Liahona
Matibay na Pundasyon: Pagtuturo sa mga Anak ng Pagpapahayag Tungkol sa Mag-anak
Abril 2024


“Isang Matibay na Pundasyon: Pagtuturo sa mga Anak ng Pagpapahayag Tungkol sa Mag-anak,” Liahona, Abr. 2024.

Isang Matibay na Pundasyon: Pagtuturo sa mga Anak ng Pagpapahayag Tungkol sa Mag-anak

Sa isang mundong nagtuturo ng napakaraming iba’t ibang pilosopiya at maging ng mga kasinungalingan tungkol sa pamilya, kailangan nating ituro sa mga bata ang doktrina ng pamilya sa walang-hanggang plano ng Ama sa Langit.

pamilyang nakatipon sa mesa

Mahigit 25 taon na ang nakararaan, binasa ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” kung saan buong tapang na ipinahayag ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang malilinaw na katotohanan tungkol sa pagiging sentro ng pamilya sa plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak na lalaki at babae.1

Noong panahong iyon, tila karamihan sa mundo ay sumasang-ayon sa kanyang sinabi. Ngayon, marami sa mga alituntuning napakalinaw noon ang nasusubukan ngayon. Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Malinaw na makikita sa ating pagpapahayag tungkol sa pamilya, ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay biniyayaan ng kakaibang doktrina at ibang mga paraan [ng] pag-unawa sa sanlibutan.”2

Ang pag-unawa at paniniwala sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit at ang mahalagang papel ng pamilya sa planong iyon ay nagbibigay sa atin ng matibay na pundasyon. Nagbababala ang awitin sa Primary, “Ang taong hangal ay may kubong ‘tinayo, doon sa buhangin n’ya ‘to binuo, at bumuhos ang ulan”3 … [at] inanod [iyon] ng baha! Marami sa mga pilosopiya ng mundo hinggil sa pamilya ang nakatayo sa buhangin o maging sa mga kasinungalingan, kaya mahalagang malaman ito.

Ang isang mahalagang bagay na magagawa natin para tulungan ang ating mga anak na paglabanan ang mga hamon ng mga huling araw ay ang tulungan na matibay na sumandig sa mga katotohanang malinaw na nakasaad sa pagpapahayag. Ang pagkakaroon ng matibay na pag-unawa sa mga alituntuning iyon at ng isang patotoo sa katotohanan ng mga iyon ay tutulong sa ating mga anak na manghawakan sa mga pangunahin nilang paniniwala. Sa isang mensaheng may pamagat na “Mga Tagapagtanggol ng Pagpapahayag Ukol sa Mag-anak,” buong tapang tayong hinamon ni Sister Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President: “Lahat … ay maaaring maging tagapagtanggol ng plano ng Panginoon na inilarawan sa [pagpa]pahayag tungkol sa pamilya. Kung iyon ang plano ng Panginoon, dapat [ay] iyon din ang plano natin!”4

Narito ang ilang ideya na maaaring makatulong habang itinuturo ninyo sa inyong mga anak ang kahalagahan ng pamilya sa walang-hanggang plano ng Ama sa Langit.

Pagsasaulo

Ang isang magandang paraan para maikintal sa isipan ng ating mga anak ang mga katotohanang ito ay ang isaulo ang mga ito. Nabigyang-inspirasyon ako ng mga batang Primary sa aming ward sa California na sama-samang isinaulo ang pagpapahayag. Bawat buwan ay tumatayo sila at binibigkas ang mga bahagi ng pagpapahayag hanggang sa maisaulo nila iyon nang buo.

Maaari nating hikayatin ang ating mga anak at apo na isaulo ang pagpapahayag. Maaari pa nga silang gantimpalaan! Kung hindi mo pa mismo naisasaulo ito, masayang gawin ito nang sabay-sabay!

