sa daan papunta sa aming kotse para umuwi, inilagay ko ang kamay ko sa aking bulsa at natanto ko na nawawala ang mga susi namin sa kotse, sa bahay, at sa aking opisina!

Puno ng mga tao ang perya, pero nakakita kami ng isang tahimik na lugar (kasing-tahimik ng makikita mo sa isang peryang maraming tao) at magkakasama kaming tumayo para ipagdasal na mahanap sana namin ang mga susi. Pagkatapos ay nilibot namin ang buong perya at hinanap ang mga nawawalang susi.

Habang naglalakad kami, nakita namin ang isang pulis. Naisip namin na baka may nakakita sa mga susi namin at ibinigay ang mga iyon sa kanya. Nilapitan namin ang pulis at tinanong, “Naiwala namin ang mga susi namin. Nasa iyo kaya?”

Itinanong niya kung mga miyembro kami ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Medyo nalilito sa tanong na iyon, sumagot ako ng, “Oo.”

Pagkatapos ay itinanong ng pulis kung ano ang hitsura ng mga susi. Inilarawan ko iyon, at sinabi niya sa akin na nasa kanya ang mga iyon.

“Bakit mo itinanong kung mga miyembro kami ng Simbahan?” tanong ko nang iabot niya sa akin ang mga susi.

“Dahil mayroon kang vial ng langis sa keychain mo,” sabi nito. “May ganyan din ang tatay ko. Miyembro siya ng simbahan ninyo.”

Ang ganitong mga karanasan ay nagpala sa aming pamilya na magtiwala sa Ama sa Langit at malaman na kasama namin ang Tagapagligtas at tutulungan kami.

Ang paglikha ng isang tahanan at pamilya na nakasentro kay Cristo ay nangangailangan ng mga magulang na seryoso sa kanilang katapatan sa tinatawag ni Pangulong Russell M. Nelson na “matwid at intensyonal na pagiging magulang.”2 Malalaman ng ating mga anak kung gaano ang kabuluhan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa atin kapag sinisikap nating ipamuhay ito “sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9).

Sulit Ito sa Bawat Pagsisikap

Nang magsimulang mag-seminary ang panganay naming anak na babae, maagang-maaga siyang inihahatid ni Nuria. Ibig sabihin nito ako ang nag-alaga sa iba ko pang mga anak. Tinulungan ko silang maghanda, mag-almusal, at saka ko sila inihahatid sa paaralan.

Hindi nagtagal, naisip ko, “Hindi ayos ang seminary! Hiwa-hiwalay ang pamilya. Hindi kami sabay-sabay sa almusal.”

Iyon ay hanggang sa makita ko ang anak kong babae na nag-aaral mag-isa ng mga banal na kasulatan isang gabi. Napakasaya ko at nagpasalamat ako na nanalig ako sa seminary! Kalaunan, tinawag si Nuria na magturo sa early-morning seminary. Nang pumasok siya sa law school, humalili ako at nagturo sa loob ng anim na taon. Kung minsa’y sakripisyo iyon, pero mapalad ako na naturuan ko ang lahat ng mga anak namin sa seminary.

Maaaring magulo ang buhay kung minsan, pero ang pagtulong sa ating pamilya na mamuhay sa liwanag at katotohanan ay sulit na pagsikapan—ang pinakamainam na pagsisikap na maibibigay natin. Sa lahat ng ating ginagawa, ipakita natin sa ating pamilya na ang ebanghelyo ay higit pa sa mga salita lamang. Ito ang ipinamumuhay natin araw-araw. Hindi ninyo alam kung paano pagpapalain ng inyong mga pagsisikap ang inyong pamilya sa darating na mga taon.

Hindi Tayo Kailangang Maging Perpekto

Ginawa namin ni Nuria ang lahat para ituro sa aming pamilya, tulad ng itinuro ni Lehi sa kanyang mga anak, na “gumising” at “isuot … ang baluti ng kabutihan” (2 Nephi 1:23), pero tiyak na hindi tayo palaging perpekto rito. Nakagawa tayo ng mga pagkakamali habang daan.