Nang palakihin namin ang aming mga anak sa Southern California sa kabila ng lahat ng kaguluhan sa pulitika na humahamon sa tradisyonal na kasal, natutuhan nilang mabuti ang mga salitang, “Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos.” At inulit nila nang maraming beses ang mga salitang iyon nang tanungin sila tungkol sa kanilang mga paniniwala.

Ang pagkakaroon ng mga salitang ito na matibay na nakaugat sa isipan ng ating mga anak ay tutulong sa kanila kapag naharap sila sa mga sitwasyon kung saan maaaring may mga tanong sila mismo o kung matatanong sila tungkol sa kanilang mga paniniwala. Ang mga katagang may katotohanan ay mas madaling papasok sa kanilang isipan (tingnan sa Juan 14:26).

pamilyang sama-samang nag-aaral

Talakayan

Sa tahanan maaaring matutuhan ng ating mga anak ang katotohanan at kung paano ipaliwanag ang kanilang mga pinahahalagahan at alituntunin. Ang pagkakaroon ng mga talakayang ito ay magpapatibay sa kanilang patotoo tungkol sa pamilya at magtutulot sa Espiritu na patotohanan ang mga katotohanang naririnig nila.

Habang tinatalakay natin ito, mahalagang ipahayag natin ang mga katotohanan mula sa pagpapahayag nang malinaw at walang pagsisisi. Halimbawa, itinuturo natin na ang kalinisang-puri bago magpakasal at katapatan pagkatapos ay mga pamantayang hindi maikokompromiso: “Iniutos na ng Diyos na ang mga sagradong kapangyarihan ng paglikha ng mga anak ay magagamit lamang sa pagitan ng lalaki at babae, na legal na ikinasal bilang mag-asawa.” Itinuturo natin na mapoprotektahan sila ng kadalisayan ng puri.

Makakatulong na sabihan ang mga bata na magtanong at magbigay ng kanilang mga opinyon habang tinatalakay natin ang mga bagay na ito. Tanungin sila, “Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng propeta at mga apostol nang sabihin nilang, ‘Pinagtitibay namin ang kabanalan ng buhay at ang kahalagahan nito sa walang-hanggang plano ng Diyos’? Sa palagay ninyo bakit mahalaga iyan?”

Talagang nakisangkot ang aming pamilya sa mga pagsisikap sa komunidad at pulitika na suportahan ang pamilya, kaya pinag-usapan namin ang mga bagay na ito nang madalas at nagkaroon kami ng maraming madamdaming pag-uusap kung saan ibinahagi at pinagtalunan ang mga opinyon. Dahil dito, naging tiwala ang bawat isa sa aming mga anak sa sarili nilang mga paniniwala at sa kakayahan nilang ipahayag ang mga iyon.

Halimbawa, kumuha ng biology class ang bunso kong lalaki na ang guro ay hayagang napopoot sa ating mga paniniwala. Hinamon siya ng guro, “Alam ba ng nanay mo na kasama ka sa klase ko?”

“Opo, sir,” sagot niya.

Makalipas ang mga isang buwan tinanong ko ang anak ko, “Kumusta na ang biology class mo?”

“Inay, hinahamon ako ng guro araw-araw,” sagot niya.

Nagalit ako. “Maaari ka naming alisin kaagad sa klaseng iyon!” sabi ko.

“Huwag po, Inay,” sagot niya. “Araw-araw ay hinahamon niya ang mga paniniwala ko, at araw-araw ay inuulit ko ang pinaniniwalaan ko,” paliwanag niya. “At halos araw-araw may lumalapit sa akin pagkatapos ng klase at nagpapasalamat. Sabi nila, naniniwala silang katulad ko pero takot na takot silang magsalita.”

Ipinagmalaki ko siya sa pagiging matibay sa harap ng gayong tuwirang mga hamon at tanong.

Sa pagtatapos ng semestre, nilapitan siya ng guro. “Kailangan kitang purihin,” sabi nito. “Maganda ang ginawa mong paninindigan sa pinaniniwalaan mo.”

Naihanda siyang mabuti ng lahat ng talakayang iyon sa pamilya.

Dula-dulaan

Sa mundo ngayon, ang doktrina ng pamilya ay hinahamon at pinagdududahan araw-araw. Makakatulong ang pagdudula-dulaan para maging mas matibay ang pananampalataya at pag-unawa ng ating mga anak.

Maaari kayong magdaos ng home evening kung saan kayo magsasadula ng mga pag-uusap tungkol sa partikular na mga tanong. Halimbawa, maaaring gampanan ng inyong anak ang papel ng isang kaibigang nagtatanong, “Pinapayagan ba sa simbahan ninyo ang pagpapakasal ng magkaparehong kasarian?” Maaaring ang inyong anak na babae ang magpaliwanag, “Sabi po ng aming mga pinuno, ‘Ang mag-anak ay inorden ng Diyos. Ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay mahalaga sa Kanyang walang-hanggang plano.’ Ito ang pinaniniwalaan ko, pero nauunawaan ko na maaaring iba ang paniniwala ng iba.”

Maaari mong itanong, “Pakiramdam mo ba mahalaga ang mga tatay?” Dahil pamilyar sila sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak: iniisip ng inyong mga anak, “Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan para sa mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak.” Puwedeng sumagot ang isang anak ng, “Napakahalaga ng mga tatay para pangalagaan ang kanilang mga pamilya at panatilihin kaming ligtas. Napakabait ng tatay ko—labis akong nagpapasalamat para sa kanya!”

Maaaring mahirap gawin ang mga dula-dulaang ito sa una, pero kapag patuloy na nagpraktis ang inyong mga anak, mas madaling darating ang mga sagot. Ang mga batang nakapagpraktis ng sagot ay magiging mas tiwala sa sarili at malinaw sa kanilang mga sagot at hindi kakabahan at malilito kung paano sasabihin ang kanilang pinaniniwalaan.

mga magulang na nag-aaral kasama ang kanilang mga anak

Pagkakaroon ng Matitibay na Patotoo

Kapag tinutulungan nating pag-aralan at isama ng ating mga anak ang mga alituntuning nasa pagpapahayag, magkakaroon sila ng matitibay na patotoo tungkol sa kahalagahan ng mga pamilya, kasal, magulang, at buhay.

Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2017, sinabi ni Pangulong Oaks:

“Pinatototohanan ko na ang pagpapahayag tungkol sa pamilya ay isang pahayag ng katotohanan na walang hanggan, ang kalooban ng Panginoon para sa Kanyang mga anak na naghahangad ng buhay na walang hanggan. Naging batayan ito sa pagtuturo at gawain ng Simbahan sa loob ng nakalipas na 22 taon at magpapatuloy sa hinaharap. Pag-isipan ito, ituro ito, ipamuhay ito, at kayo ay pagpapalain sa inyong pagsulong tungo sa buhay na walang hanggan.

“Apatnapung taon na ang nakararaan, itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson na ‘bawat henerasyon ay may mga pagsubok at pagkakataong manindigan at patunayan ang sarili.’ Naniniwala ako na ang saloobin natin sa pagpapahayag tungkol sa pamilya at ang paggamit nito ay isa sa mga pagsubok na iyon para sa henerasyong ito. Dalangin ko na lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw ay manatiling matatag sa pagsubok na iyan.”5

Sabi nga sa awitin sa Primary, “Ang taong matalino’y nagtayo ng kubo sa ibabaw ng bato. … Ang bahay sa bato [ay] nanatiling nakatayo.”6 Matutulungan natin ang ating mga anak na maging matibay sa kanilang pag-unawa tungkol sa pamilya at sa mga katotohanan ng plano ng kaligtasan. Magiging malaking pagpapala ito sa kanila at magpapalakas sa kanilang pananampalataya habang nabubuhay sila sa mga huling araw na ito na puno ng hamon.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.