Pinasasalamatan ko ang salitang ito ni Elder James R. Rasband ng Pitumpu: “Tulad ng mapapatotohanan ng sinumang magulang, ang kirot na nauugnay sa ating mga pagkakamali ay hindi lamang dahil sa takot na maparusahan tayo mismo kundi sa takot na maaaring nalimitahan natin ang kagalakan ng ating mga anak o sa anumang paraan ay nahadlangan natin silang makita at maunawaan ang katotohanan. Ang maluwalhating pangako ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ay na pagdating sa ating mga pagkakamali bilang mga magulang, hindi Niya pananagutin ang ating mga anak at ipinapangako Niya na pagagalingin Niya sila. At kahit nagkasala sila laban sa liwanag—tulad nating lahat—nakaunat ang Kanyang bisig ng awa at tutubusin Niya sila kung aasa lamang sila sa Kanya at susunod sa Kanya.”3

ipinintang larawan ni Jesucristo

Ituro Sila kay Cristo

Ang mga kabataan at young adult—walang asawa o may-asawa—ay mahaharap sa maraming tanong. Maaari nilang tingnan ang kasaysayan o doktrina ng Simbahan at magkaroon ng mga tanong o pagdududa. Maraming mapagkakatiwalaang resources ang Simbahan na tutulong sa kanila na mahanap ang mga sagot, kabilang na ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, mga magasin ng Simbahan, Mga Banal, at Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili. Sa huli, mayroon silang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga makabagong propeta at apostol na magpapalakas sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Kung iisipin ninyo na gaya ng isang puno ang ebanghelyo, maaaring kumatawan ang mga dahon at sanga sa kasaysayan o mga patakaran ng Simbahan. Bagama’t mahalaga, ang mga ito ay hindi nagbibigay ng buhay sa puno. Gayunman, inaangkla ng mga ugat ang puno sa lupa, pinananatili itong tuwid at matatag, at sumisipsip ng tubig, mineral, at sustansya para palakasin at patabain ang buong puno. Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ang ugat ng puno ng ebanghelyo. Kung wala Sila, walang makakatayo o mabubuhay.

Bilang mga magulang, lolo’t lola, o kamag-anak, dapat nating laging tulungan ang iba na umasa sa pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. Tinuturuan ba natin ang ating pamilya na humarap sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas at patuloy na lumapit sa Kanila?

Wala nang Higit pang Kagalakan

Ipinahayag ni Apostol Juan, “Wala nang higit pang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay [namumuhay] sa katotohanan” (3 Juan 1:4). Gayunman, sa kabila ng ating pinakamatitinding pagsisikap, maaaring piliin ng ilang miyembro ng pamilya na pansamantalang talikuran ang ebanghelyo. Naranasan namin ito sa sarili naming pamilya. Napanatag kami sa mensaheng ito mula kay Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang mga magulang na tumutupad sa mga tipan ng ebanghelyo, sumusunod sa mga utos ng Panginoon, at tapat na naglilingkod ay makakaapekto sa kaligtasan ng kanilang mga anak na naliligaw. …

“… Ang matatapat na miyembro ng Simbahan ay mapapanatag sa kaalamang makakamtan nila ang mga pangakong banal na patnubay at kakayahan, sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu Santo at sa mga pribilehiyo ng priesthood, sa pagsisikap na tulungan ang kanilang pamilya na matanggap ang mga pagpapala ng kaligtasan at kadakilaan.”4

Nakadama kami ni Nuria ng malaking kagalakan sa aming mga anak at apo. Sana ay maalala nila “ang mga salitang madalas [nilang] marinig na sinasabi ng [kanilang mga magulang at lolo’t lola] hinggil sa buhay na walang hanggan, at ang kagalakan ng mga banal” (Enos 1:3).

Ang pagtulong sa ating pamilya na mamuhay sa liwanag at katotohanan ay hindi palaging madali, pero pinatototohanan ko na wala nang higit na kagalakan kaysa makita silang namumuhay sa liwanag at katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo.